Inday TrendingInday Trending
Kaka-“sana all” ay Bigla na Lang Siyang Nakatanggap ng mga Misteryosong Regalo; Nang Mapagalaman ang Katauhan sa Likod Nito ay Napaiyak Siya

Kaka-“sana all” ay Bigla na Lang Siyang Nakatanggap ng mga Misteryosong Regalo; Nang Mapagalaman ang Katauhan sa Likod Nito ay Napaiyak Siya

“Sana all!” komento ni Shai sa litrato ng kaniyang kaibigang si Chloe sa Facebook, kasama nitong magbakasyon ang buong pamilya nito. Pangatlong post niya na ‘yon ng sana all ngayong araw, una ay sa nakita niyang masasarap ng pagkain, at ang isa pa ay nang makita niya ang litrato ng magagandang damit. Nagulat siya nang makatanggap ng mensahe mula sa bestfriend na si Chloe.

“Uy Shai! Invite kita pag nagbakasyon ulit kami next time.”

Gumuhit ang malungkot na ngiti sa mukha ng bente dos anyos na dalaga. Napakabait talaga ni Chloe. Alam nitong ulila na siya nang pumanaw ang kaniyang ina limang taon na ang nakalipas. Ang ama naman niya, sa pagkakakwento sa kaniya ay bata pa lang siya ay pumanaw na rin. Ang tanging alaala niya sa mga ito ay ang isang litrato nilang magkakasama noong sanggol pa lang siya at isang kwintas. Marahil ay nang magkomento siya ng “sana all” ay nakaramdam agad ito ng simpatya sa kaniya.

“Haha! Ano ka ba, Chloe! Joke lang yun ‘no!” Reply niya, ngunit sa puso niya ay hinihiling niya talaga na sana man lang ay nasa tabi niya pa ang mga magulang. Ngayon ay nasa huling taon na siya sa kolehiyo, tapos ang tanging kilalang kapamilya niya ay mga pinsan at tiyahin na nasa probinsya. Kahit iskolar siya ay paminsan-minsan ay hirap pa rin siyang suportahan ang sarili. Kaya naman naging paboritong kasabihan niya ang “sana all” dahil madalas kapag may nakikita siya sa social media, napapaisip siya na sana lahat, pati siya rin ay may mga ganoong bagay.

Lumipas ang mga araw na normal lang lahat, maliban nang may kumatok sa kaniyang apartment at nagdeliver ng isang box.

“Ms. Sharina Cruz po? Delivery po, papirmahan na lang po,” sabi ng delivery boy sa kaniya.

Wala naman siyang inoorder na kahit ano… saan kaya galing yon? Naguguluhan man ay tinanggap niya ang box. Nagulat siya nang makita ang laman niyon. Iyon lang naman ang damit sa FB kung saan siya nagkomento ng “sana all”! Tuwang-tuwa ang dalaga sa natanggap at agad iyong ipinost.

Nagdaan ang mga linggo ay sunod-sunod din ang pagdating sa kaniya ng iba’t ibang regalo. Kung ano ang pinopost niya sa FB ay natatanggap niya ilang araw o linggo lang ang makalipas.

Pati mga kakilala at kaibigan ni Shai ay panay ang tanong at sabing ang swerte naman daw niya at mukhang may secret admirer siya.

Lubos din namang nagpapasalamat si Shai sa mga natatanggap. Ngunit hindi niya mapigilan ang munting kaba sa kaniyang isipan. Paano kung stalker ang nagpapadala ng mga regalo kaya alam ang address niya? Paano kung masamang taong may masamang balak? Sa huli ay winaksi na lang ni Shai ang mga ganoong isipin.

Isang gabi habang nagiis-scroll sa Facebook ay nakita niya ang isang post ng kaniyang kaibigan. Litrato iyon kasama ang ama at ina nito. Wala sa isip na nagkomento siya ng “sana ol”. Nang maipost iyon ay saka lang sumagi sa isip niya ang estranghero. Kaya kaya nitong ibigay ang tunay na hiling ng kaniyang puso? Pamilya? Napangiti ng mapakla ang dalaga, “malamang hindi…” sa isip-isip niya.

Labis na lungkot ang lumukob kay Shai nang mga sumunod na araw. Nang mapunan kasi ng estranghero ang mga ninanais niya na materyal na bagay ay napagtanto niyang hindi pa rin siya masaya. Isa pa ay bukas na rin ang kaarawan niya, isang araw kung saan labis ang pangungulilang nararamdaman niya para sa pamilya.

Kinabukasan, nagising si Shai sa katok sa kaniyang pinto. Isang delivery box na naman ang ipinadala sa kaniya ng estranghero. Nagtaka siya dahil sa pagkakatanda niya ay wala naman siyang bagong post kamakailan. Binuksan niya ang regalo at nagulat sa laman niyon. Isang kwintas na kapares ng iniwan sa kaniya ng kaniyang ina! Kinapa niya ang suot na kwintas, tama nga ang hinala niya, mayroon din iyong nakaukit na bituin sa likuran.

Napaiyak na lang si Shai sa naisip na realisasyon. Hindi kaya ama niya iyon? Pero ang sabi ng nanay niya ay p*tay na raw ito. Kinilabutan siya sa naisip.

Nagpasya si Shai na magpatulong sa kaklaseng may kakilalang nagtatrabaho sa NBI. Isang linggo lamang ay napag-alaman nilang isang Amando Reyes ang nagpapadala sa kaniya ng mga regalo, pati kung saan ito nakatira ay natunton niya.

Nang marating niya ang address ng lalaki ay labis ang pagkabog ng dibdib ni Shai. Nais niya lang sana makita ang lalaki at itanong kung bakit mayroon itong kwintas na kapareha ng kaniya. Napayuko siya at hindi mapigilang mapaluha. Ngunit pinahid niya iyon agad nang may isang lalaking lumabas sa pinto ng isang magandang bahay. Nang magsalubong ang mata nila ay kapwa sila natulala. Nakikilala niya ito… ito ang lalaki sa litrato. Ito ang ama niya!

Nagtangkang tumalikod si Shai dahil sa tindi ng nararamdaman ngunit narinig niyang tinawag nito ang pangalan niya. Pagharap niya ay nakita niyang may luha rin sa mga mata nito.

“Shai… anak ko,” sabi ng lalaki. Hindi siya makagalaw nang yakapin siya nito nang mahigpit.

“Patawarin mo ko, anak… patawarin mo ako at iniwan ko kayo ng ina mo dati. Naduwag ako sa responsibilidad, mali ako,” iyak nito.

“Kaya po ba kayo nagpapadala ng mga regalo sa akin? Para saan? Para makabawi? Sa tingin niyo ba mga regalo talaga ang gusto ko?” hindi napigilan ni Shai na sumbatan ang ama sa lahat ng panahong hindi nila ito nakasama ng ina.

“Hinanap kita anak. At noong matagpuan kita, naduwag pa rin akong lapitan ka kaya’t mga regalo na lang ang ipinadala ko. Ngunit ngayon, sana hayaan mo akong bumawi sa iyo.”

Noong una ay matigas ang puso ni Shai, lalo na nang malaman na may pamilya ito. Ngunit pati asawa at mga anak nito ay talaga namang ginawa ang lahat upang makumbinsi siyang mahal siya ng ama at ng mga ito. Sa huli ay pinili din ni Shai na sundin ang puso. Hinayaan niyang makapasok ang mga ito sa buhay niya. Natutunan niyang ang pagmamahal lang pala talaga ng pamilya ang pupuno sa lahat ng kaniyang litanyang “sana all!”

Advertisement