Inday TrendingInday Trending
Sino ang Mas Mabuti?

Sino ang Mas Mabuti?

May edad na si Aling Ruby nang mag-asawa. Kwarenta anyos na siya nang isilang niya ang panganay na si Lilibeth, makalipas ang limang taon ay nasundan iyon ng bunsong si Lina. Hindi naging madali ang kanilang buhay dahil ilang taon lang ang binilang ay pumanaw na rin ang kanyang mister. Siya na ang tumayong ama at ina sa dalawa.

Awa naman ng Diyos, nakatapos ng kolehiyo ang panganay. Maganda na nga ang trabaho nito sa isang opisina sa Makati – isa na itong manager. Habang ang bunso naman, hindi na nakapagkolehiyo dahil hindi na kaya pang maghanapbuhay ni Aling Ruby.

Nagtayo na lamang siya ng sari-sari store at katu-katulong niya roon si Lina kapag wala itong pasok sa pabrika.

“Ma, kumusta pala itong bahay? I mean… hati ba kami ni Lina dito or what? ‘Wag mo naman sanang masamain Ma, alam naman natin na darating rin tayo lahat sa ganoon. Una-una lang yan.” kaswal na tanong ni Lilibeth.

Sinulyapan naman ito ni Lina na noon ay kadarating lang mula sa trabaho. “Ikaw naman, ate. Iyan agad ang iniisip mo. Dapat nga ay ang kalusugan ng mama ang inuuna natin,”

“‘Yan, ganyan ka mag-isip! Kaya hindi umuunlad ang buhay mo eh. Totoo lang naman ang sinasabi ko. Matanda na si Mama, mawawala rin naman talaga siya sa atin. Tama nga siguro na sa akin lang mapunta ang bahay kasi mukha namang ‘di mo ito kayang ingatan. Mas may pinag-aralan ako,” wika ng panganay… matalim ang tinging ipinukol sa kapatid.

Napatungo si Lina. “Ang sakit mo namang magsalita, ate-”

“Tama na nga iyan. Ngayon na lang kayo magkikita ay mag-aaway pa kayo. Beth, aayusin ko na ang mga papeles ng bahay. Ikaw naman Lina, ‘wag kang ganyan sa ate mo. Ate mo pa rin iyan,” awat ni Aling Ruby sa dalawa.

Hindi kumibo ang bunso. Pero ang panganay ay tumayo at may kinuha sa loob ng bag, “Ma… chocolates for you. Miss na miss kasi kita eh,” lambing nito.

Napangiti naman ang matanda. Kahit na kailan, mas malambing talaga itong panganay. Lalo pa mula nang magkasakit siya noong isang buwan at isugod sa ospital. Ito na nga lang ang nakipag-usap sa doktor dahil ayaw raw nitong ma-stress siya. May mga ilang gamot itong ipinaiinom sa kanya. Lagi rin siyang pinasasaya kasi dinadalhan siya ng chocolate, cake, ice cream… kung ano-anong matatamis.

Umasim ang mukha ni Lilibeth nang masulyapan ang kapatid, “O sige na, ma. May pasok pa ako bukas eh. Kailangan ko nang bumalik sa apartment ko,” wika nito.

“Hindi ka na ba rito maghahapunan, anak?” gulat na tanong ng ina.

“Hindi na. Nawalan na ako ng gana eh.” Pagkasabi noon ay tumayo na ang babae at lumabas.

Tiningnan ni Aling Ruby ang noon ay wala pa ring kibong si Lina, “Ayan. Umuwi tuloy ang ate mo. Alam mo namang ang pagdalaw niya na lang ang kasiyahan ko. Sinira mo pa.”

Laging ganoon ang eksena sa kanilang bahay kapag dumadalaw si Lilibeth. Nag-aaway ang magkapatid at kakampihan ng ina ang panganay. Minsan nga naiisip ni Lina, siguro dahil may titulo ang ate niya? Ito ang nakapag-aral at nakakapagbigay ng mas malaking pera kaya ito lagi ang pinapanigan ng nanay niya.

Isang hapon, bigla na lamang nakaramdam ng pagkahilo ang matanda. Nag-aalalang hinawakan ito ni Lina at akmang dadalhin na sa ospital nang magring ang cellphone nito.

“Ma? Pupunta ako dyan, dadalawin kita,” sabi ni Lilibeth sa kabilang linya.

“Ate? Si Lina ito. Dadalhin ko sa ospital si mama kasi nahilo na lang bigla,” ninenerbyos na sabi ng dalaga.

“Ano?! Pakausap nga sa kanya! Nagpapadalos-dalos ka, nakakahiya lang sa doktor! Ano ba ang alam mo eh wala ka namang pinag-aralan.”

Bumalatay ang sakit sa mukha ng bunso pagkarinig noon, ipinasa na sa ina ang telepono.

