Lumayas Siya Dahil sa Napakahigpit Niyang Ina; Napatawad na Kaya Siya Nito sa Kaniyang Pagbabalik?
“Jackie, saan ka na naman galing, ha? Gabing gabi ka na naman umuuwi!”
Ngumiwi na lang si Jackie. Sanay na sanay na kasi siya na sa tuwing uuwi siya ay agad siyang pinagagalitan ng ina.
“Diyan lang, ‘Ma! Rumaraket!”
Nilagpasan niya ang kaniyang ina ngunit hindi pa rin ito natigil sa sermon lalo na nang lumapit ito. “Amoy alak ka! ‘Wag mong sabihin na nag-inom ka na naman!”
Umirap siya, “Kaunti lang naman.”
“At anong raket ang sinasabi mo? Bakit? Kailangan mo ba ng pera, ha? Bayad na naman ang tuition mo ah! Binibigyan ka naman ng baon dito, hindi ba? Mag-aral ka muna, hindi mo kailangan magtrabaho!” Halos himatayin ito sa gigil sa kaniya.
“Sinong kasama mo? Si Chad at Jessica na naman ba?” usisa nito.
Hindi siya sumagot iritable siyang umakyat sa kaniyang halos wala nang laman na kwarto at doon ay unti-unting naramdaman niya ang konsensiya.
Ang totoo ay hindi na siya pumapasok sa paaralan. Suot niya ang uniporme kapag umaalis tuwing umaga ngunit hinuhubad ito kapag nandoon na siya sa sugalan.
Tama ang ina. Si Chad ang nagdala sa kaniya sa lugar na iyon at si Jessica naman ay hindi nagsusumbong.
Masaya at nakakaaliw maglaro sa sugalan, lalo pa’t kasabay ng alak at sigarilyo.
Sa totoo lang, doon napupunta ang kaniyang tuition. Subalit napagtanto niyang hindi iyon sapat para matustusan ang bisyo kaya minsan ay nagbebenta na siya ng mga gamit at kinailangan niya pang maghanap pa ng trabaho. Ngayon ay nagtatrabaho siya sa isang bar.
Pakiramdam niya ay malaya siya kapag kasama ang kaniyang mga kaibigan at kapag may alak na dumadaloy sa kaniyang dugo.
Malaya pa siya sa sermon ng kaniyang pamilya.
“Alis na ako, ‘Ma.”
Malamig na tango lamang ang tugon nito kaya lumabas na siya ng bahay. Nandoon na agad ang sasakyan ni Chad na sinusundo na siya. Tamang tama dahil sweldo kahapon at kakabigay lang ng Kuya niya ng allowance niya kaya marami siyang pera.
“Bilisan mo at nang makarami!” nakangising tawag nito nang makita siya.
Dumiretso sila doon para maglaro ng baraha. Malaki ang ngisi nila ni Chad dahil mukhang mananalo sila ngayong gabi.
Walang tigil ang order nito ng alak, kaya buhay na buhay ang dugo niya.
Nawala ang ngisi sa kaniyang labi nang may humatak sa kaniyang braso at nanlaki ang mata niya nang malingunang ang galit na galit na mukha ng kaniyang ina.
“‘Ma!” Sa gulat ay iyon lang ang nasabi niya.
“Umuwi na tayo ngayon din!” malakas ang tinig na sabi nito.
Hinarap nito si Chad. “At ikaw! ‘Wag na ‘wag mo ng lalapitan pa ang anak ko at ‘wag mo siyang idamay sa mga bisyo mo!” galit na sigaw nito sa kaniyang kaibigan bago siya nito tuluyang hinila palabas.
Nang makauwi ay wala na siyang iba pang nagawa kundi sabihin dito ang buong katotohanan.
Halos sumabog ito sa galit.
“Hindi mo ba naiisip na sayang ang ginagastos ng mga Kuya mo para tustusan ang pag-aaral mo, ha? Ito ang igaganti mo? Magbubulakbol ka lang?”
Mapait siyang ngumiti dito. “Sila Kuya na naman? Sila Kuya na magagaling, matatalino, perpekto! Tapos ako, ano? Puro bulakbol! Laging pinapagalitan. Laging mali,” naghihinanakit na paglalabas niya ng saloobin sa ina.
Totoo iyon, mula pa noong bata siya pakiramdam niya ay hindi siya kailanman pinaboran ng ina. Hindi siya nito pinapansin dahil bukod sa siya ang pinakabata, nag-iisa rin siyang babae.
“Jackie!” saway ng kaniyang Kuya John.
“Mula ngayon, hindi ka na lalabas ng bahay. Ipadadala kita sa probinsiya ng Papa mo para doon ka mag-aral. Hindi ka na rin pwedeng makipagkita sa mga kaibigan mo na masamang impluwensiya sa’yo!” matigas na desisyon ng kaniyang ina.
Doon na siya napuno. Kailan ba nito mauunawaan na kaya niya gusto ng kaibigan ay dahil salat siya sa atensyon ng pamilya niya? At balak pa nitong ilayo siya sa mga ito?
Nagdadabog na tinalikuran niya ang ina at dumiretso siya sa kaniyang silid.
Hindi siya papayag na malayo sa mga kaibigan kaya naman nang gabing iyon ay inimpake niya ang lahat ng gamit at pasikretong umalis.
Iyon ang huling pagkakataon na nakita niya ang kaniyang pamilya.
Nagpakalayo-layo siya at naghanap ng ibang trabaho sa isang bar.
