Inday TrendingInday Trending
Anak Lang Kita Kapag May Pera Ka!

Anak Lang Kita Kapag May Pera Ka!

Si Freddie ang breadwinner sa pamilya nila. Dahil maagang sumakabilang buhay nang dahil sa alta presyon ang kanyang ama, siya na ang sumalo sa lahat ng responsibilidad nito sa kanilang pamilya.

Maaga siyang namulat sa totoong mga karanasan ng mundo. Kumuha siya ng kurso sa TESDA at matagumpay na nagantimpalaan ng trabaho sa ibang bansa.

“Freddie, mabuti naman at pumunta ka,” bungad ng isang guro sa TESDA.

“Ang totoo niyan, ma’am, sumaglit lang po ako. Hindi pa kasi dumarating ‘yong mga kalakal namin.”

“Simula ngayon hindi mo na kailangang mangalakal, kasi may magandang trabahong naghihintay sa’yo, anak.”

“Anong balita, ma’am? Hindi ko po maintindihan.”

“Buksan mo ‘yang sobre na nasa harap mo. Para sa iyo talaga ‘yan.”

Walang ka-ide-ideya si Freddie kung ano ang nasa loob ng sobre. Binuksan niya ito at laking gulat niya nang makita ang nakapaloob dito!

“Ma’am totoo po ba ito?!” hindi makapaniwaalang tanong ni Freddie.

“Totoo ‘yan! Hindi ka nagkakamali. Nakuha ka sa trabaho sa Singapore at makakaalis ka na ng bansa sa lalong madaling panahon!”

Masayang-masaya si Freddie, halos maiyak na siya sa sobrang tuwa. Nagmadali siyang umuwi sa kanila upang sorpresahin ang ina at ang walong kapatid.

“Ma, mag-aabroad na ako! Mag-aabroad na ako! Nakuha ako sa trabaho sa Singapore!” pagmamalaki niya sa pamilya.

“Talaga, kuya?! Yeheeeey!”

Masayang-masaya ang pamilya niya na mabibigyan na siya ng pagkakataon na maiahon sila sa kahirapan. Kagaya ng inaasahan natuloy ang pag-alis ni Freddie.

Maayos ang naging lagay niya sa Singapore. Mabilis na naging komportable siya sa pamumuhay doon. Dahil doon, naging regular na siyang nakakapagpadala ng pera para sa pamilya niya.

Isang beses, nakausap niya sa video call ang kanyang mama at mga kapatid.

“Hello, ma? Ano, kumusta kayo diyan?”

“Nako anak, hindi nga kami nakapag-agahan pa e.”

“Mama naman. Bakit? Wala na ba kayong panggastos diyan?”

“Ay nako anak, paano kasi nagpabili ng sapatos ang dalawa mong kapatid kaya nagastos ko ‘yong pera na sana ay pangkain namin ngayong araw.”

“Sige ma, magpapadala na lang ako. Ako nang bahala, baka bukas. Paano ma, sa susunod nalang ako tatawag ulit. May tao kasi sa labas ng apartment ko.”

Lumabas si Freddie sa apartment niya, nagulat siya ng may babaeng makitang nakaupo sa hallway ng apartment na tinutuluyan niya.

Napansin niya na Pilipina ang babae, kaya kinausap niya ito.

“Miss okay ka lang? Miss?”

Nang tumingala ang babae. Doon nahulog ang loob ni Freddie sa dalaga. Doon nagsimula ang malalim na samahan ng dalawa.

Makalipas ang dalawang taon, ganap ng magkarelasyon ang dalawa. Masaya silang namumuhay sa ibang bansa. Hanggang sa dumating ang pinakamalaking dagok sa kanilang pagsasama.

“Freddie, ayos ka lang ba?”

“Ellen, may malaking problema ako.”

“Bakit? Ano iyon mahal?”

“Naitaya ko lahat ng investment ko dahil sa mga loan ko sa trabaho, pati itong bahay na tinutuluyan natin kukunin din nila. Wala na akong ibang naiisip na paraan kundi ang umuwi sa Pilipinas. Sasama ka ba sa akin?”

“Freddie, mahal kita. Alam mo yan. Kaya kung nasaan ka, sasama ako sa’yo.”

Biglaan ang naging pag-uwi nina Freddie at Ellen kaya wala silang masyadong perang naipon. Hindi nila alam kung ano ang naghihintay sa kanilang buhay sa Pilipinas, ngunit kampante si Freddie dahil kasama niya ang pamilya niya.

“Paano na kayo ngayon? Paano kayo magsisamula, Freddie?” nakabusangot si Aling Goring sa kanila.

“Ma, maghahanap ako ng trabahao. Si Ellen dito muna sa bahay para makatulong sa iyo.”

Noong una maayos naman ang trato ni Aling Goring sa kanilang dalawa pero noong tumagal, madalas na itong nagpaparinig kay Ellen.

“Ano ba namang buhay ‘to oh! Ang hirap-hirap maghanapbuhay tapos ‘yong iba diyan feeling donya pa. Walang ginagawa! Eh kung magtrabaho ka kaya?!”

Hindi nalang pinapansin ni Ellen ang biyenan. Pilit niyang inintindi lahat, at inilihim ito sa asawa. Hanggang sa mas naging malala pa ang pagbubunganga ni Aling Goring kay Ellen.

Madalas ipahiya niya ito sa maraming tao. Madalas ginagawa niya itong pulutan sa kanilang magkakaibigan. Hindi na kinaya ni Ellen kaya minsan na siyang umiyak at naglabas ng sama ng loob sa asawa.

Hindi na nakapagpigil si Freddie kaya kinompronta na niya ang mama niya.

“Ma, bakit niyo ba ginagawa to sa asawa ko?!”

“Wala akong ginagawa sa kanya! Nag-iinarte na naman yang asawa mo Freddie! Palamunin na nga rito sa bahay e gumagawa pa ng kwento!”

“Ma, pwede ba?! Bakit ba ganyan kayo magsalita?! Noong panahon na may pera pa kami, wala kayong narinig sa akin kahit na ang dami niyong hinihingi!”

“Binibilang mo ba lahat ng naibigay mo sa amin?! Mas mahalaga pa sa iyo ‘yang babaeng yan?!”

“Ma, asawa ko ‘yan! Kahit anong sabihin niyo kay Ellen damay na ako doon! Aalis na kami rito sa inyo! Pabayaan mo na kami!”

Hindi na natiis ni Freddie ang ugali ng ina kay napilitan silang bumukod. Naging maayos ulit ang takbo ng buhay nila.

“Freddie, hindi ba natin kakausapin ang pamilya mo?”

“Ellen, mahal… Magkakapamilya na tayo, mas mainam kung isipin ko muna ang para sa atin.”

“Pero mahal, pamilya mo sila. Hindi pwedeng basta mo na lang pabayaan sila.”

“Napakahirap sa akin ang talikuran si mama. Pero gusto kong maintindihan niya na ang isang pamilya, hindi lang tuwing sagana magkakasama. Gustong kong maisip niya na kahit walang-wala tayo, mananatili tayong buo at sama-sama.”

Isang mahigpit na yakap ang naging tugon ni Ellen sa asawa. Umaasa si Freddie na balang araw ay mahanap ng kaniyang ina ang halaga nila kahit wala silang maibibigay na pera. Sa ngayon, magkasama sila ni Ellen na tututok sa pagbuo ng sarili nilang pamilya.

Advertisement