Sikat na Sikat sa mga Mag-aaral ang Ale sa Naturang Pamantasan; Ngayong may Pandemya, Paano na Kaya ang mga Gastusin Niya?
Kung ikaw ay mag-aaral sa naturang sikat na state university, tiyak na walang hindi nakakakilala kay Aling Sasa, ang sikat na taga-photocopy o taga-Xerox. Tinagurian siyang “Photocopy Queen.”
Walang makapagsabi kung ilang taon na nga ba si Aling Sasa sa kaniyang ginagawa. Subalit sa husay niya sa pagpho-photocopy, masasabing nasa antas na siya na kahit nakapikit, ay kayang-kaya niyang gawin ang kaniyang pagbuklat at pagpuwesto ng tamang pahina ng aklat sa salamin ng photocopy machine. Pagkatapos, magiliw niyang kukumustahin ang mga mag-aaral at bibigyan niya ng iba’t ibang payo.
“Oh ikaw, mag-aral kang mabuti anak ha? Para naman matuwa ang mga magulang mo sa iyo.”
“Oh, nakita ko ang nobya mo noong isang araw na mugto ang mga mata. Pinaiyak mo na naman? Huwag masyadong feeling guwapo, sige ka kakarmahin ka…”
“Oh anak, pang-ilang ulit mo na bang semestre ito? Magtino ka na kasi para hindi sayang ang matrikula!”
Kinagigiliwan siya ng lahat ng mga mag-aaral maging ng mga propesor. Ilang ulit na rin siyang nailathala sa pahayagang pampaaralan.
Subalit sa pagdaan ng panahon ay unti-unti ring humihina ang pagpapaphotocopy lalo na’t noong nauso ang mga smartphone na de-camera. Sa halip kasi na ipa-photocopy ang mga pahina ng aklat, mas nakatitipid nga naman kung kukuhanan na lamang ng larawan. Isang mag-aaral lamang ang gagawa nito, maaari na niyang maipadala sa mga kaklase sa pamamagitan ng group chat.
“Sasa, malaki ang problema natin. Barya-barya na lamang ang kinikita natin, madalang na lang ang nagpapaphotocopy ngayon eh,” sabi sa kaniya ng may-ari ng dalawang photocopy machines na matagal na niyang pinagseserbisyuhan.
“Oo nga Ma’am. Paano po kaya ito? Hindi naman natin mapipilit ang mga bata na magpa-photocopy kung makakatipid nga naman sa kanila,” saad naman ni Aling Sasa.
“Okay lang iyan. Basta narito tayo sa pamantasan na ito at hangga’t may pasok, hindi ka mawawalan ng trabaho,” sabi naman ng may-ari.
Iyon ang pinanghawakan ni Aling Sasa. Oo nga naman. Hangga’t may mga mag-aaral pang nag-aaral at nangangailangan ng mga impormasyon, hindi siya maaaring tumigil.
Kaya lang, simula nang pumutok ang Bulkang Taal at mangyari na nga ang pandemya, natigil na rin ang trabaho para kay Aling Sasa. Hindi nila inasahan na isang iglap ay mahihinto ang lahat ng mga nakasanayan nang gawin. Sino nga ba ang mag-aakalang matatapos nang maaga ang mga klase?
Hindi malaman ni Aling Sasa kung paano siya magkakaroon ng pera para sa kaniyang pang-araw-araw na pamumuhay. Mapalad na lamang din at napabilang siya sa mga nabigyan ng ayuda mula sa pamahalaan, gayundin ang mga relief goods na naipamahagi.
Subalit hindi sasapat ang mga natanggap na ayuda para sa iba pang mga panustos kagaya na lamang ng bayad sa renta ng bahay, tubig at kuryente, at iba pa.
“Kailangang makaisip ako ng paraan para magkapera. Hindi maaaring tumunganga lamang ako rito sa bahay.”
Kaya naman, ginamit ni Aling Sasa ang natitirang perang naitabi mula sa ayudang natanggap niya, upang bumili ng mga rekados para sa naisip na ititinda. Gagawa siya ng mga kakanin at meryenda at ititinda niya sa kaniyang mga kapitbahay. Kaunti lamang muna, subok lang muna, upang malaman niya kung masarap ba at tatangkilikin ng mga mamimili.
Naging maganda naman ang pagtanggap ng kaniyang mga kapitbahay kaya sinimulan niya ang pakonti-konting paglalako. Iba-ibang kakanin ang kaniyang ginagawa upang hindi magsawa ang mga tao: may palitaw, may gurgorya, may kalamay, biko, suman, at iba pa. Nakatulong na naturuan siya noon ng kaniyang mga magulang kung paano gawin ang mga ito. Nagsama rin siya ng banana cue, maruya, turon, at camote cue.
Habang naglalako, isang mag-aaral ang nakakita sa kaniya, nang mapadaan siya sa bahay nito.
“Nana Sasa! Kayo pala iyan? Kumusta po?”
“Uy, ineng! Heto naglalako-lako. Wala na akong trabaho sa school ninyo dahil sa pandemic na ito. Heto naglalako na lang ako ng mga kakanin para may maipanustos sa araw-araw,” sabi ni Aling Sisa.
Bumili naman ang naturang mag-aaral sa kaniya ng mga paninda. Hiningi nito ang detalye ng kaniyang tirahan, at ibinigay naman niya.
Makalipas lamang ang tatlong araw, may mangilan-ngilang pangkat ng mga mag-aral ang nagsadya sa kaniyang tirahan. Ito ay ang mga opsiyal ng Student Government ng pamantasan. May ipinaabot sila na mga relief goods at pera.
“Saan galing ang mga ito?” takang tanong ni Nana Sasa.
“Mula po iyan sa mga mag-aaral noon at ngayon ng pamantasan. Iyan po ang aming munting tulong para sa inyo, Nana Sasa. Mahal na mahal po namin kayo,” saad ng pangulo.
Nagkaroon pala ng isang pagkilos ang mga mag-aaral ng naturang pamantasan para tulungan ang ilang mga piling empleyadong nawalan ng kabuhayan dahil sa pansamantalang pagsasara ng mga paaralan dulot ng pandemya. Umaapaw ang pasasalamat ni Aling Sasa sa mga mag-aaral ng pamantasan na hindi nakalimot sa kaniya, kahit hindi naman kailangan.