Kadarating pa lamang ng guro at nagsisimula palang ng klase nang itaas ni Nate ang kamay. Hindi siya masyadong pinansin ng ginang dahil alam na naman nito ang sasabihin niya pero talagang hindi niya ibinababa iyon hanggang ‘di siya tinitingnan nito.
“Yes?” matabang nitong wika.
“P- pwede po bang mag-CR?” tanong ng grade 6 student na bata.
Bumuntong hininga si Ginang Alvarico, “Sige. Pero sana ‘wag mong ugaliin ha? Ang haba ng vacant time ninyo bago ako dumating. Kung kailang narito na ako ay saka ka iihi. Bilisan mo na.”
Pagkasabi noon ng guro ay nagmamadaling tumayo ang bata at lumabas. Narinig niyang nagpaalam rin ang kaklase niyang si Michael pero hindi ito pinayagan, isa-isa lang raw dapat kung pupunta sa CR.
Na siyang ipinagpasalamat niya naman. Sa totoo lang ay iyon ang dahilan kung bakit pinipigil niya ang ihi at hinihintay niyang may teacher na saka siya lalabas. Tiyak kasing kung vacant time niya iyon gagawin ay haharangin na naman siya sa banyo ng grupo ni Michael, kilalang palaaway sa kanilang eskwela.
Siya ang paborito nito ngayon eh. Diyos ko, ilang beses na nga siyang nakapaglihim sa mama niya kung saan nanggagaling ang kanyang mga galos. Hindi niya maamin sa ginang na dahil iyon sa pananakit ng kamag-aral. Ayaw niyang ma-stress ito, dalawa nalang sila sa buhay ay baka magkasakit pa sa kunsumisyon ang kanyang ina.
Ilang oras pa ang nakalipas ay alas singko na ng hapon. Uwian na.
Sandali pang nagkubli si Nate sa isang pader at hinintay na makauwi ang mga kinatatakutan bago siya lumabas. Wala nang natirang nakapilang tricycle kaya naglakad na lamang siya.
‘Di bale, may shortcut naman. Ang problema lang… sa shortcut na iyon ay naroon ang isang nakakatakot na bahay na madadaanan niya. Lahat halos ng taga-bayan ay umiiwas mapatingin dahil nga nakakakilabot. Ang bali-balita, may matandang babaeng naninirahan roon. Katunayan ay nakita niya na ng ilang beses na nakatanaw sa bintana ang lola pero ‘di naman siya nagtangkang kausapin ito.
Oo, doon siya naglalakad araw-araw. Sa kabila ng mga bulung-bulungan. Kasi kung hindi niya naman iyon gagawin at hindi siya magsho-shortcut ay madaraanan niya ang bahay nina Michael.
Ipinikit niya ang mga mata habang naglalakad. Tutal ay wala namang sasakyan. Napadilat lang siya nang makarinig ng sitsit.
“In Jesus name… in Jesus name…” paulit-ulit na bulong niya, mas binilisan ang paglalakad.
“Bata!” sabi ng boses ng isang batang babae.
Doon siya napadilat. Hinanap niya ang may-ari noon at natanaw ang isang naka-bestidang batang babae na nasa bakuran ng malaking bahay. Tinitigan niya itong mabuti, hindi naman nakalutang ang mga paa.
“‘Di ka multo?” naisa-boses niya ang tanong sa isipan.
Napahagikgik naman ito sa tanong na iyon kaya natawa na rin si Nate. Grabe, ang tagal niya nang dumaraan rito pero ngayon niya lang nakita na may bata palang kasing edad niya.
Sabagay, mukha namang galing sa ibang bansa. Hindi Pinoy ang itsura nito. Blonde ang buhok, asul ang mga mata at pino ang pagkatangos ng ilong. Pero ang pinaka-nakatawag sa kanyang atensyon ay ang magandang bestida nito. Parang magsisimba.
“Ano ang pangalan mo?” usisa nito.
“N-Nate,” nag-aalinlangan man ay sinagot niya ito.
Ngumiti ito, “Ako si Eleanor. Matagal na kitang nakikitang dumaraan kaya lang nahihiya akong kausapin ka eh,” namula pa ang pisngi nito pagkasabi noon.
