
Sa Murang Edad ay Batak na sa Trabaho ang Katawan ng Babae; Grabeng Tagumpay Pala ang Malalasap Niya Dahil Dito
“Noong araw galing tayo sa mayamang angkan! Nagmamay-ari rin tayo ng ekta-ektaryang mga lupain na natataniman ng samu’t saring mga punong namumunga at iba’t ibang uri ng mga halamang namumunga. Mayroon din paalagaan ng mga hayop at mansyon,” istoryang palaging naririnig ni Cecil noon.
Tila ba isang malaking kwento o naging parte na lamang ng nakaraan kung nangyari man ito, dahil habang lumalaki si Cecil ay hindi man lang niya naranasan ang maginhawang buhay.
Laging sinasabi sa kaniya ng ama na buhay prinsesa raw sana siya, pero ang totoo, kabaligtaran ang nagaganap sa buhay niya.
Grade 2 pa lamang ay tumulong na siya sa ina na magbenta ng mga lutong pagkain sa tapat ng paaralan. Alas kuwatro ng umaga kung sila’y gumising, kung minsan nga ay mas maaga pa para lamang makapaghanda ng ibebenta.
Silang magkakapatid ang nakatoka sa pagtutusok ng stick sa saging para sa ibebenta nilang banana cue. Minsan naman ay taga-balot ng saging at karne para sa turon at lumpiang ilalako.
Kapag antok na antok pa’y hindi maiwasan matusok nila ang sarili o kaya nama’y mapaso sa kawaling paglulutuan. Madalas sila rin ang taga-balot ng pancit bihon, canton, palabok at spaghetti na ibebenta pang umagahan.
Hindi rin makalimutan ni Cecil nang minsan sumakit ang likod at braso nang magbuhat ng malaking ice box na puno ng ice candy na ilalako. Ganoon ang halos araw-araw nilang diskarte upang makaraos sa buhay.
Naalala pa noon ni Cecil, dala ng sobrang pagod ay hindi sinasadyang natabig niya ang malaking lagayan na naglalaman ng ilalakong spaghetti.
“Nako po! Lagot ako nito kay nanay,” pag-aalala ni Cecil.
Dahil sa sobrang takot na mapagalitan ng ina, nagmamadali niyang sinandok at ipinilastik ang mga nahulog spaghetti at saka ibinenta.
“Ikaw na bata ka! Halika nga rito!” galit na galit na sigaw ng ina ni Cecil habang hila-hila ang tenga nito.
“Nay, masakit po! Aray ko po, ‘nay!” iyak naman ni Cecil.
“Ano bang ginawa mo sa spaghetti at ang daming nagrereklamo na puro lupa?!”
Hindi makaimik si Cecil. Kaya pinalo siya ng ina. Mas lalo pang pinalo nang malaman ang ginawa ng bata.
“Diyos ko! Lalasunin mo pa ang mga tao sa ginawa mo. Sa susunod na maulit ito, ipapaubos ko sa’yo yung sinayang mo at saka kita ibebenta sa nangunguha ng bata!” pananakot naman ng ginang.
Sa murang edad ay tagtag na ang katawan ni Cecil sa kakatrabaho. Pagod na ang katawan sa pagtulong, pagod pa ang utak sa eskwela.
“Nay, baka naman pwedeng tanghali naman kami gumising. Lagi na lamang po kasi na maaga kami kung bumangon e,” reklamo pa ng bata.
“Kung tinatamad ka nang tumulong, pwede mo nang hakutin palabas ang mga gamit mo at mamuhay nang mag-isa,” sarkastikong tugon naman ng ina ng bata.
Inggit na inggit si Cecil sa ibang mga bata noon na pwedeng gumising at matulog sa oras na gusto nila. Kahit kasi walang pasok, hindi pa rin sila ligtas sa mga gawaing bahay.
Kailangan nilang unahan ang tilaok ng manok upang bumangon at magtinda. Kahit mga paslit pa ay sige lamang sila sa paglalako sa buong barangay.
Lahat na yata ng gulay na nabanggit sa bahay kubo ay nailako na nila. Naranasan na rin niyang umakyat sa puno ng mangga na siya ring ibinenta niya. Ang mga naiipon niya ay siyang ginagamit niya pambili ng mga tsokolate at paboritong niyang ulam na tinapa.
Simple lang talaga ang buhay nila noon hanggang sa makatungtong na siya ng hayskul. Doon mas naging mautak at masigasig si Cecil. Tuwang-tuwa ang kaniyang nanay dahil nagagawa niyang magbenta ng mga candy at meryenda sa loob ng classroom at kumikita ng malaki.
Nang magkolehiyo ay tila doon sila binuhusan ng swerte. Pinamanahan ng kakarampot na lupa ang kaniyang ama mula sa yumaong niyang lolo. Ibinenta nila ito at saka bumili ng pwesto malapit sa palengke.
Lumago at naging mabenta ang negosyo noon. Dahil sa magandang kita mula sa tindahan, pinatigil na silang magkakapatid sa paglalako. Nakapasok siya ng kolehiyo at nakapag-aral sa pribadong paaralan ang mga kapatid niya.
Kahit na umaangat na sa buhay, naging simple pa rin si Cecil. Hindi pa rin nawala sa kaniya ang pagiging madiskarte.
“Order kayo ng turon at banana cue ha? May yema at macapuno rin kami!” alok ni Cecil sa mga kaklase at kaibigan.
Kumikita siya ng malaki sa pagbebenta lamang. Kaya’t ang laking tulong nito sa kaniyang mga bayarin sa eskwela.
Nakapagtapos si Cecil ng kolehiyo at ngayo’y isa nang manager sa isang hotel sa ibang bansa. Ang lahat ng pagsisikap na ipinuhunan nila noon ay talaga namang nagbunga ng malaking tagumpay. Hindi man naging madali ang daanang kanilang binaybay, naging magaan naman ang lahat dahil sa kanilang pagtutulungan. Tunay nga ang kasabihang kapag may tiyaga ay may nilaga!