Nagalit Siya sa Ina sa Pag-aakalang Iniwan Siya Nito; Naiyak Siya sa Natuklasan Dalawang Dekada ang Lumipas
Kinakabahang kumatok si Jane sa pinto ng kaniyang boss.
“Come in.”
Nabawasan ang kaniyang kaba nang makita ang maaliwalas na mukha ng kaniyang boss.
“Ms. Nina, tawag niyo raw po ako?” alanganing tanong niya sa babae.
“Oo, Jane, umupo ka at may sasabihin ako sa’yo,” utos nito.
Nagsimula na namang kabahan si Jane. Dalawang buwan pa lamang kasi ang nakalilipas simula nang ma-promote siya. Hindi ba ito masaya sa trabaho niya?
Natigil siya sa pag-iisip nang marinig ang boses nito.
“Jane, may balita na nakarating sa akin…”
Naiangat niya ang tingin sa kaba sa sinabi nito. Hindi ba nito gusto ang trabaho niya?
“Masyado ka raw subsob sa trabaho. Sa pitong taon mo dito, hindi ko pa nakita na nakapagpahinga ka,” dugtong nito.
Nakahinga siya nang maluwag sa sinabi nito.
“Pero Ms. Nina, hindi ko po kailangan ng pahinga. Madami pong trabaho na naghihintay sa akin,” agad na tanggi niya. Totoo naman iyon. Marami siyang hawak na kaso. Isa kasi siyang abogado.
“Hindi, Jane. You deserve it. Magbakasyon ka. Hindi ba’t nabanggit mo na matagal mo nang hindi nakikita ang nanay mo? Ito na ang pagkakataon mong bisitahin siya. Bibigyan kita ng isang buwan na bakasyon,” patuloy na udyok nito.
Natahimik siya. Tama ito, matagal na niyang hindi nakita ang ina simula nang pumunta ito sa ibang bansa dalawampung taon na ang nakalilipas.
Hindi na siya binalikan nito. Mapait siyang napangiti bago nabuo ang isang desisyon.
“Salamat po, Ms. Nina. Tinatanggap ko po.” May misteryosong ngiti na nabuo sa kaniyang labi.
Napangiti si Jane nang maramdaman ang dampi ng malamig na hangin nang buksan niya ang bintana.
“Buti pala pumayag ako sa bakasyon na ito. Kailangang kailangan ko pala talaga ng pahinga,” sa isip-isip niya.
Napangiti siya sa magandang tanawin sa harap niya.
Pumunta siya sa naturang bansa upang hanapin ang kaniyang ina. Hahanapin niya ito para ipamukha rito na nagtagumpay siya kahit na iniwan siya nito.
Dalawampung taon na ang lumipas simula nang mamasukan ang kaniyang ina bilang isang caregiver.
Matigas ang pagtanggi niya doon dahil ayaw niyang maiwan nang mag-isa. Isa pa, ni hindi nga marunong mag-Ingles ang kaniyang ina, kaya paano ito makakatagal sa isang banyagang lugar?
Kahit paano ay nawala ang pag-aalala niya nang malaman na isang mag-asawang Pilipino rin ang magiging amo nito. Sinundo ng mga ito ang kaniyang ina at nangako na nasa mabuting kamay ito.
Alam niya na labag din sa loob nito ang pag-alis subalit malapit na siya mag-kolehiyo noon, at kailangan nila ng pera para matustusan ang pag-aaral niya.
Kaya matapos ang mahabang iyakan ay hinayaan niya ang ina na umalis, sa pangako na madalas itong tatawag.
Noong una ay madalas itong tumawag subalit makalipas ang tatlong buwan ay bigla na lamang itong huminto sa pagtawag. Simula noon ay wala na siyang balita sa ina.
Kaya kipkip ang address na ibinigay nito sa kaniya noon ay pinuntahan niya ang ina.
Huminto ang taxi na isang maliit ngunit magandang bahay.
Kinakabahan man ay buo ang loob na kumatok siya sa puting pinto. Handa na siya na muling harapin ang ina niya na nang-iwan sa kaniya.
Isang lalaking banyaga ang nagbukas ng pinto.
“Sino ang hanap nila?” kunot noong tanong nito sa wikang Ingles nang makitang isa siyang estranghero.
“Hinahanap ko po si Marina Corpuz, ako ang anak niya,” sagot niya rito sa parehong wika.
