Nalugmok ang Ina sa Depresyon dahil sa Pagkakawala ng Paningin; Nabuhayan Siya sa Ginawa ng Anak
“Ma, pwede po ba tayong maglaro ngayong hapon?” saad ni Justin sa kaniyang inang si Terry.
“Pasensiya ka na muna, anak, at hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon. Si papa muna ang kalaruin mo,” tugon naman ng ginang.
“Bakit, mahal? Masakit na naman ba ang ulo mo? Gusto mo ay dalhin na kita sa ospital nang masuri kung bakit lagi kang nakakaramdam ng ganiyan?” pag-aalala ni Joaquin sa kaniyang asawang si Terry nang makita niya ang maybahay na masama ang pakiramdam.
“Ayos lamang ako, mahal. Siguro ay sa pagod lamang ito o sa puyat. Itutulog ko na lang muna ito nang mawala. Uminom naman na ako ng gamot para sa sakit ng ulo kanina,” tugon naman ng ginang.
“Napapadalas na kasi ‘yang pagsakit ng ulo mo? Bukas na bukas ay patitingnan kita. Sige, magpahinga ka na muna at ako na ang bahala mag-alaga sa anak nating si Justin,” wika pa ng mister.
Ipinahinga na muna ni Terry ang kaniyang masamang pakiramdam.
Halos dalawang linggo nang iniinda ng ginang ang pabalik-balik na pagsakit ng kaniyang ulo. Ayon sa kaniya ay nararamdaman niya ang sakit hanggang sa kaniyang batok. Ang tingin ni Terry ay dahil lamang ito sa pagod o hindi naman kaya ay sa puyat. Ngunit hindi na mapakali ang kaniyang mister kaya nais na nitong dalhin ang ginang sa espesyalista at malaman kung ano nga ba ang tunay na sanhi nito.
Napapansin na rin ng kanilang nag-iisang anak ang nangyayari sa ina na lubos nitong ipinag-aalala. Madalas kasi ay ina niya ang kaniyang kasa-kasama sa paglalaro o pagguhit, ngunit dahil sa palaging masama ang pakiramdam nito ay limitado na ang kanilang oras.
Sa sobrang sakit ng ulo ni Terry ay kinabukasan na siya nagising. Lubos niyang ikinabahala nang sa kaniyang pagdilat ay tila aninag na lamang ang kaniyang mga nakikita. Agad niyang tinawag ang mister.
“Joaquin, nariyan ka ba?” natatakot nitong sambit.
“Joaquin, mahal, nariyan ka ba?” saad niyang muli habang kinakapa ang kama.
Naalimpungatan ang mister sa pagtawag ng kaniyang asawa.
“Kumusta na ang pakiramdam mo, mahal?” tanong nito.
“M-mahal, wala akong nakikita. Puti lang ang lahat. Naaaninagan kita pero wala akong makita, hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin,” natatarantang sambit ni Terry sa asawa.
Agad na dinala ni Joaquin ang kaniyang misis sa ospital upang mapasuri.
Nakita roon na may mga ugat sa utak ng kaniyang asawa na namamaga at naapektuhan nito ang kaniyang paningin.
“Babalik pa po ba ang paningin ko?” malungkot na tanong ni Terry sa doctor.
“May mga pagkakataon na pwedeng permanente na ito pero may mga pagkakataon din na maaaring makakita ka pa. Kailangan pa ng mas matinding pagsusuri,” saad ng doktor.
Habang ipinapaliwanag ng doktor sa mag-asawa ang mangyayari ay lubos ang pagtangis ng ginang. Hindi siya makapaniwala na isang iglap ay magbabago ang lahat.
Araw-araw, sa pagdilat ng mga mata nni Terry ay lubos ang kaniyang lungkot nang tanging aninag lamang ang kaniyang nakikita. Dahil dito ay nagkaroon siya ng depresyon.
