Bagong lipat lamang sa lugar sina Kc at Troy. Nanggaling daw ito sa malayong probinsya at lumuwas ng Maynila. Kukuha ngayon ng pagsusulit para sa pagiging guro ang babae at kapag pinalad ay sa Maynila na rin daw ito magtuturo.
“Mahal, pasensya ka na kung ito lang ang bahay na tinitirhan natin. Nakakahiya sa’yo dahil ganitong buhay ang dinaranas mo nang dahil lang sa’kin,” nahihiyang wika ni Troy sa nobyo.
Maliit lang kasi ang nakuha nilang bahay sa Maynila, hindi katulad ng tinitirhan nila rati sa probinsya na malaki. Ngayon ay mabibilang lamang ang mga hakbang para maikot ang maliit na espasyo ng bagong tahanan.
“Kahit na mas maliit pa rito ang maging bahay natin ay walang problema sa akin. Dahil hindi naman ang bahay ang mahalaga, ikaw,” malambing na sagot ni Kc at saka niyakap ang lalaki.
“Hindi ka ba mahihiya na nandito tayo sa Maynila at ganito ang kalagayan ko?” tanong muli ni Troy sa kaniya.
“Kahit kailan ay hinding-hindi ako mahihiyang ipagmalaki na ikaw ang nobyo ko at ikaw na rin ang mapapangasawa ko. Hindi na ako nangangarap pa ng ibang lalaki,” pahayag ni Kc saka mahigpit na niyakap ang kaniyang nobyo at saka buong lakas na kinarga ito.
Putol ang magkabilang mga hita ni Troy. Tanging isang dangkal lamang ang natira sa lalaki nang ito ay maaksidente. Kaya ngayon ay buhat-buhat siyang parati ni Kc kahit saan man sila magpunta. Kapag sila ay may lakad, gumagamit sila ng wheel chair pa minsan-minsan pero kung ito ay nasa bahay ay mas madalas na nasa sahig lamang si Troy at binubuhat ng babae kapag may kailangan ito.
Hindi pa man nakakaisang buwan sa kanilang lugar ay naging mainit na sa chismis ang magkasintahan.
“Uy, hija, napakaganda mo naman! Bakit naman ng jowa ka ng kalahati, t*ti lang ba talaga habol mo?” biro ni Aling Fina, may-ari ng tindahan sa tapat ng bahay ni Kc.
“Grabe naman ho pala kayo magbiro sa mga kapitbahay niyo ano? Lagpas e!” baling ni Kc sa ale.
“Ito naman, baka lang kasi walang nagsasabi sa’yo na sayang ka! Sayang ang ganda mo at sayang rin ang pinag-aralan mo kung mapupunta ka lang sa mga ganiyang klase ng lalaki!” saad naman muli ng ale na tila hindi tinamaan ng hiya sa kaniyang mga binitiwang salita.
Hindi na sumagot pa si Kc at umalis na lang ito. Hindi na rin siya bumili pa sa tindahan at sa kabilang kanto nagpunta.
“Mahal, ‘wag ka na bibili diyan sa tapat natin ha? Masangsang ang bunganga nung Aling Fina na kapitbahay natin,” saad ni Kc sa nobyo.
“Ikaw naman, parang hindi ka na nasanay sa mga tao. Huwag kang mag-alala, masasanay rin sila kapag tumagal-tagal,” nakangiti at positibong sagot ni Troy rito.
“Kapag talaga pumasa ako sa exam, who you lahat ng mga tao rito sa atin. Sisiguraduhin kong igagalang din nila tayo!” baling muli ng babae.
“Ang mga ibinababa ang siyang itinataas ng Diyos, naniniwala ako roon. Kaya naman huwag ka na masyado pang magpaka-stress sa mga kapitbahay natin o sa kung sino pa man,” wika naman ni Troy at saka sumampa sa upuan para mayakap niya ang babae.
