Inday TrendingInday Trending
Hindi Mapagbigyan ng Binata ang Hiling ng Kaniyang Lolo; Ang Drawing Book Nito ang Maglalahad ng Lahat

Hindi Mapagbigyan ng Binata ang Hiling ng Kaniyang Lolo; Ang Drawing Book Nito ang Maglalahad ng Lahat

“Anak, nasaan ka na ba? Umuwi ka na at kanina ka pa hinahanap ng lolo mo. Ayaw niyang simulan ang kainan nang wala ka pa rito,” sambit ni Minda sa binata niyang anak na si Shawn.

“Oo nga pala, ‘ma, kaarawan ngayon ni lolo! Pasensya na po at nakalimutan ko. Hindi pa po ako p’wedeng umalis dito sa opisina dahil may tinatapos pa akong report. Pakiusapan n’yo na lang siya na simulan na ang kainan. Ibibili ko na lang po siya ng cake pag-uwi ko. Sana ay may maabutan pa akong bukas na bakery,” saad naman ng binata.

“Umuwi ka na, anak, alam mo naman kung gaano kahalaga sa lolo mo na narito ka. Ngayon nga ay ubod ng lungkot at hinihintay ka. Basta, huwag ka nang magtagal d’yan sa opisina at umuwi ka na,” utos pa ng ina.

Subalit hindi naman maiwan basta ni Shawn ang kaniyang trabaho lalo na at kailangan na rin ang report kinabukasan ng umaga.

Pag-uwi ng binata sa bahay ay nakaligpit na ang lahat. Naabutan niya ang kaniyang Lolo Anselmo na natutulog nang nakaupo sa sofa sa sala.

Naalimpungatan ito nang marinig ang pinto.

“Apo, narito ka na pala. Ang tigas ng ulo ng mama mo kasi. Ang sabi ko ay huwag munang kumain nang wala ka. Nilagay pa sa ref ang mga pagkain at baka masira raw. Saan ka ba nanggaling kasi?” bungad ng matanda.

“Pasensya na po kayo, ‘lo, a. May tinapos kasi ako sa opisina. Hayaan n’yo at babawi na lang ako sa susunod na araw. Ito nga po pala ang cake para sa inyo. Sisindihan ko ang kandila para mahipan n’yo ulit nang narito ako,” pahayag pa ng binata.

Talagang malapit sa isa-isa ang maglolo. Noong bata pa itong si Shawn ay halos itahi na siya ng ina sa tagiliran ng kaniyang Lolo Anselmo dahil nakabuntot ito kahit saan magpunta ang matanda.

Ngayon nga ay binata na si Shawn at may mga responsibilidad na rin kaya malimit na silang makapag-bonding ng kaniyang lolo. Dahilan para manabik sa apo ang matanda.

Pagkatapos kantahan at hipan ang cake ay dederetso na sana sa silid itong si Shawn upang magpahinga. Ngunit nanghihingi pa ang kaniyang lolo ng sandaling panahon.

“Baka p’wede naman akong maglambing sa iyo, apo. Alam kong mahal na itong cake na binigay mo. Pero natatandaan mo ba ‘yung hiling kong drawing book at mga lapis? Naubos na kasi ang pahina ng drawing book ko. Ayaw ko namang pumurol ang mga kamay ko. Sana ay mauwian mo ako bukas,” sambit pa ng matanda.

“S-sige po, ‘lo. Hayaan n’yo at ibibili ko po kayo. Pasensya na po at ngayon lang ako nakauwi. Pagod na rin po ako at gusto ko na po sanang magpahinga. Bukas na lang po tayo mag-usap,” sambit pa ni Shawn.

Nais pa sanang makipagkwentuhan saglit ni Lolo Anselmo upang tanungin ang araw sa opisina ng apo ngunit tuluyan na siya nitong tinalikuran.

Kinabukasan ay nagmamadali na naman si Shawn sa pagpasok sa opisina kaya hindi na naman sila nakapagsabay ni Lolo Anselmo na mag-agahan.

Ilang araw na hinihintay ng matanda ang pakiusap niyang drawing book at mga lapis sa apo, ngunit palagi itong nakakaligtaan ng apo.

“Nakabili ka na ba ngayon ng drawing book, apo? Ang dami ko na kasing naiisip na iguhit,” nakangiting sambit ng matanda habang abala naman sa ginawa si Shawn sa kaniyang silid.

“Naku, pasensya na po kayo, ‘lo at nakalimutan ko na naman! Sa susunod po talaga ay bibilhin ko na. Marami lang po akong inaasikaso sa opisina kaya nawawala sa isip ko,” tugon naman ng apo na hindi man lang nakatingin sa kaniyang lolo dahil nakatuon sa ginagawa sa kaniyang kompyuter.

