Inday TrendingInday Trending
Kasangga Mo Ang Langit

Kasangga Mo Ang Langit

Lumaki sa isang magulong pamilya si Kate. Napilitan lamang ang kanyang mga magulang na magpakasal dahil sa hindi inaasahang pagbubuntis ng kanyang ina sa kanilang panganay na kapatid na si Alvin.

Simula pagkabata ay madalas nilang makitang magkakapatid na nagsisigawan at nag-aaway ang kanilang mga magulang. Madalas kasing mahuli ang kanyang ama na nambabae. Lagi namang subsob sa trabaho ang kanilang ina kaya wala itong sapat na oras para asikasuhin sila. Lumaki sila sa pangangalaga ng mga katulong at ng kanilang lola.

“I’m sorry. We did our best pero hindi na talaga kinaya ng anak ninyo ang operasyon,” saad ng doktor pagkalabas nito ng operating room kung saan isinagawa ang operasyon ng kuya nila.

May sakit sa puso si Alvin at kinakailangan ng agarang operasyon. Ayaw sanang sumailalim sa operasyon ng binata dahil sa pangambang hindi maging matagumpay ang operasyon at mas mapaaga lamang ang kanyang pagkawala, ngunit pilit itong kinumbinsi ng kanilang ina dahil umaasa itong gagaling na ang anak at hindi na mahihirapan kung sakaling maging matagumpay ang operasyon.

Subalit, taliwas sa inaasahan ng kanilang ina at gaya nga ng pinangangambahan ni Alvin ay hindi nga nagtagumpay ang operasyon.

Kasabay ng pagkawala ng kuya nila ang tuluyang pagkawala ng pagmamahal ng kanilang ama sa kanilang ina. Doon nagsimula ang sunod-sunod na kalbaryo sa buhay ni Kate.

Tuluyang naghiwalay ang kanyang mga magulang. Nanatili si Kate sa kanyang ina samantalang ang kanyang nakababatang kapatid na si Eva naman ay sumama sa kanilang ama, lumabas ng bansa ang dalawa at nagpakaalayo-layo para kalimutan ang masakit na nangyari sa kanilang pamilya.

Hindi man harap-harapang aminin ng kanyang ina ay labis na mahal nito ang kanilang ama. Samahan pa ng pagkawala ng Kuya Alvin nila at pagkawalay sa asawa at bunsong anak, dahil dito ay naging madalas magkasakit ang kanilang ina. Naging mahina ang katawan ng ginang na naging sanhi ng madalas na pagliban nito sa trabaho hanggang sa kinakailangan na nitong tumigil at manatili na lamang sa bahay kasama ang kanyang lola.

Dahil sa dalas ng pagkakasakit ng kanyang ina at sa operasyong ginawa sa kanyang lola ng minsang inatake ito ng kanyang sakit sa puso ay nalubog sila Kate sa utang. Si Kate na lamang ang inaasahan ng kanyang ina at lola. Nasa kolehiyo na siya at ayaw niyang tumigil sa pag-aaral, kaya naman pinagsabay niya ang pag-aaral sa pagtratrabaho. Sa umaga ay pumapasok siya at sa gabi naman ay nagtratrabaho.

“O Panginoon ko, bigyan niyo po sana ako ng lakas para makayanan ang lahat ng ito. Alam ko pong pagsubok Niyo lamang ito. Unti-unti na po akong nawawalan ng pag-asa. Parang gusto ko na pong sumuko. Gabayan niyo po sana ako sa pang araw-araw na desisyong gagawin ko,” umiiyak na panalangin ni Kate.

Marahil ay dahil sa sobrang pagod na nararamdaman kaya napaiyak na lamang siya at humingi ng lakas ng loob at gabay sa Panginoon gaya ng madalas niyang gawin sa tuwing pinanghihinaan na siya ng loob at gusto ng sumuko sa buhay niya.

Labis mang nahihirapan ay patuloy na lumaban si Kate sa hamon ng buhay. Naging kasangga niya ang kanyang pananalig sa Maykapal. Sa tuwing siya ay sobrang nahihirapan at nasa puntong gustong-gusto niya na talagang sumuko ay iniisip niya na lamang na may rason kung bakit nangyayari ang mga ito sa kanya at sa kanyang pamilya. Nagpakatatag siya at patuloy na naniwala sa plano ng Diyos para sa kanila.

Lumipas ang ilang taon at nakapagtapos din si Kate sa kursong kanyang kinuha. Natupad niya ang kanyang pangarap at naging isang ganap na Nurse. Pagkalipas lamang ng dalawang taon ay nakalipad na rin siya sa ibang bansa para doon magtrabaho. Nabayaran nila ang lahat ng kanilang utang at muling guminhawa ang kanilang buhay.

Labis ang pasasalamat ni Kate sa Panginoon na kahit na sobrang hirap at sunod-sunod ang kalbaryong kanyang hinarap sa kanyang buhay ay hindi pa rin siya Nito pinabayaan at patuloy na ginabayan hanggang sa maabot niya kung nasaan man siya ngayon. Mabuti na lamang at hindi siya nawalan ng tiwala sa Panginoon at sa planong nakalaan para sa kanya.

Ngunit kung inaakala ni Kate na yun na ang pinaka magandang regalong matatanggap niya ay nagkakamali siya.

“Kate, anak,” tawag ng isang pamilyar na tinig sa dalaga. Hindi makapaniwala si Kate sa kanyang nakikita ng nilingon niya ang lalaking tumawag sa kanyang pangalan.

“Dad?” halos pabulong at hindi makapaniwalang sambit ng dalaga. Agad na tinawid ni Kate ang distansya sa pagitan nila ng ama at niyakap ng mahigpit ang amang hindi inaasahang muli niya pang makakasama o masisilayan.

“Patawarin mo ako anak kung iniwan ko kayo ng iyong ina. Labis lang din akong nasaktan sa pagkawala ng iyong kapatid. Pero tama ang kapatid mong si Eva, hindi lang ako ang nasaktan sa pagkawala ni Alvin. Hindi ko man lang naisip na nasaktan ang mommy niyo at pati na rin kayo. Sarili ko lamang ang aking inisip. Patawarin mo sana ako kung labis man akong natagalan para marealize iyon. Pero pangako anak, sa pagkakataong ito ay gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para makabawi sa inyo ng iyong ina. Bubuoin natin muli ang ating pamilya. Nasisigurado ko ring ‘yon din ang gusto ng kuya niyo,” puno ng sinseridad na pahayag ng kanyang ama.

“Hindi na po importante ang nakaraan. Ang mahalaga po narito na kayo ngayon at binalikan niyo kami. Maraming salamat po, dad,” hindi mapigilan ni Kate ang lumuha habang kausap ang ama.

Punong-puno ng pasasalamat ang puso ng dalaga dahil sa muling pagbabalik ng kanyang ama at kapatid. Muling nabuo ang kanilang pamilya at nagsimula silang muli. Sa pagkakataong ito ay alam na nila kung paano pahalagahan ang nararamdaman ng isa’t-isa dahil alam na nila ang pakiramdam ng mawala’y sa isa’t-isa sa napakahabang panahon.

Maraming pagsubok man ang hinarap ni Kate ay pilit pa rin siyang nagpakatatag at naniwala sa planong nakalaan para sa kanya ng Diyos. Hindi naman siya binigo ng kanyang wagas na pananalig at naging kasangga niya ang langit sa lahat ng kanyang laban.

Advertisement