Oras na ng hapunan pero hindi pa rin tapos magluto si Sepia. Nakakaramdam na ng gutom ang anak niyang si Fino.
“Inay, hindi pa po ba tapos iyang niluluto niyo? Nagugutom na po ako,” ingit ng bata.
“Naku, anak, sandali na lang at maluluto na itong adobong manok,” sagot ng ina.
“Hindi po kasi dapat nagugutom ang isang ‘super hero’ kasi mawawalan po ako super power,” sabi pa ni Fino habang nakasuot ng costume na pang-super hero.
“Oo nga naman. Hayaan mo at malapit ng maluto itong ulam. Gamitin mo nga iyang pagka-super hero mo, tulungan mo akong maghanda ng mga pinggan, baso, kutsara at tinidor sa mesa,” natatawang tugon ni Sepia sa anak.
Mahilig kasing mag-imahinasyon si Fino na isa siyang super hero, na nagtataglay siya ng naiibang kapangyarihan na maaring gamitin para maipagtanggol ang mga naapi. Hindi naman siya kinokontra ng kanyang ina dahil bilang bata ay nakatuon lang ang isip niya sa pantasya. Maya-maya ay bigla siyang tinawag ng kanyang Lolo Raul.
“Fino apo, halika nga rito!” pasigaw na tawag ng matanda.
“Lolo, bakit niyo po ako tinawag?”tanong niya rito pagkalapit niya.
“Wala naman apo, nais ko lang iwan sa iyo ang isang regalo na magpapabago sa iyong buhay,” sagot ng kanyang lolo.
“Ano pong ibig niyong sabihin, lolo? Ano pong ibibigay niyo sa akin?” tanong ng bata.
Kinuha ng matanda ang kanan niyang kamay at ipinatong ang isang tila maliit na bato. Nang tingnan niya kung ano ang kabuuan ng batong iyon, napagtanto niya na isa palang kwintas na may palawit na bato ang ibinigay ng kanyang lolo.
“Ahhh, ang inyong anting-anting. Bakit niyo naman po ito ibinigay sa akin lolo?” tanong niya.
“Apo, tapos na ang pangangalaga ko sa aking anting-anting. Dapat lang na ako ay lumisan na upang magkita na kaming muli ng iyong lola. Mali na pahirapan ko pa kayo sa aking katandaan kaya tanggapin mo ang aking handog at pangalagaan. Sa pagtataglay mo niyan ay para ka na ring isang totoong super hero,” sabi ng matanda sabay ngiti kay Fino.
Kahit naguguluhan ay tinanggap niya ang anting-anting na ibinigay sa kanya ng kayang lolo. Pagkatapos nilang mag-usap ay sabay-sabay na silang kumain ng hapunan kasama ang kanyang inay, itay at dalawa pang kapatid.
Kinaumagahan ay pumanaw na si Lolo Raul. Tinotoo nito ang sinabi kay Fino na mamamaalam na. Sa isip ng bata ay magkasama na ang kanyang lolo at ang yumao niyang lola sa langit. Ilang araw na ibinurol ang matanda at sa libing nito ay isinuot ni Fino ang ibinigay nitong anting-anting sa kanya bilang tanda ng paggalang niya sa kanyang lolo at sa iniwan nitong paniniwala.
Isang araw habang nasa eskwelahan ay nilapitan siya ng kayang dalawang kaklase.
“Fino, sama ka sa amin mamaya pagkatapos ng klase,” paanyaya ng kaibigan niyang si Alfred.
“Bakit? Saan ang punta niyo?” tanong niya.
“Maglalaro tayo ng basketball kila Bogart, iyong pinsan ko,” sagot naman ng kaklase niyang si Tim.
“Pass muna ako. Hindi ako nakapagpaalam kila inay na may pupuntahan ako pagkatapos ng klase, e.”
“Ang laki mo na nagpapaalam ka pa? Kung ayaw mo kami na lang ni Alfred.”
Kinagabihan ay tumawag sa kanilang bahay ang nanay ni Alfred at tinatanong kung kasama niya ito. Hindi pa rin kasi ito umuuwi.
“Anak, tumawag ang nanay ni Alfred. May nasabi ba sa iyo ang kaklase mo kung saan siya pupunta? Hanggang ngayon daw ay hindi pa rin umuuwi sa kanila,” wika ng kanyang ina.
“A, e hindi ko po alam inay,” tangi niyang nasabi. Hindi naman kasi niya alam ang isasagot o kung ano ang dapat niyang sabihin. Ayaw niyang mapagalitan ang kaibigan pero ayaw rin naman niyang magsinungaling kaya nagtapat na rin siya sa ina.
“M-maglalaro daw po sila ng basketball kasama ang pinsan ni Tim,” sagot niya.
Kinaumagahan ay nagulat na lamang sila ng mabalitaan na nasa ospital ang dalawa niyang kaklase. Aksidente raw nasagasaan ng van ang mga ito habang patawid sa kalye pauwi. Mabuti na lamang at sugat at mga galos lang ang tinamo ng dalawa ngunit kailangan pa ring manatili sa ospital para matingnan ng doktor ang kalagayan ng mga ito. Naisip tuloy ni Fino na mabuti na lang at hindi siya sumama kundi ay baka isa siya sa nagpapagaling sa ospital.
Lumipas pa ang mga araw at taon hanggang sa umabot na siya sa edad na kinse anyos. Nakalimutan na niya ang tungkol sa kanyang pagiging super hero noong siya ay bata pa at itinuon na ang sarili sa pagiging binata. Sa kanyang paglaki ay ilan pang insidente ang nalagpasan niya. Palagi siyang nakakaligtas sa mga aksidente na kanyang labis na ipinagtataka. Minsan ay nagkayayaan silang mag-swimming ng mga kabarkada niya. Magkakasama na sila sa lugar kung saan sila nagkita-kita ng maalala na naiwan niya sa bahay ang anting-anting na ipinamana sa kanya ni Lolo Raul.
“Naku, hindi maaaring hindi ko isuot iyon,” sabi niya sa sarili. Hindi na kasi siya sanay na hindi dala ang anting-anting kaya agad niya iyong binalikan.
Hinintay naman siya ng kanyang mga kaibigan ngunit pagdating niya ay ayaw na ng mga ito na tumuloy sa kanilang pupuntahan dahil nabalitaan nila na nagkaroon ng banggaan sa kalye na dapat na dadaanan ng kanilang sasakyan papunta sa pagliliguan nila. Dahil sa takot ay nagsi-urungan ang mga kaibigan niya at nagyayang huwag na tumuloy sa kanilang swimming.
“Buti na lang at naiwan mo ang kwintas mo, Fino. Kung hindi ka namin hinintay ay baka isa na kami sa mga nasawi o nasugatan sa banggaan na iyon kung nagkataon,” sabi sa kanya ng kaibigan niyang si Rhian.
Laking pasasalamat niya sa kanyang anting-anting dahil sa ilang beses na siya nitong inililigtas sa kapahamakan. Hindi niya alam kung talaga bang epektibo ang anting-anting ng kanyang lolo dahil para sa kanya ay ginagawa lang niya ang nararamdaman niyang dapat. Sinusunod lang niya ang kanyang kutob.
Hindi pa rin naman siya gaanong naniniwala sa kapangyarihang taglay ng anting-anting o kung totoo nga bang may kapangyarihan ito ngunit mas mabuti na rin na nasa kanya ang pamana ng kanyang pinakamamahal na lolo. Mas panatag ang kanyang damdamin dahil pakiramdam niya, ginagabayan siya ng kanyang Lolo Raul kasama ang kanyang lola.