Isang linggo pa lang magmula nang sumakabilang buhay ang papa ni Grace, may lalaki na agad na kalaguyo ang mama niya. Madalas niya itong madatnang magkasama sa kwarto na dating tinutulugan ng papa at mama niya.
“Isa pa mahal, sige na!” pagpupumilit ng lalaki habang patuloy na nilalambing si Isay.
“Harry bukas na, baka makita tayo ng anak ko.”
“Ano ka ba naman, Isay? Hindi pa darating ang anak mo! Sige na, isa pa!”
“Sige na dali na! Isa nalang!” patuloy nitong pangungulit.
Hindi makapaniwala si Grace sa mga naririnig. Galit na galit siya sa mama niya, pero hindi niya magawang sugurin ito. Hindi siya makapaniwala sa kababuyang ginagawa ng kaniyang ina.
Hindi na siya nagsalita at lumabas na lang ng bahay. Hating-gabi na ng umuwi siya, gusto niyang siguruhin na wala na ang kalaguyo ng mama niya.
“Grace, ba’t ngayon ka lang umuwi?” bungad sa kanya ni Isay.
Sa inis ni Grace hindi niya na lang ito pinansin.
“Grace, kinakausap kita! Bakit hindi ka sumasagot sa akin?! Ano na namang pinuputok ng butsi mo?!” inis na sigaw nito sa kaniya.
Hindi nakatiis si Grace kaya hinarap na ang mama niya.
“Bakit ma, ‘pag ako ba may tinanong sa’yo, sasagutin mo ako? Magsasalita ka ba ha?” ganti ni Grace sa ina.
“Aba! Ano bang gusto mong palabasin? Ako na nga itong naghintay sa’yo, ako pa ang masama!”
“Ma, tama na! Alam ko na lahat! Alam ko nang may bago ka nang lalaki! Grabe! Isang linggo pa lang na nalilibing si papa! Nasaan ang hiya mo?!”
Natigilan si Aling Isay sa rebelasyon ng anak niya.
“Ano ma, hindi ka makapagsalita kasi totoo?!”
“Oo. Totoo nga ‘yan! Mas mabuti pang alam mo na, para wala na kaming itatago sa’yo! At tutal alam mo na, bukas mismo dito na titira si Joseph at ang mga anak niya!” palaban pa nitong sagot sa kaniyang anak.
“Grabe ka, ma! Ni katiting na hiya e wala ka!”
Umalis lang si Aling Isay at iniwan ang halos maglupasay nang si Grace. Hindi makapaniwala ang dalaga sa naging desisyon ng ina.
Kinabukasan, nangyari nga ang sinabi ni Aling Isay. Tumira na sa bahay nila ang kalaguyo niyang si Joseph at tatlong babaeng anak nito. Wala nang nagawa si Grace sa mga pangyayari.
Noong una ay wala siyang pakialam, umalis siya ng bahay at nakitira sa kaibigan niya. Iniwan niya ang mama niya kasama ang bagong pamilya nito.
Pero isang balita ang nagkumbinse sa kanya na bumalik na sa bahay nila.
“Grace, may dapat kang malaman,” sabi sa kanya ni Karen, kapitbahay nila.
“Bakit, Karen? May problema ba?”
“Ang mama mo. Kailangan mo siyang puntahan. Sa lalong madaling panahon.”
“Bakit may sakit ba siya?” nag-aalalang tanong ni Grace.
“Hindi namin alam ang buong kwento, mas mainam na sigurong puntahan mo.”
Nagmadali na si Grace na umuwi sa bahay nila. Nagulat siya sa kanyang nadatnan. Hinang-hina na at puno ng pasa ang mukha at katawan ng mama niya.
“Ma! Anong nangyari sa’yo?! Kagagawan ba ito ng asawa mo?!” galit na sigaw ni Grace sa ina.
“Anak… wala ito. Natumba lang ako habang naglilinis,” pagsisinungaling pa nito.
“Ma! Pwede ba?! Huwag mo nang pagtakpan ang hayop na ‘yon! Umalis na tayo rito! Sumama ka na sa akin!”
“Anak, hindi pwede… Hindi ako pwedeng umalis dito at basta nalang iwan si Joseph.”
“Ma! Ano ba! Ako yung pamilya mo! Hindi sila!” halos maiyak na si Grace sa inis sa ina.
Kahit anong pilit niya, nagmamatigas pa rin ito. Hindi na maintidihan ni Grace ang Mama niya. Inis na inis na siya!
“Sa ayaw at sa gusto mo, aalis tayo rito! Sasama ka na sa akin, mama!”
Lumabas si Grace ng kwarto at inempake ang mga gamit ng mama niya. Lahat ng mga damit at gamit nito nilagay niya sa bag. Saktong tapos na siya mag-empake nang lumapit sa kanya ang isang anak ng amain niya.
“Ate Grace…” mahinang tawag sa kanya ng batang anim na taong gulang pa lamang.
Hindi nagsalita si Grace at tiningnan lang ang bata. Bigla na lang humagulgol ito ng iyak sa tabi niya.
“Ate… Tulungan niyo po kami. Huwag niyo pong paalisin dito si Tita Isay,” iyak nang iyak na ang bata sa harap niya.
Hindi alam ni Grace kung ano ang gagawin. Hindi niya maintindihan ang mga nangyayari! Sunod na lumapit sa kanya ang mas nakababata pa nitong mga kapatid. Lahat sila ay iisa lang ang pakiusap sa kanya ang huwag kunin ang mama niya.
“Pero hindi ko hahayaang sasaktan ng papa niyo si mama. Mahal na mahal ko si mama at hindi ko kayang makita siyang nasasaktan.”
Naawa si Grace sa mga bata, pero mas mahalaga ang kalagayan ng mama niya.
“Anak, hindi ko sila pwedeng iwan. Dahil kung aalis ako, may masamang mangyayari sa kanila.”
“Ma, hindi ko maintindihan. Walang mangyayaring masama sa kanila kasi kasama nila ang papa nila!”
“Anak, kaya ako binubugbog ng Tito mo ay dahil hinahadlangan ko ang masasamang gawain niya. Ginagamit niya si Lyka. Pag umalis ako baka itong dalawang inosenteng bata madamay pa. Patawad… Hindi ko alam na may ganito pala siyang ugali noong sinusuyo niya pa lamang ako,” pagtatapat ng ina niya.
Doon lang naintindihan ni Grace ang sitwasyon ng mga bata. Awang-awa siya dahil sa murang edad, impyerno na ang dinaranas nila dahil sa kahayupan ng sarili nilang ama.
“Aalis pa rin tayo dito, ma. Hindi na magbabago ang desisyon ko. Aalis tayo, pero isasama ko na rin ang mga bata.”
Lumabas sa mukha ng mga bata ang mga ngiti na animo’y magbibigay sa kanila ng bagong pag-asa.
Lahat sila, umalis sa bahay na iyon. Halos mawala na sa katinuan ang amain niya ng umuwing walang tao na sa bahay nila.
Pero hindi lang doon nagtapos ang ganti ni Grace. Bumalik siya sa bahay nila at hinarap ang kanyang amain.
“Oras na para pagbayaran mo lahat ng ginawa mo sa mama ko, at sa mga anak mo. Mabubulok ka sa kulungan!” sigaw ni Grace sa lalaki habang kasama ang kapulisan.
Mabilis na nakamit nina Grace ang hustisya na nararapat sa kanila. Masaya silang namuhay ng magkakasama. Hindi niya sukat akalain na mapapalapit siya sa mga bata na itinuring na niyang mga tunay niyang kapatid.