Inday TrendingInday Trending
Pangamba ang Namalagi sa Puso ng Dalagang Ito sa Bagyong Tatama sa Kanilang Probinsya, Hindi Inaasahan ang Dala Nitong Kalungkutan

Pangamba ang Namalagi sa Puso ng Dalagang Ito sa Bagyong Tatama sa Kanilang Probinsya, Hindi Inaasahan ang Dala Nitong Kalungkutan

“Lolo, kamusta po kayo riyan? Naitali niyo na po ba ang mga yero niyo? Narinig ko po sa balita na malakas po ang darating na bagyo at sa lalawigan niyo po ang sentro nito,” pangamba ni Kendy sa kaniyang lolo’t lola, isang gabi nang mapanuod niya ang balita sa telebisyon dahilan upang agad niya itong tawagan.

“Aba, oo naman, apo! Si lolo mo pa ba? Pati nga mga tirahan ng manok ko, puro tali na!” pagmamalaki nito, rinig na rinig niya ang kagalakan sa boses nito dahilan upang siya’y mapangiti.

“Mabuti naman po, lolo! Basta po kapag pinalikas na kayo riyan, umalis po kayo agad ni lola, ha? Iwan niyo na po lahat ng gamit niyo, alam kong lahat ‘yan importante sa inyo pero mas importante po ang buhay niyo, ha?” payo niya rito habang pinipigil ang pag-iyak bunsod ng kabang nararamdaman.

“Oo, naman, apo! Naghihintay na lang din kami ng lola mo ng hudyat. Ito nga at nag-eempake na ang lola mo,” balita pa nito.

“Mabuti naman po, lolo, pakamusta na lang po ako kay lola, ha? Ingat po kayo d’yan! Mahal na mahal ko po kayo!” sambit niya, narinig niyang sinisigaw ng kaniyang lola ang pangalan niya dahilan upang siya’y muling mapangiti.

“Sige, apo, at ika’y magpahinga na, gabing-gabi na,” sambit nito saka tuluyan nang nagpaalam sa kaniya.

Lumaki sa puder ng kaniyang lolo’t lola ang ngayo’y dalaga ng si Kendy. Bata pa lang siya nang iwan silang mag-ina ng kaniyang ama dahilan upang mapilitan ang kaniyang ina na mangibang bansa at siya’y ipaalaga sa kaniyang lolo’t lola.

Laking pasasamalat niya na ang mga ito ang nag-alaga sa kaniya dahil bukod sa sobra kung mag-alaga ang mga ito na pati panligo at pagkain niya ay inihahanda pa, ramdam na ramdam niya ang importansya niya sa mga ito, lalo na noong siya’y magdalaga na.

Sa katunayan, napakalaking desisyon para sa kaniya ang pananatili sa Maynila upang makapagtrabaho habang ang mga ito ay nasa Pampanga. Kada araw, pakiramdam niya’y may kulang sa pagkatao niya dahilan upang tuwing bago at pagkatapos ng kaniyang trabaho, tumatawag siya sa mga ito upang mangamusta.

Kaya ngayong may paparating na bagyong tatama sa kanilang probinsya, ganoon na lang ang pangambang nararamdaman niya. Naisin man niyang umuwi upang may makasama ang kaniyang lolo’t lola, hindi niya naman magawa dahil wala nang masakyan patungo roon.

Noong gabing iyon, bago pa siya matulog, nakapalitan niya pa ng text ang lolo niya. Balita nito, nag-uumpisa na raw ang paglakas ng hangin at ulan doon dahilan upang lalo siyang mangamba. Ngunit dahil nga siya’y pagod sa trabaho, hindi niya namalayang siya’y nakatulog na pala.

“Pero huwag kang mag-alala, apo, bagyo lang ‘to, mas malakas ako rito!” ang huling mensaheng natanggap niya mula rito na kinaumagahan na niya nabasa.

Dahil nga walang kuryente at signal sa tinutuluyan niyang silid dahil sa lakas ng hangin, hindi niya magawang makamusta ang mga ito.

Ilang oras pa ang lumipas, habang siya’y nanananghalian, muli nang bumalik ang kuryente at mayroon na ring kaunting signal dahilan upang agad niyang tawagan ang kaniyang lolo ngunit makailang tawag na siya, hindi niya pa rin ito magawang makontak.

Hindi na siya mapakali noong mga oras na iyon. Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na ayos lang ang kaniyang lolo’t lola ngunit iba ang kabang kaniyang nararamdaman.

Maya maya pa, may hindi kilalang numero ang tumawag sa kaniya, nagdalawang-isip man siyang sagutin ito, sinagot niya pa rin sa pagbabakasakaling lolo niya ito.

Pagkasagot na pagkasagot niya, kahit na uutal-utal ang nagsasalita, agad niyang nakilala ang boses sa kabilang linya.

“Lo-lola! Kamusta po kayo ni lolo r’yan? Nasa bahay pa po ba kayo? Nasaan po si lolo?” nagmamadaling niyang tanong dito.

“Ke-kendy, apo, wala na si lolo mo. Bago pa man kami makalikas, tumaas na ang tubig hanggang sa naanod na kami kung saan-saan. Pilit niya akong pinayakap sa puno, Kendy, apo, ayaw ko siyang bitawan pero siya na ang bumitaw sa akin. Sabihin ko raw sa’yo na ayos lang siya, ‘wag ka raw mag-alala,” hagulgol ng matanda sa kabilang linya dahilan upang mapaupo siya sa sahig sa labis na panghihina, “Habang inaanod siya, rinig na rinig kong sinisigaw niya kung gaano niya tayo kamahal,” dagdag pa nito dahilan upang gumuho ang kaniyang mundo.

“Lolo, akala ko ba mas malakas ka sa bagyo? Mahal na mahal kita! Masaya akong makasama ka mula pagkabata ko!” sigaw niya sa kaniyang bintana habang humahagulgol.

Advertisement