“Ma? Ma, naku pagod ka lang siguro. ‘Wag na kayong pumunta ng ospital, magagastusan lang kayo. Papunta na po ako d’yan. Binilhan kitang chocolates…” masuyong wika nito.

Kahit naman nahihilo ay napangiti ang matanda. Sinunod niya ang sinabi ng panganay kahit pa anong pilit ng bunso na pumunta na sila sa doktor.

Ilang sandali pa ay dumating na nga si Lilibeth na maraming dalang chocolate. Pinakain siya nito at sinigurong magiging maayos lang ang lahat.

Hatinggabi na nang umuwi ito, patulog na sana si Aling Ruby nang mag-ring ang telepono.

“Hello? Pwede hong makausap si Mrs. Ruby Calvez?” wika ng nasa kabilang linya. Sinulyapan niya pa ang cellphone dahil numbero ni Lilibeth ang tumatawag. Bakit iba ang boses?

“A- Ako nga ho… sino sila?” naku, baka nanakaw ang cellphone ng anak niya!

“Nurse ho ito sa Our Divine Medical Center. N-Naaksidente ma’am ang taxi na sinasakyan po ng anak ninyo…” bungad nito.

Nawala ang antok sa katawan ng ale. Dali-dali niyang ginising si Lina at nagtungo sila sa ospital. Pero hindi na nila inabutan pang buhay si Lilibeth, matindi ang tama sa ulo nito.

Napahagulgol ang ale sa hallway ng emergency room at muntik pang mahimatay. Buti na lamang ay nahawakan ito ng umiiyak ring si Lina. Lumala ang pagkahilo ng matanda kaya sinabi ng mga nurse na kailangang tingnan ang BP nito.

Iba naman ang suspetya ng doktor, kaya kahit na nagpupumiglas ang ale para mahawakan ang walang buhay na anak ay iniupo nila ito sa isang tabi.

Kinuhanan nito ito ng blood sugar at ganoon na lamang ang pagkagulat ng mag-ina dahil may diabetes pala si Aling Ruby.

“Matagal na po ito, Ma’am. Tinawagan namin ang ospital na dati ninyong pinuntahan at iyon ang findings sa inyo. H-Hindi ninyo po alam?” nananantyang wika ng doktor. Si Lina na lamang ang sumagot dahil tulala ang matanda.

“Ma-swerte ho kayo dahil kung… kung sakaling sumobra ang taas ng inyong sugar at natulog kayo. O nawalan ng malay, malaki ang chance na ‘di kayo magising… Mako-comatose po kayo.”

Nang mahimasmasan ang mag-ina ay iniabot sa kanila ng mga nurse ang gamit ni Lilibeth. Bag at cellphone.

‘Di alam ni Lina pero tila may nagbubulong sa kanya na kalikutin iyon kaya ginawa niya. At ganoon na lamang ang pagkagulat ng dalaga nang mabasa ang text messages sa cellphone ng ate niya. Kausap nito ang bestfriend nitong sa Makati rin nagtatrabaho.

Ang tagal ngang ma-tigok ng matandang ito, gsto ko na maangkin ang lupa

Sbi ng doktor may diabetes raw. Kya nga lagi ko bnibigyan ng chocolates para mapadali ang buhay

Sympre akin ang bhay no. Hndi naman maka2laban ang kapatid ko. Wlng pnag aralan to

Mabilis niyang isinara ang cellphone pero nabasa na pala iyon ng kanilang ina. Labis ang sakit na gumuhit sa puso ni Aling Ruby.

Palagi niyang kinakampihan ang panganay laban sa bunso, ito naman pala ang may masamang intensyon sa kanya. ‘Di niya lubos maisip na kaya siyang pag-isipan ng masama ng sariling anak.

Gayunpaman, binigyan pa rin nila ito ng maayos na burol at pormal na libing. Ipinagdasal rin nilang matahimik na ang kaluluwa nito.

“Patawarin mo ang mama ha, kung nagkulang ako sa’yo,” bulong ni Aling Ruby kay Lina. Tumango naman ang dalaga at niyakap ang matanda.

“Wala iyon, ma… basta kapit kamay lang tayong dalawa. Okay na po ako,” sagot naman ni Lina.

Pinagpapala ang mabuti, nabigyan ng scholarship ang dalaga dahil isa siya sa pinakamasipag na empleyado ng pabrika. Kaya nakabalik siya sa pag-aaral. Ngayon ay nakapagtapos na rin siya at may maganda nang trabaho. Siniguro niyang ‘di na maghihirap pa ang ina, kaya’t binigyan niya ito ng magandang buhay.

Sinubukan ni Lilibeth na gawan ng masama ang ina para lang sa lupa. Kung inaakala niyang nagtatagumpay na siya, nauna na ang karma. Ang masakit pa ay kinuhang kapalit ang buhay niya.

Advertisement