Inday TrendingInday Trending
Hindi Maganda ang Kutob ng Binata sa Palaboy na Nililibre ng Kapatid sa Kanilang Lugawan; Bandang Huli’y Magpapasalamat pa Siya Rito

Hindi Maganda ang Kutob ng Binata sa Palaboy na Nililibre ng Kapatid sa Kanilang Lugawan; Bandang Huli’y Magpapasalamat pa Siya Rito

Lansangan na ang naging tahanan ng batang si Gado at ng kaniyang ina at nakababatang kapatid. Dapat sana ay nasa paaralan ito ngunit makikita mo siyang pakalat-kalat sa kalsada at naghahanap ng kanilang panggastos sa araw-araw.

Kung anu-ano na ang pinasok na trabaho ni Gado sa kaniyang murang edad. Nariyang maging taga-bantay ng mga sasakyan sa paradahan, magbenta ng kalakal, maging utusan sa sugalan, magbenta ng basahan at magbahay-bahay para magtapon ng basura. Lahat ito ay kaniyang ginawa nang sa gayon ay makatulong sa kaniyang pamilya.

Nakita naman ng dalagang si Anna na nagbabantay ng lugawan ang kasipagan ni Gado kaya madalas ay pinapupunta nya sa kainan ang bata upang magbigay ng makakain.

“Dahan-dahan lang ang pagkain, Gado. Bagong luto ang lugaw na ‘yan, baka mapaso ka!” saad ni Anna sa bata.

“Gutom na gutom na po kasi ako Ate Anna. Mabuti na nga lang at pinapakain mo ako dito sa lugawan n’yo. Kung hindi ay baka kumukulo pa rin ang sikmura ko hanggang ngayon,” sambit naman ni Gado.

“Sabi ko naman sa iyo ay puntahan mo lang aako rito kung wala kang makain. Mamaya ay ipagbabalot pa kita ng lugaw para naman sa kapatid at nanay mo,” dagdag pa ng dalaga.

Narinig ng nakatatandang kapatid ni Anna na si Alex ang sinabi ng dalaga. Kaya naman nang magkaroon ito ng pagkakataon ay kinompronta niya ito.

“Anong sinasabi mo sa batang iyon na kumain lang dito at ikaw ang bahala?! Negosyo ng pamilya natin ito, Anna! Hindi tayo charity! Hindi ka pa nakuntento at pagbabalutan mo pa talaga ng lugaw para sa ina at kapatid!” sambit ng binata.

“Hayaan mo na, Kuya Alex! Marami namang natitirang lugaw sa atin araw-araw. Mainam nang ipamahagi na lang natin ito. Saka ibahin mo sa mga batang lansangan ‘yang si Gado, mabait siya at masipag. Higit sa lahat ay mapapagkatiwalaan. Gusto ko lang naman siyang tulungan dahil ang bata pa niya pero siya na ang naghahanapbuhay para sa kaniyang pamilya,” dagdag pa ni Anna.

“Wala akong pakialam sa istorya ng buhay niya. Basta, huling beses na itong bibigyan mo ng pagkain ang batang iyan. Baka mamaya ay masanay at dalhin pa rito ang pamilya. O, ‘di naman kaya ay magtawag pa ng ibang kapwa batang lansangan!”

Kahit na pinipigilan na ni Alex ang kapatid ay hindi ito nagpapigil. Bago magsara ang lugawan ay tinatawag nito si Gado upang pakainin. Tapos ay pinauuwian pa niya ito ng pagkain.

“Ang sarap talaga ng lugaw n’yo rito, Ate Anna! Ito ang pinakamasarap na natikman ko!” sambit ni Gado habang patuloy sa kaniyang pagkain.

“Baka naman mamaya ay iyan lang ang lugaw na natikman mo! Pero totoo ang sinasabi mo. Masarap talaga ang lugaw na ‘yan dahil gawa ‘yan ng nanay namin. Kahit nga sa Bataan., kung saan kami nanggaling ay sikat ang lugaw ni nanay! Sige lang at kumain ka pa. Marami pa rito, Gado,” nakangiting sambit naman ni Anna.

