Sinasaktan ng Lalaki ang Kaniyang Nobya Tulad ng Ginawa Niya sa Ibang Babaeng Dumaan sa Kaniya; Mayayari pala Siya sa Maton Nitong Kuya
Pinabayaan ni Raul na umuwi ang nobya niyang si Sheryl sa bahay nito na tadtad ng pasa sa buo nitong katawan, maitim ang ilalim ng mga mata, at may sugat sa gilid ng labi at ilong, dahil sa kaniyang ginawang pisikal na pang-aabuso rito kagabi. Katuwiran niya ay kasalanan naman kasi nito kaya niya iyon nagawa dahil hindi nito sinunod ang gusto niya na mag-resign na ito sa trabaho.
Sa totoo lang ay hindi lang naman kasi ito ang unang beses na ginawa ni Raul ang bagay na ’yon sa kaniyang karelasyon, dahil halos lahat yata ng babaeng dumaan sa kaniya ay nagawa niyang saktan at abusuhin, kabilang na nga ang pinakabago niyang nobyang si Sheryl, bagama’t hindi pa nga nagtatagal ng isang buwan ang kanilang relasyon. Paano kasi ay ayaw ni Raul na may ibang lalaking kinakausap si Sheryl kahit pa ang boss nito sa trabaho kaya naman kagabi ay pinilit niyang pag-resign-in ito. Nang hindi pumayag ang babae ay doon na nag-init ang kaniyang ulo at nagsimula na niya itong saktan. Hindi tinigilan ni Raul si Sheryl hanggang sa siya ay makuntento na, kahit pa sa kabila ng matinding pagmamakaawa nito sa kaniya.
Maliit na babae lang kasi si Sheryl kaya naman talagang wala itong naging laban sa kaniya. Payat din ito at hindi naman ganoon katangkaran. Dahil doon ay lalong mas naging malakas ang loob ni Raul na gawin ang mga ganoong klaseng bagay, lalo pa at alam naman niyang hindi siya nito magagawang isuplong sa pulisya dahil sa pagmamahal nito sa kaniya, ’tulad ng mga dati niyang nobyang pinalampas lang din ang lahat ng ginawa niya. Kung may magtangka mang magsumbong ay handa niyang harapin ang kaso, dahil marami naman siyang kakilalang may mataas na posisyon sa gobiyerno. Talagang walang konsensiya kung mag-isip ang lalaking ito.
Samantala, gulat na gulat naman ang pamilya ni Sheryl nang umuwi siyang ganoon ang kaniyang hitsura. Agad na nilukob ng galit ang puso ng kaniyang mga magulang, lalong-lalo na ng kaniyang amang halos pagtulungan nilang lahat para lang kumalma. Bukod doon ay tinawagan din ng mga ito ang kaniyang Kuya Lance, na mabilis pa sa alas kuwatrong umuwi sa kanilang bahay nang malaman ang sitwasyon ng kapatid…
“Patawarin ako ng Diyos, Sheryl, pero baka mamalmaan ko ang lalaking ’yan!” umiigting ang pangang sabi sa kaniya ng kaniyang Kuya Lance na maya-maya pa ay hindi na rin napigilan pa ang sarili. Dali-daling sumakay sa kotse nito si Lance at pinuntahan ang lugar kung saan madalas umistambay ang mokong na si Raul, at doon ay eksaktong naabutan niyang nakikipag-inuman ito.
Walang sabi-sabing inupakan ni Lance ang mapang-abusong lalaki. Samantalang si Raul naman ay nabigla nang isang kamao ang malakas na tumama sa kaniyang mukha! Bumulagta siya sa sahig at bahagyang nakaramdam ng hilo, hindi pa man nalalapatan ng alak ang kaniyang lalamunan.
Nang mag-angat siya ng kaniyang tingin ay namataan niyang nakatayo sa kaniyang harapan ang isang matangkad na lalaking mayroong maton at malaking katawan na animo kayang dumurog ng buto, kung titingnan ito! Biglang nakaramdam ng kilabot si Raul dahil animo siya langgam kung ikukumpara rito ang patpatin niyang katawan!
“S-sino ka?” nanginginig na tanong niya.
“Ako lang naman ang kuya ng babaeng sinaktan at inabuso mo kagabi, damuho ka!” galit namang sagot nito sa kaniya. “Tumayo ka riyan at ako ang harapin mo. Hindi ka maghanap ng kasing lakas mo at babae lang ang kaya mong saktan?!” dagdag pa nito.
Dahil doon ay halos mangatog ang tuhod ni Raul. Akma na sana siyang tatakbo ngunit hindi sinasadyang nahawakan nito ang likurang bahagi ng kaniyang damit at mabilis nitong nahila pabalik, kasabay ng pagbalya nitong muli sa kaniya sa sahig!
Pagkatapos ay sunod-sunod ang ginawang panununtok, paninipa at pambabalya sa kaniya ni Lance hanggang sa halos mamaga na ang buong mukha ni Raul. Triple sa sakit na ibinibigay niya sa mga babaeng inabuso niya noon.
Hindi niya akalaing mabilis siyang makakahanap ng katapat sa katauhan ng lalaking ito. Ngayon niya napagtatanto kung ano ang nararamdaman ng mga babaeng sinasaktan niya, dahil ngayon ay nararanasan na niya ito. Hindi siya tinigilan ni Lance hanggang sa halos pagapang na siyang umuwi sa kaniyang bahay. Hindi na rin niya nagawang magsampa pa ng kaso laban sa lalaking nagbigay sa kaniya ng leksyon dahil nang araw ding iyon ay nalaman niyang isa pala itong magaling at tanyag na abogado.