Inday TrendingInday Trending
Pikon na Pikon ang Dalagang Ito sa Litratong Inilagay ng Kaniyang Ama sa Social Media; Ito pala ang Solusyon sa Mapait Niyang Buhay

Pikon na Pikon ang Dalagang Ito sa Litratong Inilagay ng Kaniyang Ama sa Social Media; Ito pala ang Solusyon sa Mapait Niyang Buhay

“Tatay, nakita ko na namang nilagay mo sa social media ‘yong litrato ko! Ang sama sama ng mukha ko ro’n, tatay! Nakakainis ka!” pikon na sigaw ni Jade, isang hapon nang makita niyang nagpost na naman ng litrato niya ang kaniyang ama.

“Naku, anak, pustahan tayo, sisikat ka ro’n!” patawa-tawang sagot nito dahilan upang siya’y maglupasay sa tabi nito.

“Si tatay naman, eh! Lagot ka na naman kay nanay! Hindi ka na naman kumuha ng magandang litrato ko! Sabi ko naman sa’yo, dalaga na ako, nahihiya na ako kapag hindi ayos ang itsura ko!” daing niya rito, imbis na makinig, tinawanan lamang siya nito.

“Ayos naman ang itsura mo ro’n, ha? Nakabestida kang puti, nakapusod ang buhok mo at nakangisi ka,” sambit nito habang pinipigil ang tawa dahil siya’y nakabusangot na.

“Oo nga po, tatay, pero ang nasa likuran ko, mga walang buhay na manok mo! Baka akalain ng mga tao, ako ang may gawa no’n!” inis niyang tugon saka ginulo ang kaniyang buhok.

“Hindi ‘yan, anak, maniwala ka sa akin, sisikat ‘yan!” biro pa nito habang inaayos ang buhok niya.

“Tatay, naman talaga, eh!” sigaw niya saka tuluyan niyang nilayasan ang ama.

Solong anak ng photographer na mag-asawa ang dalagang si Jade. Dahil sa trabahong ito ng kaniyang mga magulang, nagkaroon siya ng magaan na buhay. Bukod pa roon, halos araw-araw, may bago siyang kuhang litrato dahilan upang labis niyang makita ang pagbabago sa kaniyang itsura.

Ngunit nang malaman nilang may sakit ang kaniyang ina sa baga, sapilitan na itong pinatigil sa pagtatrabaho ng kaniyang ama at dahil sa kagustuhan nilang mapagamot ito, nalubog sila sa utang at nagawa pa nilang ibenta ang ilang gamit sa trabaho nito dahilan upang sila’y makapos sa buhay.

Kahit pa ganoon, hindi alintana ang kahirapang kanilang kinahaharap dahil sa saya at pagmamahal na umiikot sa kanilang bahay.

Sa tuwing sila’y nahihirapan sa buhay, titingin lang silang pamilya sa mga litratong nakasabit sa kanilang bahay at aalalahanin ang mga matatamis nilang nakaraan.

Noong araw na ‘yon, hindi lubos akalain ng dalagang si Jade na iyon na pala ang huli niyang kausap sa kaniyang ama dahil pag-alis na pag-alis niya sa tabi nito, bigla siyang nakarinig ng malakas na pagsalpok mula sa kanilang sala kung nasaan ang kaniyang ama.

Dali-dali siyang tumakbo rito at tumambad sa kaniya ang naghihingalo niyang ama na naipit ng isang malaking trak na sumalpok sa kanilang bahay.

Agad mang rumesponde ang ambulansya sa tawag ng kaniyang humahagulgol na ina, huli na ang lahat dahil nawalan na ito ng buhay sa bisig niya. Huling bilin nito, “Alagaan mo ang nanay mo, ha? At patuloy kang kumuha ng magagandang litrato,” na labis na ikinadurog ng kaniyang puso.

Dahil sa aksidenteng iyon, nawalan siya ng gana sa buhay. Ni hindi niya ginagamit ang selpon niya o kahit hawakan ang mga gamit ng kaniyang ama. Ang tanging ginagawa niya lang, yakapin at alagaan ang kaniyang inang malungkot din katulad niya.

“Bakit sa dinami-rami ng tao, tayo pa ang makakaranas ng ganito, nanay?” iyak niya sa dibdib ng ina.

“Hindi ko rin alam, anak, pero ang alam ko, may dahilan ang mga ito. Makakaahon din tayo mula sa kalungkutang ito,” hikbi ng kaniyang ina saka siya mariing na niyakap.

Ilang buwan din bago niya nakontrol ang kalungkutan mayroon siya at doon na niya sinumulang pag-aralan ang pagkuha ng mga litrato sa gabay ng kaniyang ina.

At ilang linggo pa lamang ang nakakaraan, marami na sa kaniyang mga kaibigan, kamag-aral at kaanak ang kumukuha sa kaniya upang maging photographer ng mga pagdiriwang.

Isang araw, bigla na lang lumabas sa kaniyang social media account ang litrato niyang huling kinuhanan ng kaniyang ama. Napangiwi man siya sa itsura niya, nanlaki naman ang mata niya nang makitang milyon na ang natamo nitong likes, shares at comments dahilan upang mapahangos siya sa nagdidilig niyang ina.

At nang buksan nila ang account ng kaniyang ama, sandamakmak na tao ang nais gamitin ang kaniyang litrato kapalit ng malaking halaga. Tila marami kasi ang natuwa sa ekspresyon ng kaniyang mukha sa harap ng walang buhay na mga manok.

Isa-isa nila itong kinausap ng kaniyang ina at doon na nga nagsimula ang muli nilang pag-angat sa buhay.

Dahil sa litratong iyon, nakabayad na sila sa kanilang pagkakautang at tuluyan na niyang napagamot ang kaniyang ina. Bukod pa roon, umingay ang kaniyang pangalan sa telebisyon at social media dahilan upang siya’y tuluyang sumikat katulad ng wika ng kaniyang ama.

“Tama ka nga, tatay, sisikat nga ako dahil sa litratong ‘yon. Salamat, tatay!” sambit niya sa harapan ng puntod nito.

Advertisement