Inday TrendingInday Trending
Mag-isa na nga sa Kaniyang Kaarawan ay Sinisingil pa Siya sa ‘Utang’ na Hindi Naman Kaniya; Matutuwa pala Siya sa Sorpresang Hatid ng ‘Maniningil’

Mag-isa na nga sa Kaniyang Kaarawan ay Sinisingil pa Siya sa ‘Utang’ na Hindi Naman Kaniya; Matutuwa pala Siya sa Sorpresang Hatid ng ‘Maniningil’

Malungkot na naman si Aling Petring nang araw na ’yon gayong dapat ay espesyal iyon, dahil ngayon din ang mismong araw ng kaniyang kaarawan. Ngunit katulad ng dati ay mag-isa na naman niyang ipagdiriwang ang araw na ’yon at dahil doon, simula umaga ay mainit na ang kaniyang ulo.

Wala kasing sariling pamilya si Aling Petring dahil tumanda na siyang dalaga. Noon kasing kabataan niya ay isinubsob niya ang sarili sa pagtatrabaho bilang siya ang panganay sa magkakapatid. Siya kasi ang nagpaaral sa mga nakababata niyang kapatid, hanggang sa kaniyang mga pamangkin. Dahil doon, kailan man ay hindi na nagkaroon pa ng oras si Aling Petring na pagtuunan ang kaniyang buhay pag-ibig.

Wala siyang balak ipagdiwang ang kaarawan niya ngayon. Ang balak niya ay palipasin na lang ito na parang normal na araw lang. Hindi na rin siya nag-abala pang mamalengke dahil balak niyang mag-ulam na lang ng sardinas sa maghapong ’yon. Malungkot man ay kailangan niyang tiisin ’yon dahil wala siyang ibang pagpipilian.

Maya-maya pa ay sunod-sunod na katok sa kaniyang pinto ang narinig ni Aling Petring…

“Tao po! Tao po!” sigaw ng taong nasa labas.

“Sandali! Nariyan na!” tugon naman niya bago niya binuksan ang pintuan, at doon ay bumungad sa kaniya ang isang lalaking nakasuot ng helmet at iba pang kasuotang pangmotorsiklo.

“Ma’am, kayo po ba si Aling Petring?” tanong sa kaniya nito.

“Oo, ako nga. Ano’ng kailangan nila?” agad namang tugon ng ale.

“Ma’am, nandito po ako para maningil sa utang ng pamangkin n’yong si Jerico. Kayo po kasi ang nakapirmang magbabayad daw nitong mga appliances na inutang niya sa pautangan namin,” sagot naman ng lalaki sabay turo sa malaking truck na nakaparada sa kalsada, sa tapat ng kaniyang bahay.

“Ano?!” Nabigla si Aling Petring sa narinig. “Bakit ako? E, wala naman akong alam d’yan! Hindi naman ako pumirma sa inutangan ng mga pamangkin ko!” bulalas niya pa na agad na nag-init ang ulo.

“E, ma’am, kayo po talaga ang nakalagay dito, e. Paano po ’yan? Kasi po, kung hindi po ninyo mababayaran ito ay mapipilitan kaming ipakulong ang pamangkin ninyo,” sabi pa ng lalaking nakasuot ng helmet na lalong nagpataranta kay Aling Petring.

“Naku, ano ba ’yan!” Nasapo niya ang kaniyang noo. “Paano ba ito… magkano ba ang utang ng pamangkin ko, hijo?” tanong ulit ni Aling Petring sa lalaki.

“Thirty-six thousand ho,” sagot nito.

“Diyos ko po! Saan ba ako kukuha ng ganoon kalaking pera?” Namomroblema na si Aling Petring. Doon niya naalala ang perang matagal na niyang iniipon sa bangko. Kinuha niya ang cellphone niya at doon ay sinuri kung magkano na ba ang inabot ng ipon niya…

“Eksakto!” May pera si Aling Petring. Eksakto sa utang ni Jeriko! “Tumatanggap ka ba ng online payment, hijo?” Tumango naman ang lalaki.

“Pero bago n’yo po bayaran itong mga appliances, baka po gusto n’yo munang suriin ito sa loob ng sasakyan para po makasigurado kayo?” alok naman ng lalaki.

Napatango naman si Aling Petring. “Naku, oo nga. Halika’t nang matingnan,” aniya.

Ang hindi inaasahan ni Aling Petring, sa pagbubukas niya sa naturang sasakyan ay matinding sorpresa pala ang ihahatid niyon sa kaniya! Dahil ang laman nito ay hindi pala mga appliances—kundi ang lahat ng kaniyang mga pamangkin na dinalaw siya para lang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan!

“Happy birthday, Tiya Petring! We love you!” ang sabay-sabay na sigaw ng mga ito.

Hindi siya makapaniwala at natulala na lang si Aling Petring lalo na nang isa-isang bumaba ng sasakyan ang kaniyang mga pamangkin, hawak ang mga espesyal na pagkaing dala-dala ng mga ito, bago isa-isang humalik sa kaniya.

“S-salamat, salamat sa inyo, mga anak!” hindi napigilang iyak niya dahil sa sobrang tuwa.

Ngunit hindi pa pala doon nagtatapos ang lahat. Maya-maya ay tinanggal ng ‘maniningil’ na lalaki ang suot nitong helmet at doon ay napag-alaman niyang ito ay walang iba kundi si Jeriko… ang pinakamalapit niyang pamangkin, dahil halos ampunin niya na ito nang mawala ang ina nito! Nag-abroad kasi ito kaya matagal niya itong hindi nakita.

“Happy birthday, nanay! Mahal na mahal ko ho kayo,” umiiyak na sabi ni Jeriko. “Simula po ngayon ay hindi na kayo mag-iisa dahil nabili ko ho ’yong bahay na katabi nitong bahay n’yo. Dito na kami titira ng mag-iina ko at makakasama na namin kayo,” balita pa nito na lalong nakapaghatid ng labis na tuwa kay Aling Petring.

Hindi niya inaasahan na ang araw na inakala niyang magiging malungkot ay ang isa pala sa magiging pinakamasayang araw ng kaniyang buhay. Ibinigay kasi ng mga pamangkin niya ang nararapat na pasasalamat para sa pagiging mabuting tiyahin niya sa kanila.

Advertisement