Inis na inis si Alex sa ginagawang pagtulong na ito ng nakababatang kapatid kay Gado.

“Hindi ba’t pinagsabihan na kita na huwag nang pakakainin ang batang iyan dito? Bakit narito na naman ‘yan? Binigyan mo pa ng softdrinks, e, hindi naman nagbabayad ang batang iyan. Inuuto ka lang niyan sa mga sinasabi niya. Talagang masarap ang lugaw kapag libre!” sambit pa ni Alex.

“Ikaw naman, kuya, hindi ka na naawa sa bata. Baka nga tayo na lang ang tumutulong sa kaniya, e. Hindi naman natin ikakahirap ang tatlong tasa ng lugaw na ibinibigay natin sa kaniya. Ayaw mo ba no’n at nakakatulong tayo sa iba kahit paano? Hindi ba’t iyan ang bilin ni nanay? Ang maging matulungin tayo,” wika pa ng dalaga.

“Pero inaabuso ka na ng batang iyan! Palibhasa’y nakakalibre ng pagkain dito kaya balik ng balik. Baka mamaya ay kinukuha lang niyan ang loob mo dahil may binabalak na masama ‘yan sa tindahan! Kapag may nawala rito, Anna, ay ikaw ang mananagot sa akin. Isasama kita sa pagkakagapos ng batang iyan!” dagdag pa ng kapatid.

Patuloy pa rin ang pagtulong nitong si Anna kay Gado kahit na pinagbilinan na siya ng kaniyang Kuya Alex. Hindi na umiimik pa ang binata ngunit masama pa rin ang kutob niya sa mga kilos ni Gado.

Hanggang isang gabi ay nagulantang ang lahat nang biglang makatanggap ng tawag itong si Alex mula sa mga pulis.

“A-ano raw ang nangyari, Kuya Alex? Bakit ka tinawagan ng pulis?” tanong ni Anna.

“Natagpuan daw ng mga pulis sa loob ng lugawan ang batang kaibigan mo! ‘Yung nililibre mo ng pagkain! May tumawag daw sa mga pulis at nagreport na may nagnanakaw sa lugawan kaya agad silang nagpunta doon. Pagbukas nila ng tindahan ay nakita nila si Gado na walang malay at yakap ang mga pera na naiwan sa tindahan! Ilang beses ko nang sinabi sa iyo, Anna, wala akong tiwala sa batang iyan! Ngayon ay gagawin ko ang lahat upang magtanda siya! Sigurado akong may kasabwat siya! Nagkataon lang na may nakatunog na may nagnanakaw sa tindahan!” galit na pahayag ni Alex.

Kahit ano pa ang sabihin ni Alex ay hindi naniniwala si Anna na magagawa ito ni Gado. Agad silang nagtungo sa lugawan upang alamin pa ang lahat ng nangyari. Ngunit pagkakita pa lang ng binata kay Gado ay nais na niya itong g*lpihin.

“Ang kapal ng mukha mong bata ka! Matapos kang kumain ng libre sa lugawan namin araw-araw ay pagnanakawan mo pa kami! Talagang hindi mapagkakatiwalaan ang mga taong tulad mo! Bata ka pa lang pero kampon ka na ni S*tanas!” nanggagalaiting sambit ni Alex habang inaawat siya ng mga pulis. Nais kasi niyang saktan ang bata.

“Maghunos dili po kayo. Kahit anong sabihin n’yo ay bata pa rin siya. Hindi naman namin siya makausap ng matino dahil parang nagugulantang pa siya sa mga nangyayari, Ngayon lang po siya nagkaroon ng malay,” saad ng isang pulis.Agad namang nilapitan ni Anna si Gado upang kausapin.

“Gado, ikaw ba ang gumawa ng lahat ng ito? Totoo bang gusto mong pagnakawan ang tindahan namin? Sagutin mo ako. Paniniwalaan ko ang lahat ng sasabihin mo sa akin,” wika ni Anna.

Dito lang nahimasmasan ang bata.

“Ate Anna, hinding hindi ko po ‘yun magagawa sa inyo,” umiiyak na saad ni Gado.

