Inday TrendingInday Trending
Ang Sanggol sa Panaginip

Ang Sanggol sa Panaginip

Masayang-masaya si Marianne nang makitang may dalawang pulang guhit sa pregnancy test kit na binili.

“Christian! Christian!” sigaw ni Marianne mula sa banyo. Dali-dali namang dumating ang kaniyang asawa.

“Positive! Buntis ako! Buntis ako, Christian!” maluha-luhang sambit ni Marianne. “Talaga? Ibig sabihin magiging tatay na ko! Mga kapitbahay magiging tatay na ko! Magiging tatay na ko!” buong lakas na sigaw ni Christian sa buong barangay.

Halos limang taon nang nagsasama sina Christian at Marianne pero hindi sila makabuo ng anak kaya labis na lang ang tuwa nila nang makitang positibo ang resulta ng pregnancy test na nabili nila.

“Anak, mas mainam siguro na sa bahay muna kayo tumira habang nagbubuntis ka,” alok ng ina ni Christian kay Marianne. “Kayo po ang bahala, mama. Okay lang naman po sa akin pero depende pa rin kung okay lang po sa asawa ko,” tugon ng babae.

“Ma, gusto ko sanang dito lang si Marianne sa bahay. Ayoko kasing malayo sila sa akin. Mas mainam siguro kung may makakasama na lang siya dito,” pagtanggi ni Christian sa ina.

“Kayong bahala. Mas mainam nga naman iyon. Papupuntahin ko na lang ang Tiya Lian mo para mabantayan kayo,” pagsang-ayon ng ginang.

“O sige, ma. Mas mabuti ‘yon,” sagot ng lalaki sa ina.

Kagaya nang napag-usapan, nakitira sa bahay nina Marianne ang Tiya Lian ni Christian. Isang matandang babae na may pagkarelihiyosa. Madalas ay sinasabihan niya si Marianne ng mga pamahiin.

“Tiya, anong ginagawa mo?” tanong ni Marianne sa tiyahin ng asawa na kasalukuyang nasa labas ng bahay. “Nagpapausok ako para walang masasamang elemento na makapasok sa bahay na ito. Mahirap na. Baka mapahamak kayo ng anak mo,” seryosong saad ng matanda.

Hindi na lang nagsalita si Marianne. Pero hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa iyon ng tiyahin ng asawa gayung hindi naman komplikado ang pagbubuntis niya.

Kinabukasan ay iba naman ang ginawa ni Tiya Lian.

“Tiya, bakit ka nagsusunog ng bawang? Para saan yan?” nagtatakang tanong ni Marianne sa matanda. “Para hindi makalapit sa atin ang mga aswang. Mahirap na. Ngayong palaki na nang palaki ang tiyan mo mas nagiging lapitin ka ng mga aswang, dem*nyo at multo,” sagot ni Tiya Lian.

Kinilabutan si Marianne sa sinabi ng matanda. May parang malamig na hangin na nanuot sa kaniyang buong katawan.

Kinagabihan ay hindi makatulog si Marianne. Gising na gising pa din ang kaniyang diwa. Mayamaya ay may narinig siyang iyak ng sanggol. Matinis ang boses nito kaya nagtakip siya ng unan sa tenga pero sobrang lakas pa rin ng iyak nito!

“Christian! Christian! Christian!” Takot na takot na talaga si Marianne kaya ginising na niya ang kaniyang asawa.

“Bakit mahal? May problema ba?” nag-aalalang tanong ng lalaki. “Christian naririnig mo ba ‘yun? ‘Yung iyak ng sanggol! Ang lakas-lakas! Natatakot na ako!” Nanginginig sa takot si Marianne.

“Sshh! Walang sanggol na umiiyak. Guni-guni mo lang ‘yun. Sige na matulog ka na. Babantayan kita,” pagpapakalma ng lalaki sa asawa.

Dahil sa sinabi ni Christian ay pinilit na lang ni Marianne na makatulog sa balikat ng asawa.

Kinabukasan ay sariwa pa rin sa alaala ni Marianne ang iyak ng sanggol na narinig niya kagabi kaya sinubukan niyang magtanong kay Tiya Lian. “Tiya, may narinig ka bang iyak ng sanggol kagabi?”

