Taong 2010 nang makipagsalaran ang ina ni Janeth noon na si Aling Nita sa ibang bansa bilang katulong sa Middle East. Kinailangan niyang gawin iyon dahil sa hirap ng buhay at matinding pangangailangan.
“Bakit kailangan pang umalis ni nanay? Bakit iiwanan niya kami gayong mga bata pa kami at maliliit pa ang kapatid ko?” mga katanungan sa isip ni Janeth.
Apat silang magkakapatid at siya ang panganay. 14 na taong gulang pa lamang siya, 11 na taong gulang ang sumunod, 6 na taon ang pangatlo ay 2 taon naman ang bunso. Tila ba unti-unti pinipiga ang kaniyang puso habang papalapit ang araw kung saan nakatakdang lumipad ang kanyang ina upang mangibang bansa.
“Aba, Janeth, ano ito? Bakit sinunog mo ang kalendaryo natin?” tanong ni Aling Nita sa anak.
“Baka sakaling makalimutan niyo kasi ang petsa ‘nay… baka hindi na kasi kayo tumuloy pag nakalimutan niyo…” umiiyak na tugon ni Janeth.
“Ikaw talagang bata ka. Halika nga rito,” pagtawag naman ng ginang at saka yumakap ng mahigpit sa anak.
Halos araw-araw ay walang mintis na nagmamakaawa si Janeth sa kaniyang ina na huwag na lamang umalis, ngunit naging matigas si Aling Nita, pinandigan niya ang desisyong umalis. Alam nilang masakit rin ito para sa ginang, subalit hindi kakasya ang barya-barya kinikita lamang ng padre de pamilya sa pamamasada ng padyak, at ang pagsa-sideline ni Aling Nita sa pagtitinda ng mga punda ng unan at kama.
Habang nakahiga isang gabi, dinig na dinig mula sa kabilang pader na yari sa kahoy ang usapan ng mag-asawa.
“Mamayang alas tres ng madaling araw ang alis ko. Hihintayin ko lamang matulog ang mga bata, at saka ako aalis. Alagaan mong mabuti ang mga anak natin ha? ‘Wag mo silang papabayaan. Para sa inyo ang lahat ng ito,” may lungkot sa boses na paalala ng ginang.
“Sigurado ka ba na ayaw mong magpaalam sa mga bata? Labis silang malulungkot,” sagot naman ng lalaki.
“Baka hindi ko kayanin na umalis kapag makita ko silang umiiyak. Mabuti na ito, habang kaya ko pa,” buong desisyong sagot ni Aling Nita.
Narinig ito ni Janeth. Kaya’t kahit na antok na antok na’y pinilit niyang gumising para maabutan ang ina.
“Nay!” puno ng luhang tawag ng dalagita.
“Janeth, anak, bakit gising ka pa? Akala ko tulog na kayo?”gulat na tanong naman ni Aling Nita.
“Papayag na po ako umalis kayo, basta payagan niyo po akong sumama paghatid sa inyo, please ‘nay?” pagmamakakaawa ni Janeth.
Wala silang ibang magawa kundi ang isama sa paghahatid ang dalagita. Isang maramdaming tagpo ang naganap bago sila tuluyang nakapagpaalam.
“Nay… baka pwedeng ‘wag ka nang umalis? Please?” pagmamakakaawa ni Janeth sa ina.
“Gustuhin ko man na hindi, pero para sa ikagaganda ng kinabukasan ninyo ito. Basta alagaan mo ang mga kapatid mo ha? ‘Wag mo silang pababayaan, pati na si tatay mo. Ilang tulog lang, nandyan na akong muli. Mahal na mahal kayo ni nanay,” sabay yumakap ng mahigpit ang ginang, dahilan para pumatak ang kanilang mga luha.
“Nay…” muling pagtawag ni Janeth. Subalit hindi na lumingon si Aling Nita. Hindi na niya kakayanin pang umalis kapag nakita niya ang malungkot na mata ng mag-ama. Kaya’t dire-diretso siyang pumasok sa entrance ng airport.
Pagkauwi’y patuloy pa rin ang pagluha ni Janeth. Nakaupo lamang siya sa isang sulok. Minamasdan ang mga kapatid habang ang mga ito’y nahihimbing. Paano nga ba niya ipapaliwanag sa mga ito na umalis na ang kanilang nanay?
Hanggang sa pagbukang-liwayway, tuloy-tuloy pa rin ang pagluha ng dalagita. Hindi siya sanay na wala ang kaniyang nanay sa bahay. Wala nang nagluluto ng almusal at naghahanda ng pagkakainan, wala nang nag-aasikaso at nanggising sa kanila. Pati na ang kanilang bunsong kapatid ay walang humpay sa pag-iyak, dahil hinahanap ang kanilang ina.
Kailangan nilang maging matatag. Kailangan ni Janeth maging matapang bilang panganay. Pinagsabay niya ang pag aaral at pag aalaga sa bunso nilang kapatid. Sa umaga siya ang nag-aalaga. Ang tatay naman niya ay patuloy sa pamamasada. Umaga ito umaalis at gabi na nakakauwi sa bahay. Nag-iiwan na lamang ito ng pera sa lamesa pang-budget nila sa pagkain at baon sa paaralan.
Habang lumilipas ang mga araw, nasasanay na silang wala ang kanilang nanay sa tabi. Pero hindi pa rin maiwasan na malungkot sa tuwing naiisip nila ito.
Tatlo o apat na beses lamang sa isang buwan kung tumawag si Aling Nita. Tuwang-tuwa at sabik na sabik sila na marinig ang kaniyang boses, yung tipong ayaw na nilang ibaba ang telepono.
