Talamak na Nang-aapi ang Isa sa mga Estudyante ng Gurong Ito; Ngunit Imbes na Magparusa ay Magugulat Sila sa Ibibigay Niya sa Bata
“Hoy, akin na ’yang baon mo!” nakangising bulyaw ng batang si Danilo sa isa sa kaniyang mga kaeskuwela nang makita niyang inilalabas na nito ang baon nitong sandwich at juice.
“Ayaw ko nga! Baon ko ito, bakit mo kukunin?” mariing pagtanggi naman nito sa kaniya na agad namang ikinainit ng ulo ni Danilo.
“Aba, lalaban ka na, ha? Kaya mo na ba ang sarili mo?” Pinatunog niya pa ang mga daliri sa magkabilang kamay upang takutin ang kaeskuwela na agad namang napalunok sa kaba nang makita iyon. Sa huli ay wala rin itong nagawa kundi ibigay sa kaniya ang baon nito at umiyak na lamang sa isang tabi habang minamasdan siyang nilalantakan ang baon nito.
Ngunit hindi pa rin kuntento si Danilo sa kaniyang kinain. Gutom pa rin siya dahil kagabi pa walang laman ang kaniyang tiyan, kaya naman naisipan niya namang lapitan ang grupo ng mga kaeskuwela niyang noon ay nagkukumpulan sa isa sa mga mesa sa canteen.
“Hoy! Akin na nga ang mga baon n’yo!” matapang na aniya sa mga ito na para bang may patago siya sa kanila. Nagbulungan naman ang mga kaeskuwela niya.
Nang mapansin ng batang si Danilo na animo nagdadalawang isip ang mga ito na ibigay ang hinihingi niya ay nagpasiya siyang batukan ang isa sa kanila. “Ano, ayaw n’yong magbigay?” nananakot na tanong pa niya sa kanila.
“Grabe ka na, Danilo! Isusumbong talaga kita kay ma’am! Lagi ka na lang nananakit, e, hindi ka naman namin ginagalaw!” ngunit imbes ay bulyaw sa kaniya ng kaniya ng isa pang kaeskuwela.
“Oo nga! Bakit ba sa amin ka nanghihingi ng baon? Wala ka sigurong mama, ’no?!” naiinis pang segunda naman ng isa pa.
Dahil doon ay hindi na nakapagpigil pa ng galit ang batang si Danilo at inundayan niya ng sipa ang mga ito. Bukod doon ay pinagsusuntok din niya sila nang ubod nang lakas hanggang sa mag-iyakan na ang kaniyang mga kaeskuwela!
Mabuti na lamang at isang guro ang napadaan sa kanilang harapan at nakita ang ginagawa ni Danilo. Walang iba kundi ang adviser nilang si Ginang Miranda Galang.
“Mga bata, tumigil kayo! Bakit kayo nag-aaway?! Diyos ko po!” Dali-dali silang inawat ng nasabing guro at doon lamang natigil ang pananakit ni Danilo sa mga kaeskuwela.
“Ma’am, si Danilo po kasi, laging nananakit kapag hindi namin ibinigay sa kaniya ang mga baon namin! Ayaw na po naming magpaapi sa kaniya kaya lumaban na kami!” sumbong ng isa sa mga bata.
“Oo nga po, ma’am, pero hindi pa rin po namin siya kaya. Kanina niya pa po kami sinasaktan!” umiiyak namang sumbong din ng isa pa.
Hinarap ng guro si Danilo. “Totoo ba ’yon?” tanong nito sa kaniya at hindi na nakatanggi pa ang talamak na b*lly. “Kung ganoon ay sumama ka sa akin sa opisina ko, Danilo. Mag-uusap tayo,” dagdag pa ni Ginang Galang sa bata, sabay hawak sa braso nito upang marahan itong igiya patungo sa kanilang opisina.
Ngunit sa gulat ni Ginang Galang ay bigla na lang sumigaw si Danilo. “Aray ko, ma’am, ang sakit po!” maluha-luhang sabi nito.
Nagtaka naman ang guro dahil napakabanayad lang naman ng ginawa niyang paghawak sa braso nito ngunit nasaktan ito agad, kaya naman pinahubad niya sa bata ang suot nitong jacket, at doon ay tumambad sa kaniya ang naglalakihang mga pasa na halos sumakop na sa buong braso at katawan nito!
“Diyos ko po, Danilo! Sino ang may gawa n’yan sa ’yo?” gulat na bulalas ng guro na ikinayuko lang ng bata.
“Ang tatay ko po, ma’am,” mahinang sagot nito na ikinasinghap naman ni Ginang Galang.
Doon lang napag-alaman ng guro na si Danilo pala ay nakadaranas ng matinding karah*san sa kanilang tahanan, ayon na rin sa kuwento nito. Kaya naman pala ganoon ang pag-uugali ng bata ay dahil ganoon din ang nakikita nito sa ama!
Ipinagbigay-alam ni Ginang Galang sa mga awtoridad ang nangyayari sa batang si Danilo at siya muna ang naatasang gumabay dito. Imbes na parusa at paggabay pala ang kailangan nito kaya naman malugod iyong ibinigay ni Ginang Galang, na siyang naging dahilan naman ng unti-unting pagbabago ni Danilo.
Matapos mahuli ang ama nito dahil sa pananakit nito sa kanilang mag-ina ay naging mas payapa ang buhay ng bata. Sa tulong naman ni Ginang Galang ay nagkaroon ito ng panibagong direksyon at naunawaang mali ang mga gawaing nakagisnan nito noon. Dahil doon, unti-unti ay nagkaroon ng mga kaibigan si Danilo at natuto itong makibagay sa kaniyang kapwa. Ngayon ay isa na sa pinakapalakaibigang estudyante sa klase ni Ginang Galang ang batang dati ay isang talamak na mapang-api.