“Bakit naman? Gusto mo akong kaibiganin? Naku ‘wag ako, talunan ako eh. Tiyak kong kung papasok ka sa school namin ay magiging sikat ka kasi… maganda ka at foreigner pa. Ang galing mo pang magtagalog,” komento ni Nate.
“Hindi ka talunan para sa akin. Mabait ka nga eh.”
Mula noon, naging magkaibigan na silang dalawa. Ang dating walang ganang bumangon na si Nate dahil sa mga nang aapi sa kanya sa eskwela ay napuno ng buhay ngayon. Excited siya lalo na kapag uwian, kasi ay madaraanan niya ang kaibigan at magagawa niyang makipagkwentuhan sandali.
Doon lang sila lagi, sa loob ito ng hardin at siya naman ay sa labas. Kapag niyayaya niya ito ay sasabihin lang nitong ‘di ito pwede at hindi niya na pipilitin. Di rin naman siya nagtangkang pumasok sa loob kasi nakakakilabot pa rin ang bahay.
Hanggang isang hapon, nag-alala si Eleanor dahil may pasa si Nate sa gilid ng labi.
“Sayang Eli. Sana, sana pumasok ka sa school ko. Para kahit na paano may kausap ako. Para hindi naman ako masyadong nakakahiya katulad kanina nang sapakin ako ni Michael sa harap ng maraming tao,” ‘di maiwasan ng bata ang maluha dahil sa sinapit.
Nakakaunawang tinapik ni Eleanor ang kanyang balikat.
“Alam mo namang… sa Amerika ako mag-aaral diba? N-Nagbabakasyon lang kami rito.”
Siyempre ay naiintindihan naman ni Nate iyon. ‘Di niya lang maiwasang sabihin ang nasa loob niya kasi ang sakit talaga ng dinanas niya ngayong araw.
Hinahanap kasi ni Michael ang ipinapagawa nitong book report sa kanya na hindi niya nagawa kasi nga ay pagod na siyang maging sunud-sunuran rito. Kaya ayan, na-bangasan siya. Binantaan pa siya na kung bukas ay ‘di pa rin niya nagagawa ang project, mas matindi ang kanyang daranasin.
Kinabukasan, mabilis lumipas ang oras ng klase at nagawa naman ni Nate na iwasan si Michael. Palagi lang siyang dumidikit sa mga guro hanggang mag-uwian. Akala niya ay nakaligtas na siya rito pero napapitlag na lamang siya nang may magsalita sa kanyang likuran habang siya ay naglalakad.
“Saan ka pupunta duwag? Nasaan ang project ko?!”
Nang lumingon siya ay naroon ang galit na galit na si Michael. Halos namumula na ang mukha nito dahil naalala na na-sermunan ng guro kanina sa kawalan ng maipasang proyekto.
Imbes na sumagot ay kumaripas ng takbo si Nate.
“Pag naabutan kita, manghihiram ka ng mukha sa aso!” sigaw ni Michael na ngayon ay tumatakbo na rin. Gustong-gusto talaga nitong saktan siya.
Siguro ay sa pagod… at sa nerbiyos ay natumba na lamang bigla si Nate. Sa tapat pa ng bahay nina Eleanor. Galing naman, mukhang harap-harapang makikita ng kaibigan niya kung paano siya gawing katawa-tawa ni Michael.
“Hah! Lampa!” sabi ni Michael. Bagamat hinihingal ay bakas sa mukha ang kasiyahan dahil nahagip na siya nito. Hinablot nito ang kwelyo ng kanyang mukha at umamba ng suntok. Pero bago pa man siya nito tuluyang masaktan ay napasulyap ito sa kanyang likuran at tinakasan ng kulay sa mukha.
Kasunod noon ay nagsisigaw ito habang tumatakbo palayo, naiwan si Nate na natutulala at walang alam sa nangyari.
Ilang araw ang lumipas ay hindi na pumasok pa sa klase si Michael. Sabi ng mga teacher, bigla na lang raw itong nagpalipat sa ibang eskwelahan. Masaya na sana kaya lang ay kasabay ng pagkawala ni Michael, ‘di na rin nakikita ng bata si Eleanor.
