
Hanggang Saan ang Pagiging Ina?
Hindi na magkandaugaga si Aling Selya sa kaliwa’t kanan niyang trabaho. Bukod kasi sa pagiging plantsadora niya at labandera, minsan ay umeekstra din siya sa paglalako ng mga gulay, biko o kahit anong pwedeng itinda. Bukod pa dito ay nagiging utusan din siya sa kanilang lugar kapalit ng kakarampot na salapi.
Wala naman din siyang magawa sapagkat kung hindi siya kikilos ay hindi niya mapapaaral ang kanyang anak na nasa hayskul na at mapapagatas ang dalawang anak na mga bata pa. Lulong kasi sa ipinagbabawal na gamot ang kanyang asawa kaya ito nakulong. Mas minabuti na rin ng ginang na makipaghiwalay dito upang mas maging maagan ang kanilang pamumuhay.
“Selya! Halika nga rito at bilhan mo nga kami ng kalahating sakong bigas sa may palengke. Ito ang pitong daan. Kuhain mo dito ang pamasahe mo at ang sukli ay sa iyo na,” utos ng isang kapitbahay. Dali-dali namang sumunod si Aling Selya na agad itinigil ang kanyang paglalaba upang makapunta sa palengke.
Upang makatipid ay nilakad niya ang papunta sa palengke saka binuhat ang kalahating kaban ng bigas at isinakay sa pedicab. Papasok ng kanilang eskinita ay binuhat na niya ito. Hindi niya alintana ang lahat ng ito dahil kailangan ay may mailaman siya sa kanyang sikmura.
May natirang isang daan at limangpung piso. Agad niyang tinawag ang kanyang panganay na anak na si Mildred. “Anak, ito ang isang daang piso na hinihingi mo sa akin kahapon para sa proyekto mo sa paaralan. Bilhin mo na ang kailangan mo agad para wala ka nang iintindihin pa,” saad ni ginang.
Napangiti naman ang dalaga. “Sige, nay! Bukas pagpasok sa paaralan ay ibibili ko agad. Salamat po!” tuwang-tuwang wika ni Mildred.
Ngunit taliwas sa pagkakaalam ni Aling Selya, hindi na pala pumapasok itong si Mildred. Nabarkada ito at ang perang hinihingi nito sa kanyang ina ay iniaambag lamang niya sa mga kaibigan upang may pang-inom sila ng alak. Ang malala pa dito ay natututo na unti-unti si Mildred na gumamit ng ipinagbabawal na g*mot dahil na rin sa impluwensya ng kanyang mga kaibigan.
“Subsob ka na masyado sa trabaho, Selya. Nasaan ba ang panganay mo?” sambit ng isang kapitbahay habang nakikita niya si Aling selya na halos hatiin na ang kanyang katawan sa pag-aalaga sa mga malilit pa nitong anak pati sa paglalabada.
“Gumagawa ng proyekto sa eskwela. Kaya ko naman ito, mare. Mas kailangan ni Mildred na pagtuunan ang pag-aaral niya nang sa gayon ay hindi ganitong buhay ang sapitin niya. Tingnan mo ako, wala akong pinag-aralan, nakapangasawa ng ad*k. Gusto ko maiba ang takbo ng buhay niya. At kung may pinag-aralan siya, mas madali niya itong makakamtan,” tugon ng ginang.
“Bantayan mo din ‘yang dalaga mo. Nakita ko at madalas ang pagsama sa anak ni Belen. Eh hindi ba, nabalitang ang kasintahan daw noon ay isang ad*k din? Baka mamaya ay maimpluwensyahan ang anak mo!” pag-aaalala ng kumare nito.
“Matalinong bata si Mildred. Hindi ako nagkulang ng pangaral sa batang iyon. Pero salamat sa pag-aalala mo, mare,” sambit ni Aling Selya.
Nang kinagabihan ay inabutan ni Mildred ang kanyang ina na matamis ang ngiti na nakatingin sa kalendaryo.
