Simpleng Pagpapahalaga sa Pasalubong Niya’y Hindi man lang Niya Nakita sa Mukha ng Ina; Pansit ang Dahilan Kaya Nasabi Niya Lahat ang Sama ng Loob
“Manang Corazon, dagdagan mo ng sahog ah, pasalubong ko iyan sa mga magulang ko, kaya dapat lang na espesyal,” nakangising sambit ni Ramon sa suking ale.
“Oo na, ikaw pa ba?” anito.
Bagong sahod kaya nagdesisyon si Ramon na dumaan sa suking kainan at nagpaluto ng espesyal na pansit para pagsaluhan nila ng kaniyang pamilya. Masarap magluto si Aling Corazon, kaya tiyak na magugustuhan iyon ng kaniyang mama at papa, pati na ng iba pa niyang kapatid na naroroon rin sa bahay.
“Heto na, Ramon, sinarapan ko talaga iyan, para matuwa naman ang pamilya mo,” anang ale.
Matamis na ngumiti si Ramon saka nakangising binitbit ang bilaong puno ng pansit. Sana nga’y matuwa ang buo niyang pamilya sa kaniyang pasalubong. Minsan lamang siyang magdala ng pasalubong, dahil madalas ay sa kaniya nakatoka ang lahat ng bayarin sa bahay nila.
Binigyan kasi siya ng bonus kaya naisip niyang pasalubungan ang pamilya. Pagkarating sa bahay ay agad siyang nagmano sa inang tila nadismaya nang makita siya. Mukhang may inaasahan itong iba, ngunit siya ang napagbuksan.
“Ma, pansit po kain tayo,” aya niya sa ina at agad na tinawag ang iba pa upang pagsaluhan ang kaniyang dala.
“Sige lang, kumain na kayo. Busog ako,” anito.
Nadismaya siya sa naging tugon nito, ngunit hindi na lamang niya iyon ininda. Baka nga talagang busog lang ang mama niya.
“Kain tayong pansit pa,” aya niya sa amang nanunuod ng palabas.
Ngumiti ito at tumayo upang makikain sa dala niyang pansit. Muli niyang nilingon ang inang may hinihintay, malamang ang bunsoniyang kapatid iyon. Sabagay hindi naman masasayang ang dala niya dahil naroon ang kaniyang Dalawa pang kapatid at mga pamangkin.
Kumuha na rin siya ng pinggan at magsisimula na sanang kumain ng dalang pansit nang may kumatok at aligagang pinagbuksan iyon ng ina. Tama nga ang kaniyang hinala na ang bunso nilang kapatid ang hinihintay nito.
“Ma, may pasalubong po ako sa inyo,” masayang sambit ni Rey. “Ang paborito niyong pansit,” anito sabay labas ng isang supot na pansit.
Masayang nagtatalon-talon ang ina na animo’y batang paslit na napasalubungan ng gusto nitong laruan.
“Tiyak masarap iyan, anak,” anito.
Hindi napigilan ni Ramon ang pagsalubong ng kilay sa narinig na sinabi ng ina. Mukhang napansin yata ng ama ang pagsama ng mukha niya kaya nagsalita ito.
“Ipagpatuloy ang pagkain mo, Ramon, at huwag intindihin ang dalawa,” anang ama.
Gusto niyang balewalain, ngunit hindi niya kaya. Hindi niya napigilan ang sariling magdabog sa mesa. Ano ba ang kaibahan ng pansit nito sa pansit na dala niya? Ang sa kaniya ay nakalagay sa bilao, habang ang kay Rey ay nasa supot?
Pero bakit hindi man lang niya nakitang naging ganoon kasaya ang inang kausap o salubungin siya kahit nakalagay na nga sa bilao ang dala niyang pansit.
“Ay! May dala ka rin pa lang pansit, kuya,” ani Rey nang makita ang pansit na kinakain nila.
“Oo, kumain na kayo,” anang ama. Pilit pinapakalma ang umiinit na ulo ng anak na si Ramon. Ayaw nitong magbanggaan ang magkapatid ng dahil lang sa simpleng pansit.