“Ayos lang, nauunawaan ko naman. Nagpunta lang ako dito sa sildi mo para ipaalala sa’yo. Nitong mga nakaraang araw kasi ay daig mo pa ako sa pagiging makakalimutin. Saka may nais ko lang ipakita sa iyo itong mga gawa ko kasi. Tingnan mo,” saad pa ng matanda.

Patuloy sa pagkukwento si Lolo Anselmo, ngunit hindi siya pinapakinggan ng apo. Pinakita niya ang kaniyang mga gawa ngunit imbes na bigyan man lang ng sulyap ng binata ang mga likhang ito ay ikinais pa niya.

“Mamaya na po tayo mag-usap ulit, ‘lo. Kita n’yo nang may ginagawa ako, e. Hindi n’yo ba nakikita na mahalaga ang ginagawa ko? Do’n muna kayo sa sala at huwag n’yo muna akong abalahin para lang sa mga drawing na ‘yan! Nakita ko na po ang mga ‘yan! Bibigyan ko ng pera si mama nang mabili na niya ang drawing book na hinihingi n’yo! Huwag n’yo lang akong kulitin!” iritableng saad ni Shawn.

Nabigla si Lolo Anselmo sa ginawang ito ng apo. Malungkot siyang umalis sa silid nito.

Ilang araw ring naging abala itong si Shawn. Hindi niya kinakausap ang kaniyang Lolo Anselmo sa pangambang baka humingi na naman ito ng oras sa kaniya at hindi na naman niya maibigay.

Nang sumunod na Linggo ay naagtungo ng probinsya itong si Shawn para sa isang mahalagang meeting.

Habang naroon siya ay naisip niya ang kaniyang Lolo Anselmo. Unti-unting bumalik sa kaniya ang mga alaala ng kaniyang kabataan. Kung paanong ang kaniyang lolo ang lagi niyang kasa-kasama.

Doon ay napagtanto niya ang mga maling ginawa. Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon ay agad siyang pumunta sa isang mall at saka niya binilhan ang matanda ng mga drawing book, mga lapit at iba pang gamit sa pagguhit.

Hindi na siya makapaghintay na makauwi upang ibigay ang kaniyang pasalubong. Nang gabing iyon ay inayos na nya sa kaniyang bag ang mga regalo sa kaniyang lolo nang biglang tumunog ang kaniyang selpon. Tumatawag ang kaniyang ina.

“‘Ma, kumusta po? Bukas po ay uuwi na po ako. Kumusta kayo diyan ni Lolo Anselmo? Nagtatampo pa rin ba siya sa akin?” sambit ni Shawn.

“A-anak, kailangan mo nang umuwi ngayon dito. Ang Lolo Anselmo mo, hindi na siya gumising pa! Nandito kami ngayon sa ospital kasama ko ang mga tita mo. Ang sabi ng mga doktor ay wala na raw siyang buhay nang dalhin namin dito!” walang patid sa paghagulgol si Minda.

Nanlamig naman ang buong katawan ni Shawn sa kaniyang narinig. Para bang isang masamang panaginip lang ang lahat ng ito.

Hindi na hinintay ni Shawn ang bukas at kumuha agad siya ng flight pauwi sa Maynila. Dumeretso agad siya sa morge kung nasaan ang katawan ng kaniyang Lolo Anselmo. Hindi makapaniwala ang binata na hindi na niya naabutan pang buhay ang matanda. Todo ang pagtangis ni Shawn dahil nga may tampuhan pa sila ng matanda.

Pag-uwi sa bahay ay nakita ni Shawn ang mga drawing book ng kaniyang lolo. Niyakap niya ito at dahan-dahang binuksan. Doon ay sumambulat sa kaniya ang lahat ng larawan ni Shawn na iginuhit ng matanda mula sa kaniyang memorya. Isa-isang inalala ni Shawn ang mga pagkakataong ito.

Lalong naghinagpis itong si Shawn dahil sa lubos na pagsisisi. Hindi man lang niya napagbigyan ang mga maliliit na kaligayahan ng kaniyang Lolo Anselmo sa mga huling araw nito sa mundo.

“Patawarin mo ako, ‘lo! Patawarin mo ako kung inilayo ko ang loob ko sa iyo! Patawarin mo ako sa lahat ng nasabi ko! Patawarin mo ako kung hindi ako humingi agad ng kapatawaran nang masaktan kita! Lolo ko!” pagtangis ng binata.

Hindi maubos-ubos ang luha ni Shawn habang inaalala ang mga masasayang araw kasama ang kaniyang Lolo Anselmo, ngunit habang buhay niyang pagsisisihan ang mga nagawa niyang kasalanan sa matanda.

Advertisement