Tuwing family day sa school hindi na sumasama si Janeth, dahil kulang naman ang miyembro ng kanilang pamilya. Tuwing may meeting at kuhaan ng card, siya na rin mismo ang uma-attend dahil wala naman naman siyang madalang magulang. Yung mga kaklase niya, kasama nila ang nanay o tatay nila. Nakakainggit kaya sabi niya sa sarili, “lalo akong magpupursigi sa pag-aaral para hindi na kailangang magtrabaho ni nanay sa ibang bansa.”
Nagtapos si Janeth ng hayskul na valedictorian, pero hindi pa rin nakauwi ang kaniyang nanay, dahil hindi pa tapos ang kontrata nito at hindi rin pinayagan ng kanyang amo. Masaya pa rin siya dahil nandiyan naman ang kanyang ama. Tumawag si si Aling Nita sa telepono, tuwang-tuwa at binati nito ang anak. Kumain sila sa labas kasama ang kanilang mga kapatid para magdiwang. Isang bagong laptop naman ang handog sa kanya ng ama’t ina.
“Sabi ng nanay mo, para raw may magamit ka kapag nagkolehiyo ka na,” nakangiting iniabot ng lalaki sa kanyang anak ang isang malaking box na may lamang laptop.
“Maraming salamat po sa inyo ni nanay, tay…” maluha-luhang sabi ni Janeth sa sobrang saya.
Pinag-aral ni Aling Nita si Janeth ng kolehiyo at sinuportahan sa gusto nitong kurso na Accountancy. Sabi nito, “hindi raw siya titigil sa pagtatrabaho hanggat hindi niya nagpatatapos ng pag-aaral ang mga anak.”
Mahal at magastos ang magpa-aral ng kolehiyo. Nag-aral ng mabuti si Janeth upang kahit papaano ay mabawasan ang pagod at hirap ng mga magulang sa pagtratrabaho. Masipag siyang mag-aral, simula 1st year hanggang 5th year college, kahit masama ang pakiramdam, pinipilit niyang pumasok upang hindi lumiban sa klase.
Maraming problema ang dumating habang siya’y nag-aaral. Dumating pa nga sa puntong titigil na sana siya sa pag-aral, pero inisip niya ang mga pangarap at nagdasal sa Diyos na sana’y malagpasan niya ito. Sa awa ng Diyos, taong 2016, natupad ang pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral.
Sabik na umakyat sa entablado noon si Janeth. May malaking ngiti siyang dala-dala habang nakatingin sa amang nanonood. Ngunit isang tao ang pumukaw ng kaniyang atensyon. Isang pamilyar na mukha ang nahagip ng kanyang mata mula sa malayo.
Pagkababa ng entablado, nagmadali siyang naglakad patungo sa direksyong tinitingnan kani-kanina lang.
“N-nay?” nauutal na tanong ni Janeth.
“Anak ko… dalagang-dalaga na ang anak ko,” biglang bumuhos ang luha ni Aling Nita.
“Para sa inyo ang lahat ng ito, nay. Miss na miss kita, nanay!” halos napasigaw ni si Janeth sa sobrang kasabikan. Mahigpit na yakap naman ang binigay niya sa inang ngayon lang nakita matapos ang anim na taon.
Pagkatapos ng graduation, kumain sila sa isang restawran, nagbonding, kumuha ng mga litrato, pakiramdam nila’y tila ba sila lang ang tao sa paligid dahil sa tagal ng panahon namuli silang nagkasama-sama.
Habang nasa kwarto, nakayakap si Janeth sa kanyang ina. Pilit nilang pinupunan ang mga taon na naubos nang hindi kompleto. Matapos ang animm buwan, pumasa sa CPA board exam si Janeth.
Sa airport, tulad ng dati, muli silang magkakasama, ngunit sa pagkakataong ito, iba ang scenario.
“Mag-iingat ka doon ha? Lagi kang tatawag okay?” naiiyak na sabi ni Aling Nita.
“Opo, ‘nay. Ngayon, ako naman po ang aalis. Ako naman po ang magbibigay sa inyo ng kaginahawaan. Narito ako ngayon, dahil sa tatag ng loob at pagsusumikap ninyo, ako naman ang babawi, nay. I love you!” isang mahigpit na yakap ang binigay ni Janeth sa kanyang mga magulang at kapatid.
Naglakad papasok si Janeth sa airport. Magkahalong lungkot at pagkasabik ang nadarama niya. Panibagong yugto para sa kanilang buhay.
“Janeth, anak…” pagtawag ni Aling Nita. Tumigil pansamantala si Janeth at saka lumingon, “mahal na mahal ka ni nanay!” kumakaway na sabi ng ginang.
“I love you, ‘nay!” nakangiting tugon naman ng dalaga.
Doon nagbago ng tuluyan ang kanilang buhay. Simula sa pagiging simpleng empleyado, naging operations manager na si Janeth sa kompanyang pinagtratrabahuhan sa Singapore. Napagtapos na niya ang dalawang kapatid, habang iniintay ma makatapos din ang bunso.
Naipagawa na niya ang kanilang bahay at napagtayo ng negosyo ang mga magulang.
Tunay ngang ang maginhawa at magandang buhay at hindi nakukuha sa isang iglap lamang. Minsan, darating tayo sa pagkakataong ibaba tayo ng sobra, masasaktan, iiyak, at mahihirapan. Pero maging matatag lamang tayo at magkaroon ng lakas ng loob ng suungin ang anumang pagsubok, dahil sa dulo ng lahat ng ito, naghihintay ang tagumpay na ating inaasam-asam.