“O, anak, nariyan ka na pala. Kumain ka muna ng hapunan. Kamusta ‘yung proyekto na ginagawa nyo? Matatapos na ba?” tuloy-tuloy na pagtatanong ng ina.
Matipid naman ang naging sagot ni Midred. “Oo ‘nay. Matutulog na po ako.”
“Kumain ka na muna, anak,” magiliw na paanyaya ng ina.
“Kanina pa po kayo nakatingin sa kalendaryo, ‘nay. Ano po bang tinitignan n’yo riyan?” pagtataka ng dalaga.
“Wala naman, anak. Isang buwan na lang kasi ay matatapos ka na sa hayskul. Ang sabi ng kapitan natin ay mabibigyan ka daw ng iskolarsyip sa kolehiyo. Matutupad na ang pangarap kong maiba ang buhay mo,” masayang tugon ni Aling Selya.
Ni hindi na nakaimik pa si Mildred. Ni hindi siya makatingin ng deretso sa kanyang ina. Gusto man ni Mildred ang magbago dahil nakukunsensya na siya ngunit hindi niya malabanan ang paghahangad sa alak at sa bawal na gamot.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay may nakapagsumbong kay Aling Selya ng mga nangyayaring ito kay Mildred. Hindi makapaniwala ang ginang na ganito din pala ang sasapitin ng kanyang anak sa kabila ng kanyang mga sakripisyo.
“Bakit mo nagawa ito, Mildred? Saan ako nagkulang. Ginagawa ko ang lahat para mapakain kayo sa tamang paraan. Hindi pa ba sapat? Hindi ko gustong manumbat sapagkat ako ang ina nyo pero bilang anak ay sana ginawa mo ang dapat mong gawin. Mahirap na nga tayo pinili mo pa ang ganyan. Saan ako nagkulang sa paalala sa’yo, anak? Saan?” halos hindi na makahinga pa si Aling Selya sa pagsigaw sa kanyang anak. Sa kanyang gigil ay halos pagbuhatan na niya ito ng kamay.
Ngunit dahil sa pagmamahal niya sa kanyang anak ay nagawa niya itong mapatawad at bigyan ng isa pang pagkakataon ngunit mas matindi ang tawag ng pangangailangan ni Mildred sa kanyang mga bisyo. Kahit anong gawin ni Aling Selya na ilayo siya sa kanyang masamang gawain ay hindi ito kaya ng dalaga.
Hanggang isang araw ay nalaman na lamang ni Aling Selya nabuntis si Mildred at ipinalaglag niya ito. Dito na napagbuhatan ng ginang ang kanyang anak.
“Wala ka na bang kunsensya, Mildred? Paano mo nagawa ang ganoong bagay? Ano bang kademonyohan na ang bumabalot sa katawan mo?! Kailan ka ba magbabago? Pagod na pagod na ako sa’yo, Mildred!” sambit ni Aling Selya habang patuloy ang pag-iyak.
“Pabayaan mo na kasi ako! Buhay ko naman ‘to! Buhay n’yo ba ang sinisira ko, ha? Kung pinababayaan mo na lang kasi ako, ‘di sana ay wala kang sakit ng ulo ngayon! Saka tigilan mo nga ako sa mga sinasabi mo na parang napakabuti mong ina. Kung mabuti kang ina, hindi mo bibigyan ng ganitong buhay ang mga anak mo! Dinamay mo kami sa kamalasan mo!” pabalang na sagot ni Mildred sa kanyang ina.
Isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ng dalaga. Dito ay tuluyan na niyang nilisan ang kaniyang ina at dalawang kapatid.
Ilang buwan na rin ang nakalilipas at wala ng balita si Aling Selya sa kanyang panganay. Ngunit hindi pa rin niya maiwasan ang pag-aalala rito. Walang oras na hindi siya nanalangin na sana isang araw ay buksan ng Panginoon ang isipan ng kanyang anak at ibalik ito sa tama.