Lumipas pa ang mga araw at buwan ay mas lalong pinagtatawanan ng mga kapitbahay sina Kc at Troy lalo na kapag bitbit ng babae ang kaniyang nobyo na parang sanggol.
“Grabe! Paano kapag nagka-anak sila niyan? E ‘di dalawa na ang bitbit niya? Kawawa naman ‘yung mga ganyang klase ng babae, nagtitiis sa mga ganyang lalaki,” bulungan muli ng ilang kapitbahay.
Pikit-mata at walang kibo itong dinala ng magkasintahan. Hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay nila, lumabas na ang mga listahan ng bagong guro.
“Kc! Pasado ka sa exam, magiging guro ka na!” bati ni Aling Vivian, ang may-ari ng bahay na inuupahan nila.
“Naku, kung ako ‘yung lalaki ay matatakot na ako ngayon pa lang! Iiwan ‘yan ng babae panigurado! Walang kwenta e,” pasigaw na pahayag ni Aling Fina na noon ay nagbubukas pa lang ng tindahan.
“Maraming salamat po, Aling Vivian!” sagot naman ni Kc.
“At huwag sana kayong mabentahan kahit piso, Aling Fina!” pahabol na sigaw ni Kc sa ale. Natatawa namang pumasok at umiling-iling si Troy sa inasal ng kaniyang kasintahan.
“Ang aga-aga ay pinatulan mo na naman si Aling Fina,” sita ni Troy rito.
“Mahal, handa na ako,” wika ng babae.
“Tara, gusto kong ipakita sa lahat na walang mali sa’yo. Na walang mali sa atin. Matagal pa ‘yung pera na iniipon natin kaya naman dapat na muna kitang samahan,” dagdag pa nito.
“Pero mahal, mahihirapan ka lang,” pagpipigil ni Troy sa kaniyang nobya. Ngunit hindi nagpigil si Kc at umupo ito, saka niya hinubad ang pantalon at nagpalit siya ng short, sabay silang lumabas ng kanilang bahay at sabay na naglakad sa daan.
Magkahawak pa ang mga kamay ng dalawa at masayang nagngingitian sa isa’t-isa.
“Totoo ba ‘yung nakikita ko? Wala rin palang paa si Kc?” naguguluminhanang tanong ni Aling Fina habang nakatitig sa dalawa.
Tama nga, parehas na walang paa ang magkasintahan. Halos dalawang taon pa lang ang nakakalipas ng maaksidente ang dalawa na siyang naging sanhi nang pagkaputol ng kanilang mga binti. Naging mas malala ang tama ni Troy hanggang sa wala nang makakapitan ang pekeng mga paa kapag nagkataon.
Sa kabilang banda naman ay nasagip pa ang kalahating binti ni Kc na siyang nakatago sa ilalim ng mga pantalon niya parati. Pinakiusapan ng lalaki na huwag tanggalin ni Kc ang mga pekeng binte para magkaroon pa rin ito ng normal na buhay.
Sa kabila ng kanilang mga pinagdaanan ay naging mas matatag at malalim ang kanilang pag-iibigan. Kahit nga hinahamak na sila ng lahat ay patuloy lamang silang lumalaban dahil hindi naman nila alam ang mga tunay na sakripisyo ng lalaki. Pagbubuhat na pisikal lamang ang nagagawa ni Kc sa kaniyang nobyo kung tutuusin. Dahil kahit putol nga ang halos kalahating katawan nito ay hindi naman naapektuhan ang kumpyansa sa sarili at pananampalataya sa Diyos ng lalaki.
Ngayon ay isa nang ganap na guro si Kc, samantalanag isa naman home-based computer IT consultant ang binatang si Troy na halos triple ang kinikita sa mga normal na tao. Nakasanayan na rin nila na mas lalo pang ipakita sa ibang mga tao na walang mali kung may kulang ka sa pisikal. Basta’t ang mahalaga ay hindi ka nakakaperwisyo sa ibang tao.