
Babae na ang Bunso Ko
Alas tres pa lamang ng umaga ay gising na ang mag-anak na Robles lalo na ang padre de pamilya na si Mang George. Sa totoo lamang ay hindi siya nakatulog dahil sa labis na pagkasabik. Uuwi na sa Pilipinas ang bunsong anak na si Luisanto. Matagal itong nanirahan sa bansang Thailand bilang isang OFW.
Naglatang ang pagkasabik ni Mang George sa paboritong anak dahil sa halos tatlong taon nitong pagtatrabaho sa ibang bansa. Naging madalang ang komunikasyon nila lalo na nitong mga nagdaang taon. Salamat na lamang sa Facebook Messenger. Subalit sa tuwing hihilingin niya sa anak na mag-video call sila upang masilayan naman nila ito ay lagi nitong kinakatwirang abala siya. Hindi naman ito nagmimintis sa pagpapadala sa kanila ng panggastos.
“Anak, miss na miss ka na namin, bunsoy. Kailan ka ba uuwi rito sa atin?” minsan ay natanong ni Mang George kay Luisanto sa pamamagitan ng chat.
Matagal bago naka-reply ang anak.
“Sa susunod na linggo po, pa,” tugon ni Luisanto.
Pinulong ni Mang George ang kaniyang misis na si Aling Lydia, panganay na anak na si Luisana at ang ikalawang anak na si Luisito.
“Babalik na ang bunsoy natin. Kailangan natin siyang sorpresahin!” utos ni Mang George sa kaniyang asawa at mga anak.
Isang araw bago ang nakatakdang pagbabalik ni Luisanto ay maagang namalengke sina Aling Lydia at Luisana ng mga paboritong pagkain ni Luisanto. Afritada, relyenong bangus at pansit guisado. Nagtulong naman sina Mang George at Luisito sa paglilinis ng bahay. Inagiwan nila ang mga dingding. Pinunasan ang mga bintanang salamin. Inayos din nila ang magiging silid nito. Hati ang mag-ama sa trabaho.
At ngayon nga ang araw ng pagdating ni Luisanto. Habang nag-iihaw ng barbecue ang mag-ama at nagluluto naman ang mag-ina ay napatanong si Aling Lydia.
“Anong oras nga ba ang dating ni Luisanto? Natanong mo ba?” untag ni Aling Lydia sa asawa. “Nakalimutan kong itanong,” sagot ni Mang George.
“Sana natanong mo para nasundo natin,” sabi ni Aling Lydia.
Mayamaya isang puting taxi ang pumarada sa harap ng kanilang bahay. Napalundag si Luisito.
“Nariyan na yata si bunsoy!” tuwang-tuwang sabi ni Luisito.
Humahangos silang nagtungo sa tarangkahan upang salubungin ang balikbayan. Subalit napahinto sila lalo na si Mang George dahil imbes na isang Luisanto ang mabungaran nila isang magandang babae ang nasa harapan nila. Isang transgender woman. Sampung segundong patlang ang pumailanlang.
“Sino po sila?” tanong ni Luisana. “Ate, ako ito. Si Luisanto.”
Napamaang silang lahat lalo na si Mang George. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang kaharap ngayon.
“Isa lang ang anak kong babae. May dalawa akong anak na lalaki. Hindi ikaw si Luisanto ko,” matigas na sabi ni Mang George.
“Papa, ako ito, ang iyong bunso. Hindi na Luisanto ang pangalan ko. Louise na po.”
Pumasok sa loob ng bahay si Mang George. Sinundan siya ni Aling Lydia. Pakiramdam ni Mang George ay nangangapos ang kaniyang paghinga. Hindi niya inaasahan ang malaking pagbabago sa bunsong anak.
Binitbit naman nina Luisana at Luisito ang mga bagahe ng kapatid at pinasok sa loob ng bahay. Nakabibinging katahimikan ang pumailanlang.
“Anong nangyari sa iyo, anak?” Sa wakas ay binasag ni Aling Lydia ang katahimikan.
Ipinaliwanag ni Luisanto o ni Louise ang kaniyang panig. “Nahanap ko ang sarili ko sa Thailand. Matagal ko nang alam sa sarili ko ito. Matagal ko nang nararamdamang isa akong babaeng nakakulong sa katawan ng isang lalaki.”
“Tumigil ka, Luisanto! Ayusin mo nga ang buhay mo! Anong kahihiyan ang dinala mo sa pamilyang ito? Ano na lamang ang sasabihin ng mga kakilala at kaanak natin?” putol ni Mang George sa sasabihin ng paboritong anak.
“Papa, sana po matanggap ninyo ako. Ito po ako. Ito po ang pinili ko para sa sarili ko,” umiiyak na sabi ni Louise. Wala siyang pakialam kung itim ang luha niya dahil sa mascara.
“Hindi kita matatanggap. Lumayas ka! Luma…”
Hindi na natuloy ni Mang George ang sasabihin. Tinutop niya ang kaniyang dibdib at nawalan ng malay.
Inatake sa puso si Mang George. Tatlong araw siya sa ospital. Mabuti na lamang at naagapan at naitakbo kaagad siya sa ospital. Si Louise ang nagbayad ng lahat.
Pagkamulat ng mga mata ni Mang George ang mukha ni Louise ang bumungad sa kaniya.
“Papa, hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may nangyaring masama sa inyo. Patawarin ninyo ako, papa, sa aking ginawa. Pero ito po ako. Dito po ako magiging masaya. Alam kong hindi magiging madali ang pagtanggap ninyo sa akin. Tanggap ko po iyon,” lumuluhang paliwanag ni Louise.
“Hindi madaling tanggapin ang katotohanan, anak. Pasensya ka na. Nabigla lang talaga ako. Pero susubukan ko para sa iyo kasi mahal kita,” sabi ni Mang George sa anak. Niyakap siya nang mahigpit ni Louise.
Unti-unti na ngang tinanggap ng pamilya ang malaking pagbabago kay Luisanto. Tinulungan nila itong magpaliwanag sa kanilang mga kakilala at kaanak na sumailalim ito sa sexual reassignment. Tinanggap nang buong puso ni Mang George na babae na ang kaniyang bunso.