Ininsulto ng Lalaking Ito ang Dating Kasintahang Nang-iwan sa Kaniya Dahil sa Kaniyang Katamaran; Mali lang Pala Siya ng Balitang Nasagap Tungkol Dito
Kasisimula pa lang ni Will sa trabaho. Ilang araw pa lang mula nang siya ay matanggap doon kaya naman talagang pinupursige niya ang kaniyang sarili na maging mas maayos at produktibong tao… ngunit iyon ay hindi dahil gusto niya, kundi para patunayan sa dati niyang nobya na nang-iwan sa kaniya, tatlong taon na ang nakalilipas, na hindi totoo ang sinasabi nitong wala siyang pangarap sa buhay.
Tatlong taon na ang nakalilipas, ngunit ngayon niya lang naisipang magbago. Sa totoo lang ay hindi niya pa gagawin iyon kung hindi niya lang nabalitaang bumagsak ang negosyo ng kaniyang dating nobyang si Jella at ngayon ay naghihirap na raw ito. Gusto niya kasing pagmalakihan ang nasabi niyang ex-girlfriend para makaganti siya sa pang-iiwan nito sa kaniya. Hindi niya ito ginagawa dahil gusto niya talagang mabago ang buhay niya.
Noon kasi ay nagsama sila ni Jella sa iisang bahay at dahil masipag at napakadedikado ng dalaga na makaahon sa kahirapan ay ginawa nito ang lahat ng makakaya. Habang si Will naman, imbes na tulungan ang nobya ay inabuso niya pa ito. Nag-resign siya sa kaniyang trabaho at hinayaan na lang si Jella na buhayin siya, habang siya ay puro barkada at pag-istambay lang ang inaatupag! Iyon ang dahilan kaya iniwan siya nito at hiniwalayan.
Naglalakad papasok sa opisina si Will nang araw na ’yon. Maaga siyang dumating sa opisina dahil talagang nagpapabango siya ng pangalan sa kanilang manager, ngunit hindi inaasahang doon ay nakadaupang palad niyang muli si Jella.
Nagulat pa si Will nang makitang nakaupo ito sa lobby, kasama ang mga aplikanteng naghihintay ng kanilang interviewer. Dahil doon ay hindi napigilan ni Will na mapahagalpak ng tawa.
“Jella, ikaw na ’yan?” Mapang-insulto ang tono ni Will. Dahil doon ay napangiwi naman agad ang dati niyang nobya. “Long time no see, a! Balita ko, buhay mo na raw ngayon ang walang patutunguhan. Mukhang nagkapalit na tayo ng sitwasyon,” tatawa-tawa pang dagdag ni Will na hindi naman pinagkaabalahang pakinggan ni Jella. Sa inis niya’y nagpatuloy lamang ito sa pakikipag-usap sa katabi nito.
“Hindi mo ako p’wedeng basta na lang hindi pinapansin, Jella! Alam mo bang dito ako nagtatrabaho at malapit na akong ma-promote?” pagyayabang pa ni Will na sa wakas ay ikinalingon ni Jella sa kaniya.
“E, ano naman ngayon? Maganda nga ’yan para naman hindi ka na kailangang buhayin ng susunod mong magiging karelasyon katulad ng ginawa ko noong nagsasama pa tayo,” napapairap namang sagot sa kaniya nito at akmang tatalikuran na siyang muli.
“Aplikante ka lang pero hanggang ngayon ay napakayabang mo pa rin. Paraan mo ba ’yan para hindi ka gaanong mapahiya dahil kaharap mo ngayon ’yong lalaking dati mong ininsulto, pero mas mataas na ang posisyon sa ’yo ngayon? Kaya ka siguro iwas nang iwas sa akin, ano? Ayaw mong maipamukha ko sa ’yo na nagkamali ka sa lahat ng sinabi mo sa akin noon!” nagagalit namang bulyaw ni Will sa dalaga na ikinalingong muli nito.
Kumunot ang noo ni Jella. “Kaya ba naghanap ka ng trabaho pagkatapos ng ilang taon mong pag-istambay ay para lang masabi sa akin ’to, Will? Alam mo, kung pagganti lang din naman ang rason mo kaya ka nagsusumikap ngayon, maniwala ka sa akin, hindi ka pa rin magtatagumpay.”
“Hanep! Akala mo naman kung sino kang matagumpay na negosyante, e, lugi naman ang negosyo mo! Kaya ka nga nag-a-apply dito, hindi ba? Kasi wala ka nang pera!” Inis na inis si Will sa ipinapakitang tapang sa kaniya ni Jella.
Sa gulat niya ay bigla na lang humalakhak ang dalaga. “At sino naman ang nagtsismis sa ’yo n’yan, Will? Gosh, napakadesperado mo!” Unti-unting humakbang papalapit sa kaniya ang dalaga at nakangising muli itong nagsalita. “Hindi mo ba alam na ang kompaniyang pinagtatrabahuhan mo ay isa lang sa mga kompaniyang hawak ko, Will? So, papaanong ako ang naghihirap ngayon, gayong ako nga ang tumulong sa ’yo para makapasok dito sa pag-aakala kong gusto mo na talagang magbago?” naiiling pang sabi nito na ikinalaglag ng panga ni Will.
Bigla siyang namutla, lalo na nang lumapit sa kanila ang guwardiya sa naturang building at tinanong kung hina-h*r*ss niya ba ang kanilang ‘boss’. Akala ni Will ay makakaganti na siya kay Jella, ngunit kalaunan ay siya pa rin pala ngayon ang katawa-tawa. Wala na siyang nagawa kundi ang masapo na lang ang sariling noo at mapagtantong tama nga ang lahat ng sinabi nito sa kaniya. Ngayon ay tuluyan na niyang natutunan ang kaniyang leksyon.