“Kapal ng mukha mong magsinungaling! Huling-huli ka na nga ay nagsisinungaling ka pa! Kay bata mo pa pero halang na ang bituka mo! Dapat sa iyo ay turuan ng leksyon!” sugaw naman ni Alex.

“Ate Anna, tulungan mo po ako! Hindi ko po talaga kayo kayang pagnakawan! Maniwala po kayo sa akin!” pagtangis pa ng bata.

“Magsinungaling ka hanggang gusto mo. Pero hindi makakapagkaila ang CCTV dito sa tindahan. Akala mo ay makakalusot ka sa batas dahil bata ka lang? Makikita mo ngayon ang parusa na hinahanap mo!” wika pa ni Alex

Sinuri ni Alex angh CCTV upang makita ang buong pangyayari. Ngunit habang ibinabalik niya ang mga tagpong nakunan ng bidyo ay labis niyang ikinabigla ang kaniyang nasaksihan.

May ilang kalalakihang pumasok sa loob ng lugawan. Hinanap ng mga ito ang kaha kung saan naroon ang benta ng tindahan ng araw na iyon. Ngunit bigla na lang dumating si Gado. Tumawag ito sa telepono pagkatapos ay nakipagbuno sa mga kalalakihan bago pa makatakas ang mga ito. Pilit na hinablot ni Gado ang pera at saka ginawa ang lahat upang hindi ito makuha muli sa kaniya. Kahit na binugbog siya ng mga naturang kalalakihan ay pilit niyang pinoprotektahan ang pera. Ito ang dahilan kung bakit inabutan siya ng mga pulis na walay at yakap ang kita ng lugawan.

“Nagsasabi nga ng totoo ang bata! Hindi siya ang magnanakaw kung hindi isa pa lang bayani! Hijo, mabuti na lang at agad kang tumawag sa amin baka mamaya ay hindi lang basta pera ang ninakaw sa lugawang ito! Napakatapang mo!” wika pa ng pulis.

Hindi makapagsalita sa labis na pagkapahiya itong si Alex. Lubos namang nagpapasalamat itong si Anna sa kabayanihan na ginawa nitong si Gado.

“Paano mo nalamang pagnanakawan ang lugawan namin? Hindi mo na dapat isinaalang-alang pa ang buhay mo, Gado, pera lang iyon at kayang kayang palitan!” saad pa ng dalaga.

“Narinig ko po kasi sila habang inaayos ko ang mga nakalakal ko. Hindi ko po alam kung ano ang gagawin kaya naisipan kong ako na lang mismo ang pumigil sa kanila. Alam ko kung gaano kahirap kumita ng pera. Dahil araw-araw akong nagbabanat ng buto para sa nanay at kapatid ko pero kulang na kulang pa rin. Mabuti na lang po at lagi ninyo akong pinapakain sa lugawan ninyo. Kahit paano ay nagkakalaman ang aking sikmura. Ginawa ko lang po ang alam kong tama dahil mabuti kang tao para sa akin, Ate Anna. Ito po ang ganti ko sa lahat ng tulong mo sa akin. Hindi ko po kayo kayang pagnakawan,” umiiyak na pahayag pa ng bata.

Naantig ang lahat sa sinabing ito ni Gado. Maging si Alex ay lumambot na rin ang puso dahil sa kabayanihang ginawa ng bata. Napatunayan na mali ang lahat ng kaniyang mga paratang.

“Pasensya ka na sa akin at sa lahat ng mga nasabi ko sa iyo na hindi maganda. Patawad kung hinusgahan kita kaagad. Tama nga itong kapatid ko, mabuti ang kalooban mo, Gado! Maraming salamat sa iyo!” saad naman ni Alex.

Mula noon ay lalong napalapit itong si Gado sa magkapatid. Binigyan ng pamilya ni Anna ang bata ng pabuya dahil sa kabayanihang ginawa nito. Dahil rin naging laman ng balita itong si Gado ay marami ang nag abot sa kaniya ng tulong. Mula noon ay hindi na kailangan pa nito na magbanat ng buto at tuluyan na rin siyang nakabalik sa pag-aaral.

Madalas ay nagtutungo pa rin si Gado sa lugawan para kumain at tulungan ang magkapatid na sina Alex at Anna.

Advertisement