“Mas lalo mong kailang alagaan ang sarili mo, mahal. Hindi ba ang sabi ng doktor ay hanggang may naaaninagan ka ay may pag-asa ka pang makakita. Tatagan mo lang ang loob mo,” sambit ni Joaquin.
“Ano na lang ang saysay ng buhay ko kung hindi rin ako makakakita. Kung hindi ko kayo maaasikaso. Ako ang maybahay, ayokong maging alagain, ayokong maging imbalido!” sigaw ni Terry habang patuloy sa pag-iyak.
Niyakap na lamang siya ng mister.
“Tatagan mo ang loob mo, mahal. Nandito lang ako para sa’yo,” sinusubukan ng mister na pakalmahin si Terry.
Habang nagaganap ang lahat ng ito ay bigla na lamang nakarinig ng ingay ang mag-asawa mula sa labas ng silid. Tunog ito ng mayroong nabasag. Agad itong pinuntahan ni Joaquin upang tingnan.
Nakita na lamang niya ang anak na si Justin na nakapiring ang mga mata.
“Justin, ano ba itong ginagawa mo? P’wede bang saka ka na lamang maglaro. Kailan ng mama mo o kung maglalaro ka ay hindi ganiyan. May pinagdadaanan ang mama mo ngayon, h’wag kang makisabay!” saad ng ama sa bata.
“Patawad po, papa. Hindi naman po ako naglalaro,” saad nito na tila naiiyak na.
“Kung hindi ka naglalaro ay bakit nakapiring ang mga mata mo?” muling tanong ni Joaquin.
“Alam ko po kasi nahihirapan na si mama. Kaya po sinasanay ko na po ang sarili ko na hindi nakakakita. Nais ko po kasing ibigay ang mga mata ko sa kaniya para makakita siyang muli,” umiiyak na paliwanag ng anak.
Naantig ang kalooban ni Joaquin sa sinabi ng anak. Nagsisisi siya na napagalitan pa niya ito gayong tanging nais lamang pala nito ay ang mapabuti ang ina.
“Halika nga ditto, Justin. Hindi mo kailangang gawin ‘yan, anak. Pero maraming salamat sa pag-aalala mo sa mama mo. Napakabuti mo talagang bata. Lagi mo lang isama sa mga panalangin mo si mama mo na sana ay hipuin ng Panginoon ang kaniyang mga mata nang sa gayon ay muli siyang makakita at mawala ang anumang karamdaman na mayroon siya. Sa ngayon, tayo muna ang maging mata niya, anak,” saad ni Joaquin sa anak.
Narinig lahat ni Terry ang pag-uusap ng kaniyang mag-ama. Lubos siyang naluha sa pagmamahal ng anak at asawa sa kaniya. Lalo siyang nabuhayan ng loob nang malaman niyang handa pala si Justin na ibigay ang kaniyang mga mata makakita lamang ang ina.
Tinatagan ni Terry ang kaniyang loob at pilit siyang lumaban sa buhay. Kumapit siya sa pananampalataya na darating ang panahon at makakakita siyang muli.
Hindi nagtagal ay matapang na sumailalim ang ginang sa isang operasyon at matinding gamutan. Unti-unti na ang kaniyang paggaling at dahan-dahan na ring bumabalik ang kaniyang paningin.
Hindi naglaon ay muli siyang nakakita.
“Maraming salamat sa inyong dalawa. Kung wala kayo sa buhay ko ay malamang sumuko na ako. Maraming salamat sa pagmamahal ninyo sa akin,” sambit ni Terry sa kaniyang mag-ama.
Tuluyan nang gumaling si Terry mula sa malubhang karamdaman. Mula noon ay hindi na nawala ang kaniyang paningin ngunit nag-iwan ito ng malalim na aral sa kaniya. Ito ay ang h’wag sumuko sa lahat ng hamon ng buhay dahil hanggang may bukas, may pag-asa.