Matagal nang lisensyadong guro si Mika. Ayon sa karamihan, lahat na ay nasa kanya. Maganda, mabait at matalinong dalaga.
Subalit wala pang nakakabihag ng puso ni Mika, sadyang mailap ito at mapili sa magiging kapareha.
“Anak, sa susunod na buwan kaarawan mo ah!” masayang bati sa kanya ng kanyang ama.
“Oo nga anak, dapat magplano tayo!” masayang singit ng ina niya.
“Nako ma, hindi na kailangan ng magarbong plano. Kahit simpleng salo-salo lang okay na sa akin,” tugon ng dalaga.
Wala na lang nagawa ang mag-asawa. Likas na simple at kontento na talaga ang anak nila. Hindi ito mahilig sa mga magagarbong bagay at okasyon.
Araw ng Lunes, kagaya ng nakagawian ay pumapasok sa paaralan si Mika. Elementarya ang tinuturuan niya. Pagdating niya sa classroom, nasa labas ang prinsipal ng paaralan nila.
“Ma’am? Bakit po?” magalang na tanong niya rito.
“Mika, may bago tayong estudyante, si Nikko.”
Lumingon si Mika at wala naman siyang nakitang bata. Bagkus isang lalaking matangkad na halos kasing edad niya lang, nakasuot pa ng salamin na lalong nakapagpalitaw ng mapupungay nitong mga mata.
“Ma’am, nasaan po yung bata? Anak po ba niya?”
“Ah hindi, siya mismo ang bago nating estudyanteng si Nikko.”
“Siya po ba?” nagtatakang tanong ni Mika.
“Mayroon kasing kapansanan itong si Nikko. Hindi siya nakakakita. Ayaw talaga ng Tita niya na mag-aral siya, kaya lang gustong-gusto ni Nikko.”
Halos magkasing-edad lang sina Nikko at Mika. Nag-aalala si Mika kung paano makakasunod si Nikko samantalang hindi siya nakakakita.
“Ma’am, paano po siya makakasabay kung hindi naman siya nakakakita? Ang ibig ko pong sabihin, may mga paaralan naman na mas nararapat sa mga kagaya ng kondisyon niya.”
“Hindi kasi kayang suportahan ng pamilya niya ang pagpapa-aral sa kanya sa mga eskwelahan ng mga bulag. Masyadong mahal ang babayaran nila. Sige, maiwan na kita.”
Nalungkot si Mika sa sitwasyon ni Nikko. Pero humanga ito sa pagiging pursigido nito na makapag-aral. Simula noong araw na ‘yon, mas nilakasan pa ni Mika ang boses niya sa pagtuturo upang marinig ni Nikko at makasunod siya.
Sa halos araw-araw na nakikita ni Mika si Nikko lalo siyang humahanga dito dahil sa pagiging pursigido nito mag-aral.
“Anak, mukhang lagi ka yatang masaya ngayon,” puna ng papa niya sa kanya.
“Ikaw talaga, papa. Eh likas lang akong masiyahin.”
“Anak, baka may boypren ka na ha?” tukso sa kanya ng mama niya.
Ngumiti na lang ang dalaga. Hindi niya maintindihan kung bakit kinagigiliwan niya ang estudyanteng si Nikko. Labis ang paghanga niya sa likas na pagiging pursigido at determinado nito.
Pagdating niya ng paaralan saktong nandoon na si Nikko. Hindi niya alam kung paano niya ito kakausapin. Kahit na estudyante niya ito, medyo naiilang siya kasi magkasing edad lang sila.
Tahimik lang ang binatang nakaupo. Dahil wala namang tao, dahan-dahang lumapit si Mika sa kanya. Kampante naman siyang hindi ito nakakakita kaya lumapit siya dito.
“Ma’am bakit po?”
Halos matumba si Mika nang magsalita si Nikko! Hindi niya akalain na malalaman nito na nasa tabi niya siya.
“Ha? Wala! Bakit? Ba bakit ang aga mo?” natatarantang sagot nito.
Natatawa na lang si Nikko sa kanya.
“Alam niyo Ma’am hindi naman ako talaga bulag na walang nakikita… medyo may naaaninag pa ako.”
Hiyang hiya si Mika sa binata. Simula noon, naging komportable na siya kay Nikko. Madalas na silang magkasama ng binata. Dahil sa kondisyon ni Nikko, hindi na siya naging regular na estudyante bagkus naging personal niyang tutor si Mika.
Kapansin-pansin ang matamis na pagtitinginan ng dalawa.
Lingid sa kaalaman ni Mika na tutol sa namumuong pagtitinginan nila ang kanyang mga magulang.
“Mika, magsabi ka nga sa amin ng totoo. Gusto mo ba yang bulag na estudyante mo?!” prangkang tanong sa kanya ng kaniyang ina.
“Ma, bakit ba ganyan kayo magsalita kay Nikko?!”
“Pipili ka na lang ng lalaking mamahalin mo, ‘yong walang silbi pa!” dagdag pa ng papa niya.
Hindi makapaniwala si Mika sa mga sinabi ng kanyang Mama at Papa. Buong akala niya na sila ang unang makakaintindi sa kanila, ngunit nagkamali siya. Maling-mali.
Taliwas sa bilin sa kanya ng kanyang mga magulang mas lumalim pa ang samahan nila ni Nikko.
“Mika, naiinis ako sa sarili ko. Dahil sa kapansanan ko hindi ako matanggap ng pamilya mo. Dahil bulag ako, iniisip nilang magiging pabigat ako sa’yo.”
“Nikko, huwag kang magsalita ng ganyan. Hindi naman sila ang makakasama mo ‘di ba? Ako naman e. Mahal natin ang isa’t isa at sapat na ‘yon. Hindi natin kailangan ng opinyon ng iba.”
“Mika, hindi sila ibang tao. Mga magulang mo sila. Pamilya mo.”
Batid ni Mika na may punto si Nikko. Pero gusto niyang maintindihan ng mga magulang nila na walang sukatan ang totoong pagmamahal.
Sinuway niya ang kanyang mga magulang at sumugal sa relasyon nila ni Nikko. Dahil sa pagmamahalan nila, hindi nila sinukuan ang isa’t isa. Hanggang sa magkaroon na sila ng sariling pamilya.
Kahit pa bulag itong si Nikko, naging napakabuting ama niya sa dalawa nilang naging supling. Ginagawa niya rin ang lahat upang hindi magkulang sa pagmamahal at alaga sa kaniyang asawa. Nang dahil doon, tila ba natauhan ang pamilya ni Mika dahil sila na ang kusang lumapit at nakipag-ayos sa kanilang anak at sa asawa nito.
Humingi sila ng labis na kapatawaran sa ginawang panghahamak kay Nikko nang dahil sa kapansanan nito, at agad naman silang pinatawad dahil talagang busilak ang puso ng lalaki. Simula noon ay naging isang masaya at malaking pamilya na sila.