Inday TrendingInday Trending
Isang Estudyante ang Madalas Niya Mapagtuunan ng Pansin Dahil Matamlay Ito; Isang Malaking Pagsubok Pala ang Kinakaharap Nito

Isang Estudyante ang Madalas Niya Mapagtuunan ng Pansin Dahil Matamlay Ito; Isang Malaking Pagsubok Pala ang Kinakaharap Nito

“Good morning, Sir Eric!” masiglang balik ng mga estudyante sa kaniyang pagbati.

“May exam kayong sasagutan ngayong araw,” pagpapaalala niya habang may nilalabas na makapal na mga papel.

Agad niyang narinig ang ugong ng iba ibang reaksyon ng mga bata. Mayroong hindi nakapag-review, walang ballpen, at kung ano ano pa.

“Maghiwa-hiwalay kayo nang kaunti dahil bawal ang kopyahan,” utos niya. Agad namang tumalima ang mga bata.

Nang makaupo na ang mga bata ay ipinamahagi niya na ang mga papel upang magsimula nang magsagot ang mga ito.

Pitong taon ng nagtuturo si Eric sa paaralan na ‘yun. Iba’t ibang baitang na rin ang kaniyang naturuan.

Ngayong taon rin ay isa siyang guro sa Filipino sa ikaanim na baitang.

“Jiro at Ben. Nakikita ko ‘yang mga mata ninyo,” pagsaway niya sa dalawang estudyante na nagkokopyahan.

Sanay na siya sa mga taktika ng mga bata. Hindi na siya nagugulat na sa murang edad ng mga ito ay mayroon nang marunong mandaya.

Ngunit mas lamang ang mga batang mga pasaway at makukulit sa ganitong edad.

Natatawa na lamang siya kapag nakikita niya ang mga naniningkit na mata ng iba niyang estudyante na para bang pinipilit na maintindihan ang mga katanungan sa pagsusulit.

Ilang minuto na rin ang lumipas ng makita niyang tapos ng magsagot ang estudyante niyang si James. Nakaupo na lamang ito ay pinaglalaruan ang kaniyang ballpen.

“Tapos ka na James?” pag-uusisa niya dito saka sinilip ang papel nito.

“Tapos na po ako, Sir,” matamlay na sagot nito.

“Pwede ka nang pumunta sa canteen kung ganoon,” wika niya sa estudyante.

Agad rin itong umiling at yumukyok na lamang ang mukha sa mesa at pumikit.

“Sir, kapag natapos po ako agad pwede na po akong pumunta sa canteen?” sabik na wika naman ni Billy. Narinig marahil nito ang usapan nila ni James.

“‘Wag mong madaliin ang pagsasagot dahil lagot ka sa akin kapag mababa ang marka mo,” pananakot niya sa batang si Billy. Isa ito sa mga makukulit at pasaway.

Pabirong sumimangot lang ito at nagseryoso sa pagsasagot.

Muli ay nabaling ang kaniyang paningin kay James na nakayuko pa rin sa mesa nito.

Masasabi niya na mahusay ang batang ito dahil matataas ang marka nito sa mga pagsusulit subalit napakatahimik nito at bihirang bihira ito magsalita.

Madalas ay napapansin niya nauunawaan nito ang mga aralin ngunit kapag nagtatanong na siya at tinawag niya ito ay sasabihin nitong hindi nito alam ang sagot.

Napansin din niya na walang kaibigan si James sa loob ng kaniyang klase kaya may nararamdaman siyang kaunting pag-aalala para dito.

Napalis ang kaniyang iniisip nang marinig ang boses ni Billy.

“Sir! Tapos na po ako,” anito habang iwinawagayway ang papel na hawak nito.

“Sige na at kumain ka na. Alam ko naman na hindi ka matatahimik sa upuan mo,” napapailing na sambit ni Eric. Napapalatak pa siya nang makita ang sunod sunod na maling sagot ng bata.

Sasawayin niya sana ito subalit tuluyan nang nakalabas ito ng pinto.

Ngunit sa kaniyang pagtataka ay agad ding bumalik si Billy.

“Sir! Nawawala po ang wallet ko!” sigaw nito.

Hinanap nila ang wallet nito subalit bigo sila. Naaawang binigyan niya ito ng pera pangkain.

Nang matapos ang pagsusulit ay isa isa nang naglabasan ang mga estudyante. May iilan namang nanatili sa classroom dahil may baon ang mga ito.

Muling nalipat ang tingin niya kay James na nakayukyok pa rin sa mesa nito.

Nag-angat ng tingin ang bata. “Sir, hindi po ako nagugutom,” maikling wika nito bago muling bumalik sa posisyon nito.

Nagpatuloy ang ganitong pag-uugali ni James kaya naman nabahala si Eric.

Isa pang ikinakabahala ni Eric ay hindi bababa sa tatlong estudyante na ang nawawalan ng wallet. Sa lahat ng pagkakataon, bigo silang mahanap ang mga nawawala.

Nagkakaroon na tuloy ng bulung bulungan na may magnanakaw sa kanilang classroom, bagay na pinabulaanan ni Eric.

