Mag-iisang taon na ang relasyon ni Kit at Prima. Nagkakilala sila rito sa Thailand dahil kapwa sila OFW. Unang kita pa lang, magkasundo na agad ang dalawa. Parehong Pilipino na nangibang bansa para makatulong sa pamilya kaya madaling nahulog ang loob nila sa isa’t isa.
Gwapo si Kit, sobrang ganda naman ni Prima. Kapag may nakakakita sa kanila ang sasabihin ay ‘bagay talaga’. Sa totoo lang gustong-gusto na ng lalaki na magpropose sa nobya. Sapat na ang ipon niya, naipagawa niya na ang bahay ng kanyang magulang sa ‘Pinas kaya wala na siyang dapat na problema. Isa na lang.
May lihim kasi siya.
Isang sikretong kapag nabuking ng pinakamamahal niyang nobya ay baka iwan siya nito. Diyos ko, hindi niya kakayanin. Ang totoo kasi niyan… hindi talaga siya lalaki.
Oo, ipinanganak siyang Katrina Jamanila. Naging Kit na lang dahil habang nagbibinata siya, nagdadalaga pala ay na-realize niyang hindi pangbabae ang puso niya. Sa halip, sa kapwa babae ito tumitibok.
Kaya nagsimula siyang mangarap. Nagsikap siyang makapagtrabaho rito sa Thailand at nang sapat na ang pera ay nagpa-opera siya. Lumapad ang kanyang balikat… nagkaroon ng muscles. Buti na lang at matangkad na siya noon pa man kaya hindi naging problema ang height. May iniinom rin siyang gamot para lumaki ang kanyang boses. Kung titingnan sa panlabas, tigasin talaga siya! Kahit na… wala naman siyang pagkalalaki.
Kaya nga kahit na gusto niya ay hanggang halik lang siya sa nobya. Buti nga hindi siya pinagdududahan nito dahil kahit na ilang beses silang mapag-isa ay ni hindi man lang siya nagtangka na maka-score rito. Siyempre, dalagang Pilipina si Prima kaya hindi rin naman ito nangunguna.
“Okay. Kaya ko ito. Mahal ako ni Prima. Tatanggapin niya naman siguro ako… pero g*go! Nagsinungaling ka!” kausap niya sa sarili habang nakaharap sa salamin. Hawak niya ang singsing at maya-maya lang ay susunduin niya na ang nobya sa apartment nito.
Anniversary kasi nila ngayon.
“Kit, Kit! Mahal ka ni Prima. Hindi siya mapanghusga. Kung… kung sakali man na ayaw niya, kakayanin mo naman ‘di ba?” malungkot na tanong niya muli sa kanyang repleksyon. Napangiti siya nang mapakla, alam niya na naman kasi ang sagot.
Hindi niya kayang mawala ang babae.
Lumipas ang ilang sandali at nagtungo na siya sa tinitirhan ng nobya. Bahala na. Basta magtatapat siya… ipagpapasa-Diyos niya na lang ang lahat. Pagbukas ng pinto ay napanganga pa siya dahil ang ganda-ganda nito sa suot na bestida.
“Wow. Wala talagang kupas,” nakangiting komento niya. Kinindatan pa ito.
Namula naman ang pisngi ng dalaga pero nang makasakay na sila sa taxi at kapansin-pansing tulala ito.
“Are you okay baby?” tanong ni Kit.
“O- Oo naman,” wala sa sariling sagot nito sa kanya. Sinundan iyon ng alanganing ngiti.
Hindi na nag-usisa pa si Kit dahil siya man, kinakabahan rin. Kung ano man ang bumabagabag kay Prima ay tiyak niyang walang wala iyon sa ipagtatapat niya mamaya.
Hanggang sumapit na ang oras. Makatapos silang kumain ng dinner ay hinaplos ng nobyo ang kamay ng babae.
“M- May sasabihin ako-“
“May kailangan kang malaman-”
Halos sabay pa nilang sabi, ninenerbyos na nagkatawanan sila pagkatapos.
“Ladies first,” sabi ni Kit.
“No. Ikaw na muna. Kasi pag nalaman mo itong sa akin baka hindi mo na ako kausapin,” malungkot na sabi ng dalaga.
Kinabahan naman si Kit, nanlalaki ba ito? Niloko ba siya?
Bumuntong hininga siya at nagsalita. “Prima. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Unang kita ko palang sayo, nadama ko na iyon dito sa puso ko. Kaya nga ayaw ko na sanang patagalin… gusto na kitang maging asawa.”
Napansin niyang natakpan ng nobya ang bibig nito, pinipigil ang maiyak.
Nagtuloy sa pagsasalita si Kit, “Kaya lang, hindi ko alam kung ganoon rin ang mararamdaman mo kapag nalaman mo na… hindi ako lalaki,” may pait sa boses niya nang sabihin iyon. Tumungo siya. Hindi niya kayang salubungin ang mga tingin ng nobya. “Nagpa-opera lang ako rito sa Thailand. Hindi ako Kit Prima, Katrina ako,” halos bulong na lang na lumabas iyon sa kanyang bibig.
Naghintay siya ng sumbat… sampal, inasahan niya pa nga na pagtingala niya ay wala na ang nobya sa upuan nito. Pero mali siya, dahil naroon ito.
“H- Hindi ka galit?” tanong niya.
Umiling ito, “Kit. Mahal na mahal kita. Kahit na ano ka pa. Puso mo ang tinitingnan ko at hindi ang panlabas na anyo mo. Ang totoo niyan, alam ko naman noong una pa lang.”
“Alam mo?!”
Tumango ito, “Oo. Siyempre alam ko ang kapwa ko operada…” ito naman ang tumungo pagkasabi noon. Si Kit naman ang nagulat.
Nagsalitang muli si Prima. “Dahil tulad mo, hindi umayon ang katawan ko sa sigaw ng puso ko. Hindi naman ako ipinanganak na Prima, Primitivo ang pangalan ko. Nagpa-opera lang ako rito sa Thailand.”
Mahabang katahimikan ang sumunod pagkatapos noon. Kapwa windang sa rebelasyon ng isa’t isa. Pero matapos ang ilang sandali ay si Prima na ang nagsalita.
“Maiintindihan ko kung-”
Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil tumayo si Kit at hinalikan ito sa labi. Napangiti ang dalawa nang matapos ang halik.
Tama sila- PAREHO nga sila sa lahat ng bagay.
Ikinasal ang dalawa sa Pilipinas at biniyayaan ng dalawang anak. Si Prima ang nag-gown, si Kit ang nag-Amerikana at polo.
Ang pag-ibig, walang oras… walang edad… walang kasarian. Dahil basta tumibok ang puso, lahat gagawin masunod lamang ito.