Lalong lumaki ang gatla sa noo ng lalaki. Mukhang hindi nito kilala ang nanay niya.
“Dito po ba nakatira sina Mrs. at Mr. Ramirez? Sila ang amo ng nanay ko,” paliwanag niya sa lalaki.
“Sila yata ang dating may-ari ng bahay na ito, pero hindi ako sigurado, tatanungin ko ang asawa ko. Siya kasi ang nag-asikaso ng pagbili ng bahay na ‘to,” sagot ng lalaki, bago tinawag ang asawa nito.
Isang babae na isa ring banyaga ang sumungaw sa pinto.
“Hinahanap mo raw sina Mrs. at Mr. Ramirez, sabi ng asawa ko?” tanong ng babae.
“Opo, alam niyo ba kung saan sila nakatira ngayon? Nanay ko kasi ang caregiver nila, at matagal ko na siyang hindi nakikita,” paliwanag niya sa babae.
“Naku! Hindi mo pala nabalitaan na matagal nang pumanaw ang mag-asawa. Naunang pumanaw si Mr. Ramirez. Ilang araw lang ay sumunod ang asawa nito,” kwento ng babae.
Nagitla siya. Hindi niya inaasahan ang balitang iyon.
“Alam niyo po ba kung saan na napadpad ang nanay ko?” May pag-aalangan na bumangon sa kaniyang dibdib.
“Natatandaan ko na tinanong ako ng anak nila Mrs. Ramirez kung gusto ko daw bang kunin ang katulong kasama ang bahay pero tumanggi ako kasi hindi naman marunong mag-Ingles ang katulong, hindi rin kami magkakaintindihan. Malamang iyon ang nanay mo,” pagbabalik tanaw ng babae.
“Alam niyo po ba kung saan ko makikita ang anak nina Mrs. Ramirez? Baka po doon nagtatrabaho ang nanay ko,” naiiyak na tanong niya sa babae.
Noon ay sigurado na siya na na may nangyaring hindi maganda sa kaniyang ina kaya hindi na ito nakabalik sa Pilipinas.
Umiling ang babae. “Hindi ko alam kung nasaan na sila ngayon. Sa palagay ko ay hindi nila kasama ang nanay mo. Naalala ko na kasabay ng paglipat namin dito ang pagpapaalis nila sa nanay mo noon,” malungkot na pagbabalita ng babae.
Tuluyan nang bumuhos ang luhang pinipigilan ni Jane. Saan niya hahanapin ang kaniyang nanay?
Dalawampung taon siya nagtanim ng galit sa ina gayong mag-isa pala ito sa isang banyagang lugar, wala itong ibang kakilala, at hindi ito marunong magsalita ng ibang wika.
Lumuluhang naupo siya sa isang parke malapit sa bahay ng dating amo ng kaniyang ina.
“Sorry, Mama! Hindi ko alam!” lumuluhang bulong niya habang minamasdan ang mga pamilyang masayang nagtatawanan habang nagpi-picnic sa parke.
Nang humupa ang kaniyang luha ay hindi niya maiwasang marinig ang tinig ng matandang babaeng nakaupo malapit sa kaniya. Hindi niya agad napansin ang presensiya nito.
“Bakit kaya siya umiiyak?” tanong nito.
Napamulagat siya at pabiglang napalingon dito.
“Pilipino po kayo?” gulat na tanong niya.
Nang lumingon ang babae ay napanganga siya nang makita ang pamilyar na mukha ng kaisa isang taong gusto niyang makita – ang kaniyang ina.
Napakalaki nang itinanda nito – halos namumuti na ang buhok nito, at sa mga nito ay tila naka-plaster ang lahat ng hirap na pinagdaan nito sa mahabang panahon na nawalay ito sa kaniya.
Muling nagsimula ang pagtulo ng kaniyang luha. Ang babae naman ay nabalot ng pagkamangha ang mukha.
“Oo, hija. Pilipino din ako. Bakit ka umiiyak nang mag-isa? Miss mo na din ba ang pamilya mo?” May malungkot na ngiti sa mukha nito. Hindi siya nakilala ng ina.
Pinigilan niya ang kagustuhan na mayakap ito nang mahigpit. Gusto niyang marinig ang dahilan kung bakit hindi na ito nakabalik sa kaniya.
“Opo. Miss na miss ko na po ang nanay ko,” sagot niya sa babae.