Umismid si Ramon saka pilit na pinapakalma ang sarili sa halo-halong emosyon na nasa puso niya ngayon. Tumayo siya bitbit ang pinggan na pinagkainan at umalis sa kinauupuan.
“Sige, dito na kayo kumain, tutal tapos na rin naman akong kumain,” aniya. “Kapag tapos na kayong kumain, ilagay niyo na ang pansit na iyan sa basurahan ah,” kausap niya sa ibang kapatid at pamangkin. “Hindi pala iyan ang paboritong pansit ni mama,” dugtong niiya. May riin ang bawat salita.
“Kuya, sorry, hindi ko alam na nagdala ka rin pala ng pansit,” ani Rey.
Tabingi siyang ngumiti saka marahang tumango. “Hindi mo kailangang humingi ng tawad, ‘tol. Wala kang kasalanan sa’kin, medyo nagtatampo lang, pero wala ‘to. Sanay naman akong hindi binibigyang pansin. Sa katunayan napapansin lang naman ako ni mama kapag tungkol sa bayaran. Pero sa ibang bagay, hindi ako nag-eexist sa buhay ni mama,” aniya.
Hindi nakapagsalita si Rey sa naging tugon ni Ramon. Tumayo ang ina at hinarap ang panganay na anak.
“Sinasabi mo bang may paborito ako sa inyong magkakapatid, Ramon?” anang ina.
“Wala ba, ‘ma? Kasi kaming mga anak mo, alam namin na mayroon kang paborito at palaging pinapaboran. Sasabihin mo ba na pantay-pantay ang tingin at turing mo sa’min? Pwes ako na ang magsasabi na hindi, ma. Kasi mas paborito mo si Rey, na minsan pakiramdam namin, wala kang ibang anak kung ‘di si Rey lang! Anak mo lang naman ako, ‘ma, kapag may bayaran. Iyon ang totoo,” aniya.
Halos namanhid ang pisngi ni Ramon nang sampalin siya nang malakas nito. Isang tabinging ngiti ang ipinaskil niya sa labi. Nasasaktan siya, kaya niya nasusumbat ang bagay na iyon.
“Salamat sa sampal, ‘ma,” mangiyak-ngiyak niyang sambit.
Nagmartsa na siya patungo sa sariling silid. Nagtatampo at nasasaktan siya, pero hanggang doon lang naman ang mangyayari. Pamilya niya pa rin ang mga ito. Lilipas din ang tampo niya.
Patulog na siya nang pumasok ang kaniyang ama sa kaniyang silid at masinsinan siyang kinausap.
“Alam kong nagtatampo ka sa nanay mo,” anang ama.
Hindi nasumagot pa si Ramon.
“Ramon, hindi naman sa may pinapaboran o ano ang mama mo. Alam mo naman na si Rey ang pinakamahina sa inyong lahat at ikaw ang pinakamalakas, kaya nga ikaw ang inaasahan ng lahat, ‘di ba? Pasensya ka na anak, kung naipaparamdam ng nanay mo na may pinapaboran siya, pero wala anak. Mahal namin kayong lahat, may mga pagkakataon nga lang na kung sino ang sa tingin naming mga magulang ang mahina ay siyang pinagtutuunan namin ng pansin,” paliwanag nito.
“Alam ko naman po iyon, pa. Pasensya na sa inasal ko kanina,” nakayukong wika ni Ramon.
Matamis na ngumiti ang ama saka inakbayan siya. “Mahal na mahal ka namin, hindi lang ikaw, pati na ang iba mo pang kapatid. Kaya huwag ka nang magtampo. Hindi man kumain si mama mo sa pansit na dala mo, kumain naman ako, ‘di ba?” nakangiting wika ng ama.
Tumango si Ramon saka niyakap ang ama. Hindi niya alam kung paanong paraan magmahal ang magulang, pero alam niyang mahal sila ng mga ito. May punto nga lang ang sinabi nito kanina, at wala naman siyang dapat ikatampo sa bagay na iyon.
Mahal niya ang kaniyang pamilya at walang makapagpapabago no’n.