Inday TrendingInday Trending
Kailanman ay Hindi Itinago ng Ina ang Disgusto at Pagkamuhi sa Bunsong Anak; Ito Pala ang Dahilan Niya

Kailanman ay Hindi Itinago ng Ina ang Disgusto at Pagkamuhi sa Bunsong Anak; Ito Pala ang Dahilan Niya

“‘My, aalis na po ako, hindi niyo man lang ba ako bibigyan ng kiss gaya kay ate?” tanong ni Sophia sa inang agad napalis ang ngiti nang makita siya.

“Mag-iingat ka sa trabaho,” anito saka nilampasan na siya.

Lihim na nasaktan si Sophia sa inasta ng ina. Kumpara sa Ate Moy at Kuya Greg ay hindi kailanman ipinakita ng kaniyang ina na mahal siya nito. Minsan nga’y naisip niyang baka ampon lang siya kaya ayaw nito sa kaniya, ngunit napag-alaman niyang legal naman siyang anak nito at galing siya mismo sa sinapupunan nito kaya bakit iba ang trato nito sa kaniya kumpara sa ibang mga kapatid.

Kaysa dibdibin pa ang ginawa nito ay nagdesisyon na lamang si Sophia na umalis na upang makapasok sa trabaho. Natatandaan niya pa noong tinanong niya ito kung bakit ayaw nito sa kaniya. Ang tanging sagot lamang nito ay…

“Bakit ayaw mo sa’kin ma? Minsan iniisip ko na ampon ako dahil ganyan ang trato niyo sa’kin. Anak niyo ako ma, anak mo rin ako. Iparamdam mo naman ‘yon sa’kin kahit minsan na anak mo ako,” umiiyak na sumbat ni Sophia sa ina.

“Unang araw pa lang nang nalaman kong ipinagbubuntis kita’y hindi na kita gusto, Sophia! Simula noong dumating ka nagkanda-malas-malas ang buhay ko, nambabae ang ama mo at iniwan niya kami. Ilang beses na kitang sinubukang ipalaglag noon, pero kapit-tuko ka at ayaw mawala sa sinapupunan ko. Kaya hinayaan kitang mabuhay, at dapat iyon pa lang ay ipagpasalamat mo na sa’kin,” ani Zenaida.

Kung hindi niya ito ina ay iisipin niyang isa itong matapobreng ale na nanghahamak at nang-aapak ng mga taong sa tingin nito’y hanggang sa paanan lang ang kayang abutin sa buhay.

“Hindi ko ginusto ang lahat ng iyon, ma. Hindi ko inutusan si papa na mambabae siya, nasa sinapupunan niyo pa ako no’n. Bakit sa’kin niyo sinisisi ang lahat ng hindi magandang nangyari sa inyo noon?” humahagulhol na wika ni Sophia sa ina.

Masakit isipin na hindi siya kailanman minahal ng sarili niyang ina. Pero ang mas masakit ay iyong hindi ka pa isinisilang sa mundo ay may pasan-pasan ka nang kasalanan na hindi mo naman alam kung paano nangyari.

Kaysa isipin pa nang isipin ang tampong nararamdaman ay mas nagpukos na lang si Sophia sa kaniyang trabaho. Ipinagpapasalamat niya pa rin sa ina ang hinayaan siya nitong mabuhay at bukod pa roon ay pinakain, binihisan, at pinagtapos siya nito ng pag-aaral. Tama itong dapat ipagpasalamat niya iyon sa ina.

Naglalakad siya pauwi nang mapansin ang nakakasilaw na liwanag na tumatama sa kaniyang mga mata at ang mga sumunod na nangyari ay hindi niya na matandaan. Basta nagising na lang siyang nakahiga sa ospital at may naririnig na humahagulhol sa kaniyang tagiliran.

“M-my?” mahinang usal ni Sophia.

“Sophia! Salamat sa Diyos at gumising ka na,” ani Manang Esther, ang babaeng nag-alaga sa kaniya mula pa noong bata pa siya.