“Hindi tayo sigurado, kaya wala munang mga haka haka. Ingatan niyo na lang ang mga gamit niyo,” paalala niya sa mga bata.

Isang araw ay kinausap niya si James. Mas lalo kasi itong tumamlay sa klase at gusto niyang maunawaan ang ugali ng bata.

“James, gusto ko sanang kausapin ang mga magulang mo. Magaling ka sa eskwelahan ngunit kailangan mo pa ng kaunting komunikasyon sa mga taong nasa paligid mo,” wika niya sa bata.

“Pasensya na po, Sir. H-hindi po kasing pumunta ang mga m-magulang ko dahil may t-trabaho po sila pareho,” utal utal na tugon ni James sa kaniya habang nakayuko.

Nadismaya siya sa sinabi ng bata. “Wala bang ibang kamag-anak na maari kong makausap? Kuya, o Ate? O kahit Tita o Tito mo?” usisa niya.

Umiling lamang ang bata.

“Sige, salamat, James. Sabihin mo lang sa akin kapag hindi na sila abala sa trabaho. Matalino kang bata James, sana ay alam mo ‘yan,” nakangiting paalala niya dito saka ito pinauwi.

Napagdesisyunan na ring sumunod kay James na umuwi na rin at akmang aabutin ang kaniyang wallet ngunit wala na ito sa ibabaw ng lamesa.

Agad na nilingon ni Eric ang pintuan ang nagmadaling lumabas para habulin ang kaniyang estudyante.

Kung ano anong pumasok sa isip niya tungkol sa estudyante. Naisip niya na marahil ay sangkot ito sa nakawan sa kanilang classroom, bagay na agad niyang pinagsisihan.

Maraming importanteng bagay din ang nasa loob ng wallet niya kaya gusto niyang mabawi ito.

Sa kaniyang paghabol kay James ay naabutan niya si James na papasok sa isang madilim na eskinita. Hawak hawak nito ang kaniyang wallet. Huminto ito sandali upang kalkalin ang wallet na hawak nito.

Nakita niyang nagtago si James ng pera sa sapatos nito bago muling naglakad.

Sa madilim na eskinita ay nakita niya ang apat na binatilyo na tila inaabangan ang pagdating nito.

Agad hinablot ng isa mga ito ang ang wallet sa kamay ni James at kinapkapan pa ang bata.

Ibinuhos pa nito ang lahat ng laman ng bag ni James.

Nagulat pa si Eric ng itinulak nila ang bata paupo at hinubaran ito ng sapatos. Kinuha nito ang pera na itinago ng pobreng bata.

Akmang susuntukin nito ang bata subalit sumigaw siya.

“Hoy! Ano ‘yan?” sigaw niya. Agad na nagpulasan ang mga binatilyo. Naiwang nakaupo sa lapag ang kaniyang estudyante.

“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong niya sa bata. Nagsimula itong bumuhanglit ng iyak.

“Wala na pong pambili ng gamot si Nanay. Ako na nga ang gumagawa ng masasamang bagay para sa kanila pero hindi pa nila ako binibigyan ng parte! Hindi ko na mabibili ang gamot ni Nanay,” pagkukwento nito.

“Ikaw ba ang salarin kaya nagkakandawala ang wallet ng mga kaklase mo?” tanong niya sa bata.

Marahang tumango ito. Muli ay tumulo ang luha.

Awang awa si Eric sa estudyante. Sa mura nitong edad ay tila pasan nito ang daigdig.

“James, mali ang ginawa mo. Mangako ka na hindi mo na gagawin ito,” marahan ngunit matigas niyang pangangaral dito.

Hiyang hiya na nangako ang bata.

Tinulungan niya ang bata na lumapit sa isang organisasyon na makatutulong tumustos sa gamot ng ina nito. Hindi naman sila nabigo dahil marami ang nais tumulong sa ina nito.

Pa unti unti niya ring tinulungan ang bata sa abot ng kaniyang makakaya. Sa tuwing may ekstra mula sa kakarampot niyang kita bilang isang guro ay inaabutan niya ang bata ng maliit na halaga.

“Sir, maraming salamat po! Ikaw lang ang nag-isang teacher ma gumawa nito para sa anak ko,” mangiyak ngiyak na wika ng ina ni James nang minsan itong bumisitasa eskwelahan.

Unti unti niyang nakita ang pagbabago ni James. Hindi na ito parating nakayukyok sa mesa at unti unti ay nagkaroon na ng mga kaibigan ang bata.

Madalas na rin ang partisipasyon nito sa klase kaya naman nagsitaasan ang marka nito.

Tuwang tuwa si Eric sa pagbabago ng kaniyang estudyante.

Naisip niya na tunay ngang ang pagiging guro ay hindi natatapos sa loob ng silid-aralan.

Hindi madali ang trabaho na ito, subalit ‘pag nakikita niya na ang bawat tulong na ginagawa niya para sa mga estudyante ay nagkakaroon ng magandang epekto sa mga ito, napapatunayan niya na pinili niya ang pinakadakilang propesyon sa buong mundo.

Advertisement