Inday TrendingInday Trending
Si Elvis at ang Asong si Kulit

Si Elvis at ang Asong si Kulit

Si Elvis ay ulila na sa ama at ina. Pumanaw ang kanyang ina pagkatapos siya nitong ipanganak. Ang kanya namang ama ay sumakabilang buhay dahil sa isang aksidente. Ngayon ay mag-isa na lamang siya sa buhay ngunit dahil sa kabutihang loob ng kanyang tiyahin na si Lucinda ay kinupkop siya nito, inalagaan at itinuring na parang tunay na anak. Hindi kasi nakapag-asawa ang babae at wala ring anak kaya minahal siya nito na para niya itong tunay na ina. Bukod sa kanyang tiyahin ay kasama rin niya sa paglaki ang alaga niyang aso na si Kulit. Ito ay bigay ng kayang tiyahin noong magtapos siya sa sekondarya.

Matalino si Elvis, gayundin ang kanyang alagang asong si Kulit. Mula noong tuta pa lamang ito hanggang umabot ng tatlong taon, si Elvis na ang lagi nitong kalaro. Hindi rin kasi masyadong mabarkada ang binata na noon ay nasa unang-taon sa kolehiyo.

“Kulit, iabot mo sa akin itong ihahagis kong bola ha? Isa, dalawa, tatlo!”sigaw ni Elvis sabay hagis ng maliit na bola sa malayo.

“Aw, aw, aw!”

Agad namang kinuha ng aso ang inihagis niyang bola at ibinalik sa kanya habang kumakawag-kawag pa ang buntot.

“Magaling, Kulit! Napaka-husay mo talaga! Kaya naman labs na labs kita, e!” sabi niya rito.

Dinila-dilaan naman siya nito, tanda na naglalambing ito sa kanya.

Malapit ang bahay nina Elvis sa daungan kung kaya’t lagi silang namamasyal ni Kulit doon. Mabait ang kanyang alaga at parehas silang kilalang-kilala ng mga nagtatrabaho doon.

Halos araw-araw pagkatapos ng klase ay naglalakad sila papunta doon at hinihintay ang paglubog ng araw.

“Tingnan mo Kulit palubog na ang araw, o! Ang ganda di ba?” wika niya sa alaga.

“Aw, Aw, Aw!” tahol naman nitong sagot na tila naunawaan ang sinabi niya.

“Sana palagi tayong ganito, masaya lang,”saad pa niya.

Subalit habang lumilipas ang panahon at nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Elvis, wala na siyang oras para kay Kulit. Nagkaroon na rin siya ng maraming kaibigan at bihira na silang pumunta ng kanyang alaga sa daungan.

Isang araw ay lumabas ang binata na kasama ang kanyang mga bagong kabarkada.

“Elvis tara, punta tayo kina Miko. Maglaro tayo ng basketball,” yaya ng kaibigan.

“Sige lalabas na ako! O, Kulit diyan ka muna ha, makikipaglaro lang ako ng basketball sa mga kaibigan ko,”sabi niya sa alaga.

Malungkot na tumingin sa kanya ang aso at nahiga sa isang tabi. Kung nakakapagsalita lang si Kulit, siguradong hindi nito papayagan si Elvis na sumama sa mga kabarkada nito. Nalulungkot ang aso dahil wala ng oras sa kanya ang binata. Hindi ito makapaniwala na nagbago na ang taong tinuturing nitong matalik na kaibigan.

Nakapagtapos si Elvis sa kolehiyo ngunit mas lalong nag-iba ang binata nang makapagtrabaho at nakapagpatayo ng sariling bahay.

“Wow, asensado ka na talaga ha, Elvis! Ang ganda nitong naipatayo mong bahay!” manghang sabi ng isa sa kanyang mga kaibigan.

“Oo nga. Kulang na lang ay asawa,” nanunuksong wika naman ng isa pa.

“Tigilan niyo ako! Wala pa sa isip ko ang pag-aasawa. Mas mahalaga sa akin ang magpayaman muna,”sagot niya.

Ngunit dumating ang araw na hindi niya inakala na may darating kalungkutan sa buhay niya, pumanaw ang kanyang tiyahin na si Lucinda at ang alagang aso na lamang niya na si Kulit ang kasama niya, pero kahit na sila na lang dalawa ang magkasama ay madalang pa rin silang makapaglaro. Palaging umaalis ng bahay si Elvis o di kayaý pinupuntahan siya ng mga kabarkada niya sa bahay niya.

Nang sumunod na araw ay umuwi ng lasing si Elvis. Naka-tiyempo naman na sobrang nananabik si Kulit sa kanya kung kaya’t tumakbo ito patungo sa kanya ngunit sa di inaasahang pagkakaton, itinaboy ni Elvis ang aso.

“Puny*ta! Layuan mo nga ako, lumayas ka sa harap ko, hikhik!” inis niyang sabi.

Nagtampo ang kawawang aso. Kinabukasan, pagkagising ni Elvis, wala si Kulit sa bahay nila. Hinanap niya kung saan-saan. Bumalik na rin siya sa dati nilang bahay ngunit wala ang aso doon.

“Kulit! Nasaan ka na ba? Kulit!” paulit-ulit niyang sigaw.

Lumabas siya ng bahay at ginamit ang kanyang kotse sa paghahanap. Habang nagmamaneho, doon sumagi sa isip niya na ibang-iba na talaga ang buhay niya. Naalala niya iyong mga panahong makapaglaro lang sila ni Kulit ay masaya na siya.

Napagtanto niya na lubos niyang napag-iwanan at napabayaan ang tanging nandun palagi sa tabi niya bukod sa kanyang tiyahin. Bigla niyang naalala ang daungan.

“Sa daungan, siguradong naroon siya,” bulong niya sa sarili.

Agad-agad siyang pumunta roon. Pagdating niya sa daungan ay nakita siya ng guwardiya at siyaý kinausap.

“Elvis! Ang tagal mo na ring hindi pumupunta dito ah, asensado ka na talaga. Nauna pa iyong aso mo sa iyo dito,” wika nito.

Bakas ang saya sa mga mata ni Elvis sa narinig niya. Agad-agad siyang pumunta sa lugar kung saan palagi silang umuupo ni Kulit noon at nanonood ng paglubog ng araw. Doon nakita niya ang alagang aso na nakaupo ng mag-isa.

Lumapit siya kay Kulit at hinawakan niya ito na parang nilalambing. Agad naman humiga ang aso sa mga paa niya.

“Patawarin mo ako Kulit kung napabayaan kita. Hayaan mo at babawi ako sa iyo. Mahal na mahal kita. Ayoko na pati ikaw ay mawala pa sa akin,”sabi niya rito.

Simula noon, palagi na muling naglalaro sina Elvis at Kulit. Bumabalik na rin sila sa mga dati nilang pinupuntahan at inaalala na ng binata ang dati’y simple niyang pamumuhay.

Advertisement