“Kagabi? Mga anong oras ba?” Balik tanong ng matanda. “Hindi po ako sigurado, eh,” maikling sagot ng babae.

“Wala akong narinig pero nakita ko na sa kapitbahay natin may mga bisita silang dumating kagabi at may sanggol silang dala,” saad ng matanda.

“Ah, ganoon po ba.” Ipinagkibit-balikat na lang ni Marianne ang narinig. Maaaring sa kapitbahay nga ang narinig niya kagabi.

Kinagabihan isang panaginip naman ang nagpagulo sa isip ng babae. Napanaginipan niya ang sanggol na umiiyak. Mistulang iyak na nagmamakaawa ito sa ina.

“Marianne, gising! Marianne, gumising ka! Tita Lian! Tita Lian si Marianne binabangungot!” malakas na sigaw ni Christian.

Dali-daling bumangon si Tiya Lian at binuhusan ng dinasalang tubig si Marianne. Nanginginig sa takot si Marianne nang magising na siya!

“Christian, hindi ko alam kung bakit may napapanaginipan akong sanggol. Simula noong nagbuntis ako lagi na akong may nakikitang sangol sa panaginip ko. Hindi ko maintindihan!” iyak nang iyak ang takot na takot na si Marianne.

Mistulang kalbaryo para kay Marianne ang pagpaparamdam sa kaniya ng sanggol. Nag-aalala siya na baka makaapekto ito sa pagbubuntis niya. Biglang natahimik si Christian sa sinabi ng asawa.

“Christian bakit ka natahimik? May hindi ka ba sinasabi sa akin?” nagtatakang tanong ng asawa. “Christian sagutin mo naman ako! Wala akong ideya! Anong nangyayari?! May alam ka ba kung bakit nangyayari ito sa akin? Magsalita ka!” pagmamakaawa ng babae sa asawa.

“Marianne, naaalala mo noong nag-aaral pa tayo. Noong nabuntis kita. Hindi ka talaga nakunan. Ako ang may gawa noon. Nilalagayan ko ng pampalaglag ang lahat ng ipinaiinom ko sa’yo. Patawarin mo ako. Hindi pa ako handa kaya nagawa ko ‘yun. Pinagsisisihan ko na ang lahat ng nagawa ko,” pagtatapat ni Christian sa asawa.

Hindi na napigilan pa ni Marianne ang luhang kanina pa ngbabadyang bumagsak mula sa kaniyang mga mata. Hindi siya makapaniwalang nagawa iyon ng asawa niya. Naiintindihan niyang nagawa ni Christian iyon sa takot na maging batang ama pero naaawa siya para sa anak nila. Pakiramdam niya’y siya mismo ang kum*til sa buhay ng inosenteng musmos.

“Marianne, Christian, sa tingin ko ang pinakamainam niyong gawin ay humingi ng tawad sa anak niyo. Padasalan natin siya upang makalaya na ng tuluyan ang kaniyang kaluluwa. Alam kong maiintindihan niya kung bakit iyon nagawa ng kaniyang ama,” payo ni Tiya Lian.

Sinunod ng mag-asawa ang payo ng matanda. Kinabuksan ay agad silang nagpa-iskedyul ng misa sa simbahan. Kasama ng kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan nagpamisa sila para sa kanilang anak.

Hawak kamay na ipinagdasal nina Christian at Marianne na sana mapatawad sila ng kanilang ang anak.

“Anak, patawarin mo kami ng papa mo. Nagsisisi na kami sa aming nagawa. Sana matahimik na ang kaluluwa mo,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Marianne.

“Anak, sana ay tuluyan ka nang malagay sa katahimikan. Huwag mong kakalimutan na mahal na mahal ka namin ng mama mo. Patawad kung naduwag ako. Patawad kung natakot ako sa responsibilidad. Mahal na mahal ka namin,” madamdaming pakiusap ni Christian sa anak.

Simula nung nagpamisa sila para sa pumanaw nilang anak ay hindi na muling nagkaroon ng mga masasamang panaginip si Marianne. Nangako rin si Christian na hindi na maglilihim sa asawa. Matiwasay na naisilang ang kanilang bunsong anak at naging masayang pamilya na sila.

Advertisement