Inday TrendingInday Trending
Magtiwala Ka Lang

Magtiwala Ka Lang

“Huwag ka nang malungkot Anna, baka hindi pa sila ang itinalaga ng Diyos para maging bago mong mga magulang. Manalig ka lang at darating din sila para kunin at ampunin ka. Huwag kang mawawalan ng pag-asa,” malumanay na pahayag ni Sister Amy sa batang si Anna. Hindi na naman kasi ito napili ng bagong mag-asawa na pumunta sa bahay-ampunan.

Parating ganun ang nangyayari kay Anna. Isa parati ito sa pinagpipiliang ampunin, pero sa huli ay iba din pala ang kukunin. Sa bahay ampunan na lumaki si Anna. Ang sabi nila sa kanya ay iniwan siya doon ng kanyang ina ilang araw palang simula ng siya ay lumabas sa sinapupunan nito.

Wala mang pangakong narinig ay gustong maniwala ni Anna na babalikan siya ng ina at kukunin. Hindi naman na ayaw niya sa bahay amponan, sa totoo pa nga ay gusto niya ang lugar kasi ito na ang kanyang kinalakihang tahanan. Mababait rin ang mga tao roon, lalong lalo na si Sister Amy. Ngunit ganunpaman, ay hiling niya parin gabi-gabi at sa bawat panalagin niya sa Diyos na sana ay makapiling niya na ang kanyang tunay na ina.

“Okay lang po ako sister,” pilit na ngumiti si Anna kay Sister Amy, “punta na po muna ako sa library sister at hindi ko pa po pala natatapos iyong binabasa ko kahapon,” ani Anna bago iniwan si Sister Amy at nagtungo sa library na katabi lamang ng kombento.

Isang mabait na bata si Anna. Buong buhay niya ay nasa bahay ampunan siya. Ito na ang kanyang kinalakihang tahanan at lahat ng naroon ay siya nang kanyang pamilya.

Noong una, kahit na may mga gustong umampon kay Anna ay ayaw niyang sumama. Nagbabakasakali kasi siyang baka balikan pa siya ng kanyang tunay na ina. Bawat taon na dumaraan ay parating bigo si Anna. Hanggang sa isang araw, napagtanto ni Anna na baka nga wala na talagang intensyon ang kanyang tunay na ina na kunin. Mukhang tuluyan na talaga siya nitong inabandona.

Kalimitan ay mas gusto ng mga mag-asawang gustong mag-ampon ng maliit na bata kaysa doon sa medyo may edad na. Para nga naman mas ituring silang tunay na magulang ng magiging anak nila. Isa iyon sa dahilan kung bakit madalas ay hindi na napipili si Anna. Dahil mas maraming ng mas nakababata sa kanya sa bahay ampunan.

Hindi nawalan ng lakas ng loob si Anna. Patuloy siyang lumaban sa buhay. Madalas man mabigo sa paghahanap ng magiging bagong mga magulang at pamilya ay hindi niya naman pinabayaan ang kanyang pag-aaral at mga responsibilidad sa kumbento.

Mabilis na lumipas ang mga taon at nakapagtapos na ng high school si Anna. Hindi man pinalad na maampon ay pinapanatili pa rin ng dalaga ang kanyang tiwala sa plano ng Diyos sa kanyang buhay. Sa araw ng kanyang pagtatapos ay may isang hindi inaasahang bisita ang dalaga.

“Anna, mayroon kang bisita,” nakangiting saad ni Sister Amy sa dalagita. Agad din namang pinuntahan ni Anna ang kanyang bisita. Hindi alam ng dalaga kung bakit sobrang lakas ng pintig ng kanyang puso.

Natanaw naman agad ni Anna ang isang babaeng sobrang ganda. May maputing balat ito at mahabang itim na buhok. Matangos din ang ilong at may mapupulang labi. Mga katangiang taglay din ng dalaga. Napangiti naman agad ang babae ng masilayan ang dalaga. Mabilis itong tumayo at niyakap siya ng mahigpit.

“Anak ko, patawarin mo ako kung ngayon lang ako nakarating. Magpapaliwanag ako,” naluluhang sambit ng babae kay Anna. Ramdam niya ang labis na pangungulila sa boses ng babae.

Hindi maipaliwanag ni Anna ang kanyang nararamdaman. Sa dami ng damdaming sabay-sabay niyang nararamdaman sa mga oras na iyon ay mas nangibabaw pa rin ang saya at pananabik ni Anna sa kanyang ina.

“Kayo po ba ang aking ina?” tanong ng dalaga sa babae. Ngumiti naman ang babae at tumango sa kanya. Bigla namang dumaloy ang mga luha sa mga mata ng dalaga. Kaytagal niyang hinintay ang sandaling ito.

“Hindi niyo na po kailangan magpaliwanag o humingi pa ng paumanhin ‘Nay, ang importante ay narito na kayo ngayon at binalikan niyo na ako. Kung inaakala niyong galit ako ay nagkakamali po kayo, ang totoo ay sobrang nagpapasalamat po ako sa inyo. Dahil matagal man kayong nawala ay alam kong ni minsan ay hindi niya naman ako nakalimutan. Maraming salamat po ‘Nay, mahal na mahal po kita,” buong pusong saad ni Anna sa ina. Sobrang dami niyang gustong sabihin sa ina pero sa ngayon, ay ito na muna.

“Mahal na mahal din kita anak. Salamat sa Diyos at lumaki ka ng maayos kahit na nasa malayo ako. Salamat sa Diyos,” nakatingalang sambit ng ina ni Anna. Nakatingin ito sa langit na tila ba nagpapasalamat din sa Maykapal dahil sa lumaking maayos ang kanyang anak.

Bata pa nang nabuntis at nanganak ang ina ni Anna kaya wala itong ibang naisip na paraan para mabuhay si Anna kundi ang iwanan sa bahay ampunan. Nangakong babalik sa oras na kaya niya ng buhayin ang sarili at ang anak. Naswertehan naman ito at nakahanap ng trabaho sa abroad. Ilang taon lamang ang kontrata nito ngunit may mga hindi inaasahanang pangyayari kaya mas tumagal pa ito bago makauwi ng Pilipinas para makuha ang anak.

Kaytagal nilang parehong hinintay ang panahon na muling magkakasama. Totoo ngang lahat ng nangyayari sa buhay natin ay nasa plano ng Panginoon para sa atin. Mabuti na lamang at patuloy na nanalig si Anna at hindi nawalan ng tiwala sa Diyos. Ngayon ay masaya na sila ng kanyang ina na magkasama sa buhay, at kahit kailan ay hindi na magkakahiwalay pang muli.

Advertisement