Hanggang isang gabi, malakas ang ulan sa labas ngunit dinig na dinig ang katok sa kanilang barung-barong. Agad binuksan ni Aling Selya ang pinto at nakita niya ang kanyang anak na basang-basa ng ulan. Dahil sa pag-aalala ay agad niyang pinapasok ang anak.
“Ano ang nangyari sa’yo. Ano ‘yang mga pula na ‘yan? Dugo ba ‘yan, Mildred?” nerbyos ng ina. “May sugat ka ba, anak?” Halos hindi na malaman ni Aling Selya ang gagawin sa kanyang pagkataranta.
Takot at iyak ang naging tugon ni Mildred. “‘Nay itago n’yo ako. Itago nyo ako, ‘nay. Ayoko makulong!” ngawa ng anak.
“Anong ibig mong sabihin, anak?” nangangatal na tanong ni Aling Selya.
“May nap*tay ako, ‘nay. Pinasok namin ang isang bahay para kumuha ng gamit. Hindi ko alam na may tao pala. Ayoko makulong kaya inundayan ko ng s*ksak ang matandang naroon. ‘Nay, magbabago na ako! Nagmamakaawa ako sa inyo, itago n’yo ako. Sabihin nyo sa mga pulis na narito lamang ako. Tulungan nyo ako, ‘nay!” walang tigil sa pakikiusap at pag-iyak si Mildred.
“Huminahon ka anak. Tuyuin mo ang sarili mo. Maligo ka at magpalit ng damit. Ako na ang bahala,” pinipilit ni Aling Selya na maging mahinahon.
Sinunod ni Mildred ang sinabi ng ina. At tulad ng inaasahan ay nagtungo sa kanila ang mga pulis. Agad tinuyo ni Mildred ang kanyang sarili at nagbihis ng ayos. Lumabas siya ng silid ng tila walang nangyari. Malakas ang kanyang loob na pagtatakpan siya ng kanyang ina.
Paglabas niya ay nakita niya ang ina na kalmado habang kausap ang mga pulis. Nakahinga na siya ng maluwag sapagkat alam niyang mamaya ay aalis na rin ang mga ito. Salamat sa kanyang ina.
Malumanay siyang tinawag ni Aling Selya. “Anak, halika dito. May sasabihin lang daw ang mga pulis.”
Pigil man ay lumapit na rin si Mildred. Laking gulat niya ng sabihin na sa kanya ng mga kapulisan ang kanilang litanya habang siya ay pinoposasan.
“Anong ibig sabihin nito, ‘nay? Akala ko ba ay tutulungan nyo ako? ‘Nay! ‘Nay! Bakit ganito?” halos lumawit ang dila ni Mildred sa pagsigaw. Hindi siya makapaniwala na inamin ni Aling Selya ang lahat sa mga pulis at ipinadampot siya nito.
“Anak, mahal kita. Naniniwala ako na kung ikaw ay matuturuan ng leksyon at mailalayo sa mga nakakasama mo ay magbabago ka. Kailangan mong pagbayaran ang lahat ng nagawa mong kamalian. Masakit man ito sa akin ngunit ito ang tama. Sana sa loob ng kulungan ay makita mo si Kristo at tuluyan mo ng kalimutan ang lahat ng maling gawain mo,” umiiyak na sambit ni Aling Selya.
Lubusan ang galit na nadarama ni Mildred sa pagsusuplong sa kanya ng kaniyang ina. Hindi niya matanggap ang pangyayaring ito. Ngunit ilang taon ang lumipas at unti-unting napagtanto ni Mildred ang kanyang mga nagawa. Sa loob ng kulungan ay nakita niya ang kahalagahan ng buhay. Nakilala niya dito si Kristo at unti-unti na niyang isinuko ang sarili upang maitama ang kanyang buhay.
Mahirap man para kay Aling Selya na makita ang anak sa likod ng selda ay malaki ang tiwala niya na isang araw ay magbabago rin ang takbo ng kaniyang isipan at mabubuhay ito sa tama.