“Mamang, ayos lang po ba kayo? Sumasakit na naman po ang tiyan niyo, ano? Halika na po, magpatingin na tayo sa doktor,” sambit ni Alfredo sa ina niyang namimilipit sa sakin ng tiyan.
“Hay naku, magtigil ka, Alfredo! Ayos lang ako! Baka may nakain lang akong nakapagpasama sa tiyan ko kaya sumasakit na naman. Tsaa lang ang katapat nito, huwag ka mag-alala,” depensa ni Aling Joi saka bahagyang inayos ang kaniyang tindig upang masabing ayos lamang siya.
“Eh, ano yun, Mamang, palagi ka na lang nakakakain nang nakakapagpasama ng tiyan mo? Araw-araw mo na ‘yan iniinda, Mamang. Mas maiging magpatingin ka na po,” pangungumbinsi ng kaniyang anak ngunit tila buo na ang kaniyang isip na hindi magpatingin.
“Mas maiging hayaan mo na ako. Kapag ako nagpatingin, at nalaman ko ang tunay na kalagayan ng kalusugan ko, baka mas lalo lang mapabilis ang pagpunta ko sa langit dahil sa kaba at pag-aalala,” depensa niya pa saka hinimas-himas ang kaniyang tiyan.
“Mamang, magpapatingin ka para maaganapan yung sakit mo,” sagot pa ng kaniyang anak, bakas na sa mukha nito ang pag-aalala sa kalusugan ng ina.
“Tumigil ka na, halos araw-araw tayo nagtatalo. Pagtimpla mo na ako ng tsaa, dali!” utos niya, wala namsn itong magawa kundi sumunod. Naiwan namang napabuntong-hininga ang ginang saka muling ininda ang kaniyang tiyan.
Unti-unti nang nagkakaedad ang ginang na si Aling Joi. Parami na nang parami ang kaniyang nararamdamang kakaiba sa kaniyang katawan at kasama na rito ang palagiang pagsakit ng kaniyang tiyan. Ngunit tila may katigasan ang kaniyang ulo dahil ayaw niyang magpatingin sa doktor. Katuwiran niya, tsaa lang daw ang katapat ng pananakit na ito.
Hindi naman nila problema ang pera dahil may magandang trabaho ang kaniyang binatang anak. Ang tanging problema lamang, ayaw nitong magpatingin katulad ng ibang nagkakaedad na may katigasan ang ulo. Mas mabuti na raw na igugol niya ang nalalabi niyang buhay sa saya nang hindi nalalaman ang kalagayan ng kaniyang kalusugan kaysa naman daw malaman niya, tapos ikakalungkot niya lamang.
Kinabukasan, katulad ng parating nararamdaman ng ginang, sumasakit na naman ang kaniyang tiyan. Ngunit tila mas matindi ngayon dahil ramdam niyang parang pinipiga na ang kaniyang kalamnan dahilan para mapasigaw na siya kahit pilit niya itong pinipigilan upang huwag mapansin ng kaniyang anak.
Ngunit pagsigaw niya, saktong dating ng kaniyang anak dahilan upang buhatin na siya nito at dalhin sa ospital kahit pa ayaw niya.
Pagdating nila sa ospital, agad na inilagay sa emergency room ang ginang. Doon nila napag-alamang malapit na pala bumagsak ang bato sa apdo nito na kung hindi maaagapan, pwedeng maapektuhan ang ibang kalamnan sa loob ng kaniyang tiyan.
Kaagad na inoperahan ang ginang, kahit pa ayaw niya, wala na siyang magawa dahil sa sakit na nararamdaman niya.
Sa kabutihang palad naman, maayos na naisagawa ang pagtanggal sa mga bato niya ngunit pati ang kaniyang apdo, tinanggal na rin ng mga doktor dahil labis na itong naapektuhan.
Isang araw lamang ang lumipas, nagising na ang ginang. Agad siyang tinanong ng kaniyang anak kung may masakit pa sa kaniya, agad naman siyang umiling-iling habang nakangiti.
Dito niya napagtantong kung hindi pa siya lubos na namilipit sa sakit, hindi niya pa malalamang nasa peligro na pala talaga ang kaniyang kalusugan. Kaya naman, labis ang kaniyang pagpapasalamat sa kaniyang anak dahil hindi siya nito tinantanan sa pangungulit na magpatingin.
“Kaya nga po, Mamang, sana maging aral po sa inyo ‘to. Hindi po pwedeng pag-ayaw niyo, ayaw niyo, lalo na kapag tungkol sa kalusugan niyo, ha? Sana po ngayon naiintindihan niyo nang mas mabuting malaman natin ang katotohanan hingil sa kalusugan niyo, kaysa masaya ka nga, hindi mo naman po alam ang kalagayan mo. Masakit man po ang katotohanang may sakit ka, mas mabuti na po yun, dahil maaagapan natin,” nakangiting tugon ng kaniyang anak habang nakahawak sa kaniyang mga kamay saka siya niyakap nang mahigpit.
Hindi nagtagal, nakalabas na rin sa ospital ang ginang. Labis ang kaniyang saya dahil hindi na muling sumasakit ang kaniyang tiyan.
Tila natuto na siya dahil kada may nararamdaman siyang kakaiba, siya na mismo ang nagsasabi sa kaniyang anak na dalhin siya sa ospital upang makasigurado.
Mas gusto niya na ngayong malaman ang katotohanan kaysa mapanatag nang hindi nalalaman ang kalagayan ng kaniyang kalusugan.
Totoong masakit malaman ang katotohanan, ngunit mas masakit kung sa huli mo na ito matutuklasan. Maging wais sa pagpili ng desisyon dahil kada desisyon mo, maaaring magdala sa iyo sa hukay.