Inday TrendingInday Trending
Palugi na ang Computer Shop ng Mag-asawa nang Mauso ang mga Makabagong Selpon; Tuluyan Na nga ba Nila Itong Isasara?

Palugi na ang Computer Shop ng Mag-asawa nang Mauso ang mga Makabagong Selpon; Tuluyan Na nga ba Nila Itong Isasara?

“Papa… isasarado na ba natin itong computer shop?”

Napatingin lamang si Mang Dado sa kaniyang asawang si Aling Lena. Halos wala man lamang nagtungo sa kanilang computer shop sa araw na iyon. Samantalang noong bagong bukas ang kanilang computer shop, halos hindi sila nawawalan ng customer. Sa katunayan, iyon ang kauna-unahang computer shop sa kanilang lugar.

Iba-iba ang mga uri ng customers nila, lalo na noon. May mga nagrerentang mag-aaral para gumawa ng kanilang mga takdang-aralin o gawain sa eskuwela, mga nag-uubos ng oras para sa social media, at kabataang naglalaro ng mga online games. Patok na patok ito. Magbubukas sila ng alas otso ng umaga hanggang sa inaabot sila ng alas onse ng gabi, dahil ayaw paawat ng mga naglalaro ng Dota. Sa halagang 20 pesos, maaari ka nang gumamit ng internet at computer sa loob ng isang oras.

Subalit nang mauso na ang mga smartphones. pocket wifi, at pagloload ng data, napansin nilang humina na ang mga parokyano ng kanilang computer shop. Mangilan-ngilan na lamang ang nagpupunta. Alas otso pa lamang ng gabi, nagsasarado na sila.

Lalong humina ang kanilang computer shop nang magsimula ang pandemya. Kinailangan na rin nilang isarado ito dahil hindi pinapayagan ang paglabas ng mga tao sa kanilang lugar noong kasagsagan ng enhanced community quarantine. Mahigpit ang kanilang barangay chairman.

Nakahanap naman nang paraan ang mag-asawang Mang Dado at Aling Lena upang makahanap pa rin ng ikabubuhay nila. Dahil mahusay magluto si Aling Lena, nagtinda sila ng mga lutong-bahay sa agahan, pananghalian, at maging sa hapunan. Nagpapasalamat na lamang sila dahil nangyari ang lahat nang ito, na nakatapos na sa pag-aaral ang kanilang tatlong anak, na may kani-kaniya na ring pamilya at trabaho.

“Kung isasarado natin itong computer shop, sayang naman ang mga desktop units natin. Baka masira lang ang mga iyan. Mabuti pa, manatili na lamang tayong bukas. Baka kasi sakaling may mangailangan, eh ‘di mas mabuti na iyong handa tayo,” sabi naman ni Mang Dado.

“Eh kaya lang sayang naman ang kuryente kung ganiyan. Umaandar ang kuryente natin tapos wala namang gumagamit,” sabi ni Aling Lena.

“Huwag na lang nating isaksak muna. Kapag may nagpunta na lang,” sabi ni Mang Dado.

At ganoon nga ang ginawa nila. Subalit dumaan ang mga araw na wala na talagang nagpupunta sa kanilang computer shop.

“Sabi ko sa iyo hindi ba, huwag na nating buksan ito. Ibenta na lamang natin ang mga computer natin sa iba para kumita pa tayo. Tapos magpagawa na lang kaya tayo ng sari-sari store dito para hindi sayang ang espasyo. O kung ayaw mo, tingnan mo ito, may ideya na ako sa mga bagong negosyo na puwede nating gawin,” mungkahi ni Aling Lena kay Mang Dado. Iniabot niya rito ang hawak na tablet.

“Hindi. May naiisip akong gawin dito. Hindi na naman natin kailangan ang pera sa totoo lang. May matatag na tayong ipon, at may mga anak tayong nagbibigay ng kanilang tulong sa atin. Siguro pagkakataon na ito para naman tumulong tayo sa ating pamayanan,” sabi ni Mang Dado.

“Ano bang balak mong gawin?” tanong ni Aling Lena.

Hindi sumagot si Mang Dado. Ngumiti lamang siya.

Kinabukasan, maagang nagising si Mang Dado. Wala pang araw sa Silangan, nagsimula na siyang gumawa ng malaking paskil na ilalagay niya sa harapan ng bahay. Nagising naman si Aling Lena at inusisa ang ginagawa ni Mang Dado.

“Anong ginagawa mo?” tanong nito.

“Gumagawa ako ng karatula. Nabalitaan ko kasi na marami sa kabataan dito ang namomroblema sa kanilang online class. Dahil anim ang computer natin, tantiya ko ay labindalawang mga mag-aaral na magpapatala sa atin ang maililibre natin sa kanilang internet connection: anim sa umaga at anim naman sa hapon. Sa mga may gadget naman at gustong maki-konekta sa atin, papayagin natin. Tutal naman, fixed naman ang bayad natin sa internet connection. Ito na ang tulong natin sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Mang Dado.

Agad na nagpatala ang 12 mag-aaral kina Mang Dado nang malaman nila ang pagbukas ng kanilang computer shop para sa mga mag-aaral na nangangailangan ng internet connection para sa kanilang pag-aaral, gayundin sa mga kailangan ng computer. Nagtutungo rin doon ang mga mag-aaral na may gadget naman at kinakailangan lamang ng koneksyon.

Naglagay rin sila ng mga alcohol at hand sanitizers para matiyak na malinis pa rin ang lahat. Inilayo rin nila ang mga computer units sa isa’t isa upang matiyak na natutupad pa rin ang social distancing.

Dahil sa kanilang ginawa, pinarangalan ang mag-asawa ng kanilang lokal na pamahalaan dahil sa kanilang naisip na paraan upang makatulong sa kanilang pamayanan.

Masaya ang mag-asawa na bago man lamang daw sila mawala sa mundong ito, nakatulong naman sila sa kanilang pamayanan.

Advertisement