Ubos na ang kaniyang pera dahil wala na ang allowance na binibigay sa kaniya ng kaniyang mga kapatid.
Hindi na niya nakakausap masyado si Jessica at Chad. Marahil ay dahil wala na siyang pambili ng alak at perang pangsugal para sa mga ito.
Ilang buwan pa ang lumipas at tuluyan na siyang tinalikuran ng mga ito.
Tama ang kaniyang ina, masamang impluwensiya lamang ang mga ito ngunit hinding hindi niya aaminin iyon sa kaniyang ina kaya’t pinanindigan niya ang kaniyang desisyon.
Namasukan siya sa iba’t-ibang bar para buhayin ang sarili sa loob ng limang taon.
Kasalukuyan siyang nagpupunas ng mesa nang marinig ang isang pamilyar na tinig.
“Jackie!”
Nanlaki ang kaniyang mata nang makita ang Kuya John niya.
Magtatago sana siya subalit huli na, nakalapit na ito sa kaniya.
Hindi niya akalain na magkikita ulit sila nito. Natatarantang tinalikuran niya ito.
Hindi siya handa ngunit mukhang hindi siya nito lulubayan hangga’t hindi niya ito hinaharap.
“Teka lang, Jackie! Mag-usap tayo!” pakiusap nito.
Mukhang wala na siyang magagawa kaya asar niyang hinarap ito.
“Ano ba ‘yun, Kuya?” pabalang na tanong niya sa kapatid.
“Andito ka lang pala. Ang tagal ka naming hinanap.” Malamlam ang mata na pinagmasdan nito ang kaniyang mukha.
“Bakit? Para ano pa? Para ipamukha na naman sa akin na mali na naman ako?” iritableng tanong niya.
“Hindi, Jackie. Para kay Mama,” mahinang sagot nito.
Ikinuwento nito ang lahat ng nangyari sa maraming taon na wala siya. Na-diagnose pala ang kaniyang ina na may Alzheimer’s isang taon matapos siyang maglayas.
“Hindi niya na kami naaalala. Ayaw niyang alagaan namin siya o nang kahit na sino kaya wala kaming magawa kundi dalhin siya sa isang facility para maalagaan. Pero pinapaalis na si Mama dun dahil lagi lang niya hinahanap si Jackie,” paliwanag nito.
“Gusto mong umuwi ako para lang alagaan siya?” ‘Yun ang dahilan kaya niyo ako hinahanap? Ano, para may pakinabang kayo sa akin?” Bumugso ang galit sa kaniyang dibdib.
Kung ang mga kapatid niya nga na paborito nito, hindi nito maalala, siya pa kaya na sakit lamang ng ulo? Imposible.
Mariin niyang tinanggihan ang gusto mangyari ng kapatid.
“Palagi ka niyang hinahanap sa amin noong mga nakaraang taon, kaya baka sakali, kapag nakita ka niya ay makilala ka niya, Jackie,” pagsusumamo nito.
Nangilid ang kaniyang luha at napagdesisyunan na sumama sa Kuya John niya. Oras na siguro para humingi ng tawad at bumawi sa mga kapatid lalo na sa kaniyang ina.
Napaluha siya nang makita ang ina. Ang laki laki ng ibinagsak ng katawan nito.
“Nakita mo ba si Jackie?” bungad nito nang makita siya.
Bahagya siyang nadismaya dahil mali sila ni Kuya John. Hindi siya nakikilala nito ngunit napagdesisyunan niyang ngumiti dito at umiling.
“Hindi po eh. Pero kaibigan ko po si Jackie at pwede kong sabihin sa kaniya ang mga gusto niyong sabihin sa kaniya.” Tumabi siya sa kaniyang ina na awtomatikong ngumiti nang mabanggit ang kaniyang anak.
“Ang bunso kong anak. Ang aking unica hija na si Jackie. Miss na miss ko na siya,” naluluhang wika nito.
Nagkuwento ito ng tungkol sa kaniya, kung gaano siya nito kamahal at kung gaano nito kagustong protektahan siya sa lahat ng bagay dahil matagal nitong hiniling sa Diyos na magkaroon ng anak na babae at siya ‘yun.
Nangilid ang kaniyang luha habang nakikinig dito. Nagkamali siya noong minasama niya ang mga sinabi nito. Ayaw lang nito na mapahamak siya kaya’t sising sisi siya.
“Patawarin mo ako, Mama,” lumuluhang sabi kahit na alam niyang hindi siya maiintindihan nito.
“Hindi bale at babawi ako sa lahat ng pagkukulang ko,” pangako niya sa sarili.
“Bakit ka umiiyak?” tanong nito nang mapansin siya.
Umiiling siyang nagpunas ng luha. “Napagtanto ko lang po na ang swerte swerte ni Jackie na kayo ang nanay niya.”
Ngumiti ito at niyakap siya. “Tama ka. Maswerte ako na ako ang nanay niya. Napaka-madiskarte ng batang iyon. Independent. Proud na proud ako sa kaniya,” nakangiting pagyayabang nito.
Mas lalo lamang siyang naiyak. Iyon pala ang dahilan kaya hinayaan siya ng kaniyang ina tumayo sa sarili niya mga paa. Dahil alam nito na kaya niya.
Simula noon ay siya na ang nag-alaga sa kanilang ina. Marahil ay hindi man siya nakilala ng isip ng ina ay nakilala siya ng puso nito dahil may mga sandali na tinatawag siya nitong “Jackie, ang unica hija ko.”
At sapat na iyon sa kaniya.