Nakita niya ang marahang pagpupunas nito ng luha. “Ako rin. Miss na miss ko na ang anak ko. Hindi ko alam kung may pag-asa pa kaming magkita. Halos minu minuto ay siya ang nasa isip ko. Kung lumaki ba siya nang maayos, kung nagkaroon ba siya nang maayos na buhay,” kwento nito sa nanginginig na boses.
“Bakit po ba hindi niyo siya bisitahin?” mahinang tanong niya.
Napahagulhol ang babae. “Hindi ko alam kung paano, hija. Matapos pumanaw ng mga amo ko na PIlipino rin, matagal akong nagpalaboy laboy. Makalipas ang ilang buwan ay may tumanggap sa akin. Pilipino rin. Kaso hindi nila ako sinuswelduhan. Sapat na raw na pinapatira nila ako sa bahay ay binibigyan ng pagkain. Kaya tuwing Linggo ay naglalakad ako papunta sa parke ito. Malapit ito sa bahay ng amo ko. Nagbabaka sakali ako na maghimala at magkita kami ng anak ko. Kahit na alam kong imposibleng mangyari iyon.”
Sumikip ang dibdib ni Jane sa mga ikinuwento ng ina. Hindi siya makaimik. Hindi biro ang naranasan niyang hirap mag-isa subalit awang awa siya sa dinanas ng kaniyang ina.
“Sa lahat ng nangyari ay isa lang ang panalangin ko. Sana ay nasa mabuting lagay ang anak ko. Kahit hindi na kami magkita basta lumaki lang siya nang maayos at magkaroon ng magandang buhay. Sana ay nakapag-aral siya at hindi lumaking mangmang na kagaya ko.” Patuloy ang pagbuhos ng luha nito.
Sa garalgal na boses ay sinagot niya ang ina. “Lumaki po ako nang maayos… Mama.”
Sa gitna ng pag-iyak ay gulat na nilingon siya ng babae.
“A-ano? A-ano ang itinawag mo sa akin?” naguguluhang utas nito.
“Mama, ako po ito, si Jane.” Lumapit siya ina at mahigpit na niyakap ito.
Ilang segundo ang lumipas bago niya naramdaman ang mahigpit na yakap ng kaniyang ina.
“Jane, ang anak ko! Sorry at hindi na nakabalik si Mama. Diyos ko, maraming salamat!”
Matagal na magkayakap ang mag-ina. Tuloy tuloy ang pagbuhos ng kanilang luha.
“Diyos ko! Akala ko ay hindi na tayo magkikita pa ulit!” Hindi makapaniwalang wika ng kaniyang ina. Minasdan siya nito.
“Ang ganda ganda mo, anak! Kumusta ka na?” hindi magkandaugagang usisa nito.
Ikinwento niya sa ina ang mga nangyari nang nakaraang dalawampung taon. Sinabi niya sa ina na hindi ito dapat malungkot dahil may mga tumulong naman sa kaniya upang maabot niya ang kaniyang mga pangarap.
“Isa na akong abogado, Mama. At magbabayad ang gumawa nito sa’yo,” pangako niya sa ina.
Sinamahan niya ang ina sa amo nito upang makuha nila ang mga gamit nito.
Nang magpakilala siya na anak nito at isang abogado ay natakot ang mag-asawang amo nito.
Ipinabatid kasi niya sa mga ito na magsasampa sila ng kaso kung hindi nito ibibigay ang sweldo ng kaniyang ina sa nakalipas na dalawampung taon.
Sa takot ng mga ito na ipa-deport sa Pilipinas ay walang nagawa ang mga ito kundi ibigay ang pera na nararapat para sa serbisyo ng kaniyang ina sa nakalipas na dalawang dekada.
Bilib na bilib naman ang kaniyang ina sa kaniya lalo pa’t nalula sila sa laki ng halaga na ibinigay ng mga amo nito.
Sinulit nila ng ina ang kanilang bakasyon at masayang masaya na nagbalik sa Pilipinas.
Wala nang mahihiling pa si Jane. Alam niya kasi na tapos na ang mga masalimuot na araw sa buhay ng kaniyang ina. Dumating na ang panahon para anihin nila ng ina ang kanilang pinaghirapan.
Mahirap man ang naging buhay nila ay malaki ang pasasalamat ni Jane sa Diyos dahil magkahiwalay man silang naghirap, magkasama naman silang makakapamuhay nang sagana at maginhawa.