Alam naman ni Nate na may kinalaman ang batang babae sa pagsigaw ni Michael noong nakaraan. Ni hindi man lang siya nakapagpasalamat. Lumipad na ba ulit ito pabalik ng Amerika?
Miss na miss niya na ang kaibigan kaya kahit na ninenerbiyos pa rin ay nilakasan niya ang loob at kumatok sa nakakatakot nitong bahay. Mga ilang minuto pa siyang nagtawag bago siya makarinig ng kaluskos sa loob.
“Sandali lang,” sabi ng isang boses.
Bumukas nang bahagya ang pinto, iniluwa ang lola na lagi niyang nakikita sa bintana noon. Siguro ay lola ito ni Eleanor dahil hawigin. Parehong tisay ang dalawa.
“A- Ako po si Nate. Kaibigan po ni Eleanor.” pakilala niya.
Kumunot ang noo nito, “Eleanor?”
“Opo, Lola. Eleanor Smithson po… apo ninyo po ba siya?” habang sinasabi iyon ay tumatanaw pa siya sa loob ng bahay para makita kung naroon sa loob ang bata.
Sandali itong nag-isip tapos ay parang may na-realize. Niluwagan nito ang pagkakabukas ng pinto at pinapasok siya.
“Kumusta ka na? May nang-aapi pa rin ba sa iyo?”
Nabigla ang bata dahil alam ng matanda ang tungkol sa nangyayari sa kanya. Pero naisip niyang baka ikinukwento ni Eleanor.
Tila naunawaan naman ng lola ang kanyang nasa isipan, “Hindi niya ikinukwento. Alam ko lang. Marami na yata kayong batang nailigtas niya.”
Naguguluhan na si Nate sa pinagsasabi ng lola at nagsisimula na rin siyang matakot. Magpapaalam na sana siya para umuwi nang buklatin nito ang isang sobrang lumang photo album.
“Ito siya, hindi ba?” wika nito. Itinuro ang isang larawan na halos mabura na sa kalumaan.
Pero ‘di maaaring magkamali si Nate, sigurado siya… si Eleanor nga iyon! Ang bestidang parang laging magsisimba, ang kulot na buhok, ang matangos na ilong.
Pero sobrang luma na ng larawan!
“P-Paano pong nangyari…” kinakapos sa hininga ang bata.
“Hindi ko siya apo. Sa katunayan, apo niya ako. Bunsong kapatid siya ng aking lola. Malungkot ang kwento ng buhay ni Eleanor. Nagustuhan ng kanyang mga magulang na kapwa Amerikano ang manirahan dito sa Pilipinas. Mababait ang mga tao at naging masaya naman sila.
Liban kay Eleanor, dahil palagi siyang inaapi sa eskwela- hindi kasi siya pantay maglakad. Isang araw sa kagustuhang makatakas sa mapanghusgang mga kaklase ay basta na lamang siya tumakbo… sinubukan niyang bilisan para patunayan sa mga ito na hindi siya talunan. Kaya lang ay nabangga siya… ni hindi na umabot na buhay sa ospital.
Palaging ipinagdarasal ng pamilya ang kanyang kaluluwa. Pero ‘di nagtagal ay nagsimula nang may kumatok sa bahay ng mga lola ko, mga batang inapi na nais magpasalamat dahil tinulungan daw sila ni Eleanor. Hanggang ngayon, hindi natatapos iyon. Isa ka sa kanila. Parang isinumpa ng lola Eleanor ko na hangga’t kaya niya, hindi niya na hahayaang may batang matulad pa sa kanyang kapalaran,” kwento nito.
Tumayo ang lahat ng balahibo sa katawan ni Nate. Nakakatakot man ang kanyang natuklasan ay nasa puso niya naman ang labis na pasasalamat.
Nagpaalam na siya sa matanda at tumayo na para umuwi. Bago siya makalabas ng gate ay ‘di niya alam kung guni-guni lang pero may narinig siyang nagsalita.
“Kaya tayo magkaibigan, hindi ka talunan…” ibinulong lang iyon sa hangin.
Napangiti naman si Nate, “Salamat Eleanor. Ipagdarasal kita…”