Pinili ng Lalaking Ito na Mamalimos Kaysa Magtrabaho; Isang Batang may Diperensya pa ang Babago sa Kaniyang Pananaw

“Palimos, mga ate at kuya, pangkain lang!” anang dalawampu’t isang taong gulang na lalaking nagngangalang Randel, habang nakalahad ang kaniyang palad sa labas ng simbahang iyon.

Ngunit maya-maya lang ay napailing siya. Napakatumal ng kita niya ngayon dahil mas marami siyang karibal kapag ganitong panahon. Nagkalat kasi ang mga paslit o hindi kaya’y mga uugod-ugod nang matanda sa tuwing malapit na ang Pasko, lalo na at dumarami rin ang tao sa simbahan.

“Ang laki-laki ng katawan, ayaw magtrabaho,” dinig niyang komento ng isa sa mga naparaan ngunit mas piniling magbingi-bingihan ni Randel.

“E, sa mas madali ang trabahong ito, e,” naiinis pang bulong niya sa sarili.

Buong buhay kasi ni Randel ay lumaki siyang ito na ang kanilang hanapbuhay. Dito kasi siya iminulat ng kaniyang yumaong mga magulang, kaya naman ito na rin ang ipinangbubuhay niya sa sarili ngayon.

Sa totoo lang, si Randel ay nakatapos naman ng hayskul ngunit talaga nga lang wala siyang ganang humanap ng matinong trabaho. Para sa kaniya, basta’t nakakakain siya ng tatlong beses sa isang araw ay ayos na iyon. Wala siyang pakialam kahit pa sabihin ng iba na katamaran ang tawag sa pinaiiral niyang kaisipan, dahil alam niya sa sarili niya na totoo naman iyon.

Gabi na, at napapakamot sa ulo si Randel. Muli niyang binilang ang halaga ang baryang naipon niya sa maghapon at ni hindi man lang iyon umabot ng bente pesos.

“Siguro dapat, lumipat na muna ako ng lugar na pagpapalimusan. Napakahirap dito, e. Ang daming kakumpitensya!” naiinis pang aniya sa sarili habang nakaupo sa isa sa mga batong pahingahan sa labas ng simbahan at pinagmamasdan ang mga batang tiyak niyang nakakarami na ng nahihinging limos ngayon. Hindi niya tuloy maiwasang makadama ng inggit sa mga batang iyon.

Advertisement

“Balot, penoy, mani!”

“Balot, penoy, mani!”

Narinig ni Randel ang matinis na pagsigaw ng isang maliit na boses na iyon, kaya naman agad siyang napalingon sa direksyon nito. Doon ay nakita niya ang isang batang paslit na may bitbit na basket ng mga paninda sa kanang kamay nito, habang sa kaliwa naman ay hawak-hawak nito ang kaniyang saklay.

“Balot, penoy, mani!” anang nasabing bata bago ito mabagal na naupo sa tabi ni Randel, na ngayon ay halos mapanganga naman dahil sa nakikitang sitwasyon ng nasabing bata.

Paano kasi ay putol ang isang paa nito, bukod pa sa may diperensya rin ang kanang kamay nitong mas maiksi kaysa sa kabila!

“Manong, bibili ka ba?” Napamulagat si Randel nang tanungin siya ng naturang bata. Tila nailang ito dahil sa paraan ng pagtitig niya kaya naman agad siyang nakaramdam ng hiya.

“N-naku, hindi. Kulang ang pera ko,” sagot naman niya.

“E, mukhang gutom ka, manong. Kanina mo pa ako tinititigan,” sabi pa ng bata kay Randel. Nakita niyang may dinukot ito mula sa dala nitong basket, bago iyon iniabot sa kaniya. “Kainin nʼyo na po itong tinapay. Natira ko ʼyan kanina noong naghapunan ako,” dugtong pa nito nang nakangiti.

Advertisement

Biglang nahiya si Randel, ngunit dahil hindi niya kayang pigilan ang pagkalam ng kaniyang sikmura ay tinanggap niya iyon. “Salamat,” aniya.

Habang kinakain ni Randel ang tinapay na ibinigay ng bata ay hindi niya naiwasang tanungin ito. “Hindi ka ba nahihirapan? May kapansanan ka, pero nagtatrabaho ka.”

Natawa naman ang bata sa sinabi niya. “Sa hirap ng buhay ngayon, manong, walang puwang ang katamaran kahit sa mga katulad kong may kapansanan,” direktang sabi naman nito. “Isa pa, kaya ko naman. May kapansanan lang ako, pero hindi ako baldado. Kulang lang ang paa ko, pero may paraan naman para makalakad ako. Maliit ang isang kamay ko, pero nakakahawak naman ito. Walang dahilan para tamarin ako, manong. Lalo na at mataas ang pangarap ko sa buhay,” sabi pa ng bata na sa tantiya ni Randel ay nasa labing isang taong gulang lamang, ngunit pakiramdam niya ay nakikipag-usap siya sa mas matanda pa sa kaniya.

Biglang nanliit sa sarili niya si Randel. Nahiya siya. Paano’y siya itong buo at malakas ang katawan kung tutuusin, pagkatapos ay may pinag-aralan naman siya, ngunit tila walang laman ang kukote niya kundi pagpapakatamad sa araw-araw!

Halos hindi makatingin si Randel sa batang napag-alaman niyang Ed ang pangalan, dahil pakiramdam niya’y sinampal siya nito nang kaliwa’t kanan.

Hindi akalain ni Randel na pagkalipas ng mahabang panahong pagiging istambay niya ay matatauhan pa siya, dahil lang sa isang batang bagama’t may kapansanan ay marunong magsikap sa buhay. Tuloy ay naengganyo siyang magbago.

Nang gabing iyon, dali-daling umuwi si Randel sa kaniyang bahay, sa ilalim ng tulay, at sinimulang asikasuhin ang mga requirements niyang matagal nang nakatengga lang doon. Bukas na bukas din ay binabalak niyang maghanap ng trabaho, at ipinangako niya sa sarili na oras na makahanap siya ay tutulungan niya ang batang si Ed sa pag-aaral nito.

Pagkalipas lang ng ilang buwan, malaki na ang naging pagbabago kay Randel, at iyon ay dahil sa inspirasyong hatid ni Ed. Tinupad naman ni Randel ang pangako niya rito bilang pagtanaw ng kaniyang utang na loob.