
Maestro Karpintero
Tuwang-tuwang at ipinagmamalaki ni Nestor sa kaniyang buntis na asawang si Alma ang bagong tayong maternity clinic na kanilang ginawa bilang karpintero. Halos nanggigilid ang luha sa kaniyang mga mata.
“Tignan mo, mahal! Ang ganda, ‘di ba? Ako ang nagpintura niyan. Ako rin ang nagbubong at nagpalitada. Iyan ang aming masterpiece!” pagmamalaki ni Nestor kay Alma.
“Oo nga, mahal. Proud ako sa iyo bilang maestro karpintero. Sana naman diyan ako manganak,” nasabi ni Alma sa asawa.
“Nakausap ko na si Mr. Chua, ang may-ari niyan. Payag siyang diyan ka manganak, mahal!” galak na galak na balita ni Nestor. Gusto sanang magtatatalon sa tuwa ni Alma kung hindi rin lamang malaki na ang kaniyang tiyan. Kabuwanan na niya at ilang linggo na lamang ang bibilangin ay magsisilang na siya.
Tinedyer pa lamang si Nestor ay nakalakihan na niya ang pagiging anluwage o karpintero. Karpintero kasi ang kaniyang ama na namana naman nito sa kaniyang lolo. Natuto siyang magpiyon, maghalo ng semento at iba pang mga gawaing pangkonstruksyon sa pamamagitan lamang ng pagmamasid sa kaniyang ama.
Nang mamayapa ang ama dahil sa sakit na pulmonya ipinagpatuloy niya ang nasimulan nito upang makatulong siya sa pagbuhay sa kanilang pamilya. Hindi na siya nakatapos ng pag-aaral. Maaga siyang nag-asawa.
Iba ang achievement na nararamdaman ni Nestor sa tuwing nakakatapos siya ng isang binuong bahay, gusali, tulay at iba pang establisyimento. Pakiramdam niya ay may silbi siya sa lipunan kahit hindi siya nakatapos. Pakiramdam niya ay mahalaga siya sa kabila ng kakapusan sa kaalaman at kawalan ng diploma.
Para sa kaniya isa sa mga mahahalagang trabaho sa mundo ang pagiging karpintero. Paano mabubuo ang lahat ng mga gusaling nakatindig ngayon kung hindi dahil sa kanila? Oo nga’t may mga arkitekto at inhinyero subalit silang mga karpintero ang sumusugal at nasa bingit ng kamatayan maisakatuparan lamang ang lahat ng plano.
At ang huling proyekto ngang kinabilangan ni Nestor bilang karpintero ay ang maliit na lying-in o maternity clinic ng negosyanteng Intsik na si Mr. Chua. Mapalad si Nestor dahil siya ang naging maestro karpintero ng naturang proyekto.
Minsan biniro ni Nestor ang Intsik.
“Sir, malapit na pong manganak ang asawa ko. Baka po puwedeng dito na lang siya manganak.”
“Ah, oo, basta dala mo lang dito,” sagot ng Intsik.
Inakala ni Nestor na libre lamang na makakapanganak ang asawa sa naturang maternity clinic. Iyon ang intindi niya sa sinabi ni Mr. Chua. Kaya nang ibinalita niya ang “mabuting balita” sa asawa ganoon na lamang ang katuwaan nito. Makakatipid daw sila. Hindi pa kasi sapat ang kanilang ipon. Kung malilibre ang panganganak ni Alma magagamit nila ang naipong pera pambili ng gatas at gamit ng bata. Wala pa silang baru-baruan.
Matuling lumipas ang mga araw. Napasinayaan ang bagong maternity clinic ni Mr. Chua. Imbitado ang iba’t ibang mga negosyante, doktor, nurse at lahat ng mga kaibigan at kakilala ni Mr. Chua.
Nakatanaw naman mula sa malayo si Nestor. Gusto niyang ipagsigawan at ipagmalaki sa lahat na siya ang maestro karpintero ng naturang maternity clinic. Tila pumapalakpak ang kaniyang tenga kapag naririnig niya ang mga papuri mula sa mga panauhin na maganda ang pagkakalikha sa naturang klinika.
Dumating ang araw na pinakahihintay nina Nestor at Alma. Pumutok na ang panubigan ng asawa. Bitbit ang mga inihandang gamit nagtungo sila sa maternity clinic. Subalit hinarang sila ng nakatalagang receptionist doon nang sinabi niyang may usapan na sila ni Mr. Chua na libre lamang ang kaniyang asawa.
“Wala po kaming ganiyang policy rito. Hindi po ito charity work. Hindi po kayo puwede rito kung wala kayong pambayad,” sabi ng receptionist.
“Kilala ako ni Mr. Chua. Ako ang maestro karpintero nitong maternity clinic,” pagmamakaawa ni Nestor sa receptionist. Naroon na rin ang guwardiya ng klinika upang mamagitan na rin sa mga nangyayari.
Dumating si Mr. Chua sakay ng kaniyang magarang kotse. Sinalubong ito ni Nestor.
“Sir, sir, natatandaan niyo po ba ako? Ako po si Nestor, maestro karpintero nitong klinika. Hindi po ba may usapan tayong libre na sa panganganak ang asawa ko?” naiiyak na sabi ni Nestor.
Tinignan siya mula ulo hanggang paa ng Intsik.
“Oo, pero wala ako sabi libre. Sabi ko dito dala. Pero bayad ka. Wala na libre ngayon,” sabi ni Mr. Chua at tuluy-tuloy na itong pumasok sa loob ng klinika.
Pakiramdam ni Nestor ay pinagsakluban siya ng langit at lupa. Para siyang pinagtaksilan. Saan sila ngayon pupunta ng kaniyang manganganak na asawa?
Hanggang sa minabuti na lamang niyang dalhin si Alma sa isang pampublikong ospital. Subalit habang nasa daan sila ay hindi na napigilan ni Alma ang panganganak. Nagsilang siya sa loob ng tricycle. Dinala pa rin ni Nestor ang kaniyang mag-ina sa ospital.
“Patawarin mo ako, Alma. Ang t*nga ko. Hindi ko sinasadya,” lumuluhang sabi ni Nestor sa asawa.
“Ayos lang iyon, mahal. Ang mahalaga’y malusog ang baby natin,” nakangiting pag-aalo ni Alma sa asawa.
Simula noon sa tuwing nakikita niya ang maternity clinic imbes na ipagmalaki ay ayaw itong makita ni Nestor. Naisip niyang wala siyang dapat asahan sa buhay kung ‘di ang sarili gayundin ang kaniyang pamilya.