Natataranta itong lumabas sa silid niya upang tawagin ang mga doktor. Ang buong akala niya’y ang mommy na niya ang naroroon at umiiyak sa gilid, iyon naman pala’y ang kaniyang Yaya Esther.

Matapos siyang asikasuhin ng mga doktor ay naiwan na silang dalawa ni Yaya Esther sa silid at nagkaroon na rin siya ng pagkakataong tanungin ang yaya kung sa isang linggo niyang pagkahimbing ng tulog ay dumalaw man lang ba ang mommy niya o sinuman sa kaniyang pamilya.

“Pasensya ka na, Sophia ah. Ayokong saktan ka, pero hindi kailanman dumalaw si mommy mo rito. Nang malaman niyang naaksidente ka’y ako ang tinawag niya’t pinapunta rito. Pero si ate at kuya mo, palagi silang nandito, ngayon lang wala dahil nasa kumpanya sila at may inaasikaso,” paliwanag ni Manang Esther.

Nakaramdam ng pagkadismaya si Sophia… kahit nag-aagaw buhay na pala siya’y wala pa ring pakialam ang kaniyang ina sa kaniya. Lihim niyang nahiling na sana natuluyan na lang siya, baka ikinatuwa pa nito.

Makalipas ang isang buwan mahigit sa wakas ay nakalabas na rin siya ng ospital. Ang pananabik na dapat niyang maramdaman ay hindi man lang yata dumaan sa kaniyang puso. Sa loob kasi ng isang buwan mahigit na pamamalagi niya sa ospital ay hindi man lang dumalaw sa kaniya ang ina.

“Yaya, pwede ba akong sumama na lang sa inyo?” ani Sophia.

Nasa ospital pa lang siya’y sinasabi na ni Manang Esther na magreretiro na ito at hinihintay lamang nito ang tuluyan niyang paggaling, para makauwi na sa probinsya at makasa ang dalawang anak at mga apo.

“Pangako, hindi ako magiging pabigat. Hindi kita bibigyan ng sakit sa ulo. Hindi ako magiging pasaway,” humihibi niyang wika. “Ampunin mo na lang ako, ya. Gawin mo na lang akong anak,” aniya.

Hindi na niya napigilang humagulhol ng iyak. Kapag umalis pa ang matanda ay wala nang magmamahal sa kaniya. Wala na siyang maituturing na ina sa bahay na iyon. Mas nanaisin niyang malayo sa tunay na ina na wala man lang amor sa kaniya, kaysa sa matandang babae na siyang nagpuno ng pagmamahal na hindi naibigay ng mommy niya.

Niyakap siya ni Yaya Esther at umiyak din. Walang anumang salita ang lumabas sa bibig ng babae, ngunit alam niyang nasasaktan at nahihirapan rin ito para sa kaniya.

Nang magpaalam siyang aalis kasama ni Yaya Esther ay wala man lang naging reaksyon ang kaniyang ina.

“Mag-iingat ka doon. Kung kailangan mo ng pera, huwag kang magdalawang-isip na tawagan ako o sinuman sa mga kapatid mo,” anang ina.

Gusto niyang sabihin ritong hindi niya kailangan ang pera, dahil mas kailangan niya ang pansin at pagmamahal nito. Pero mas pinili na lamang niyang huwag nang ituloy ang nais sabihin. Baka mauwi na naman sa sumbatan at sakitan ng salita ang usapan nila. Mas maigi na rin sigurong lumayo siya, baka mas magiging masaya ito kapag hindi na siya makikita ng ina.

Niyakap niya ang ina saka nagpaalam.

“I love you, ‘my,” mahina niyang bulong.

Gusto niyang marinig sana ang sagot nito, pero hindi iyon nangyari kaya nagdesisyon na siyang bumitaw sa yakap at buhatin ang maletang dadalhin sa pag-uwi sa probinsya ni Yaya Esther. Wala siyang ibang hinihiling kung ‘di sana’y mapatawad siya ng ina sa kasalanang hindi niya naman ginawa.

Advertisement