Inday TrendingInday Trending
Sa Pagnanais ng Dalaga na Magkaroon ng Kasintahan ay Kahit Sino na Lamang ang Kaniyang Pinapatulan; ang Desisyon Palang Ito ang Lubusan Niyang Pagsisisihan

Sa Pagnanais ng Dalaga na Magkaroon ng Kasintahan ay Kahit Sino na Lamang ang Kaniyang Pinapatulan; ang Desisyon Palang Ito ang Lubusan Niyang Pagsisisihan

Lubusan ang inggit ng dalagang si May sa kaniyang mga kaibigan. Marami kasing nagsisipagligaw sa mga ito at napakadali lamang para sa mga ito na magkaroon ng kasintahan. Samantalang siya ay hayskul pa lamang ay hintay na nang hintay ng manliligaw sa kaniya ngunit kahit isa ay walang nagtangka.

“Ang hirap maging babae,” sambit niya sa kaniyang matalik na kaibigang si Lorraine. “Kailangan mong maghintay kung kailan ka maliligawan. Hindi katulad ng mga lalaki na kapag nagkaroon sila ng gusto ay puwede na kaagad nilang suyuin at pasagutin,” dagdag pa ng dalaga.

“Huwag kang magmadali, May. Ang ganitong mga bagay ay hindi minamadali,” tugon ng kaibigan.

Kahit madalas kasi ay idinadaan ni May sa biro ang lahat ang totoo ay nalulungkot na din siya at nawawalan ng kumpyansa sa sarili dahil sa wala siyang manliligaw.

“Paano kasing may manliligaw sa iyo, May. Hindi ka masyado nag-aayos,” pagsingit ng isa pa nilang matalik na kaibigan na si Joyce.

“Hindi gusto ng mga lalaki ‘yan. Wala kang ginawa kung hindi mag-aral. Sino ang mga lalapit na lalaki sa’yo? ‘Yung mga boring kasama, ‘yung mga hindi exciting. Saka masyadong kahapon na ‘yung kailangan ay lalaki lamang ang nanliligaw. Kapag gusto mo, sunggaban mo! Ikaw na ang gumawa ng paraan!” sulsol pa ng dalaga.

Dahil dito ay nagkaroon ng ideya si May upang kahit paano ay mapansin siya ng mga lalaki. Nagsimula siyang mag-ayos sa kaniyang sarili. Iniba niya ang kaniyang porma at madalas ay nakikihalubilo na rin siya sa iba. At kung may lalaki siyang gusto ay agad niya itong sinasabi.

“May, ang laki ng pinagbago mo. Ito ba talaga ang gusto mong mangyari sa iyo?” pag-aalala ni Lorraine. “Parang hindi na kasi ikaw ang dating May na nakilala ko,” dagdag pa niya.

“Ayaw mo ba ng bagong ako, bes?! Mas exciting na ako ngayon! Mas masarap na ako kasama, mas marami na tayong nagiging kaibigan. At higit sa lahat nagkakaroon na din ako ng manliligaw. Hindi ka ba masaya para sa akin?” sambit ni May.

“Ayun na nga ang nakikita kong problema, May. Kahit sino na lamang ay hinahayaan mong manligaw sa iyo. Kahit sino na lamang ay pinauunlakan mong i-date ka,” saad ni Lorraine.

“Saka nabalitaan ko na naging nobyo mo daw si Robert, ‘e ‘di ba, inis na inis ka sa lalaking iyon dahil sobrang hambog niya at walang alam sa klase. Anong nangyari?” muling tanong ng kaibigan.

“Sinubukan ko lang naman magkaroon ng kasintahan. Saka tapos na kami. Dahil nga ganoon siya ay ayoko na siyang maging nobyo! Marami pa namang iba d’yan!” pagmamalaki ni May.

Habang dumadami ang nagkakagusto kay May ay dumarami din ang lalaking gusto niyang mahumaling sa kaniya. Hindi siya makapaniwala na ang tuluyang pagbabago pala aniya ang magiging susi upang mapansin din siya ng mga kalalakihan.

“May, gusto mo ba talaga si Nathan?” tanong ni Lorraine sa kaibigan.

“Siraulo ang lalaking iyon at may grupo siya. Ang sabi ng ilan ay hindi tumatanggap ng pagkatalo iyon kahit kanino. Mag-ingat ka sa kaniya,” pag-aalala muli ng kaibigan.

“Hindi ko gusto ang lalaking ‘yon. Hindi ako naguguwapuhan sa kaniya. Pero hindi ko masabi sa kaniya na hindi ko siya gusto kasi sayang naman. Nanghihinayang ako sa atensyon na binibigay niya sa akin. Saka magsasawa din siya sa palagay ko,” nagmamalaking tugon ni May.

“Basta, bes, mag-ingat ka sa lahat ng ginagawa mo. Huwag kang maglaro sa larangan ng pag-ibig lalo na at hindi mo lubusang kilala ang mga lalaking iyan! Magagaling ang lahat ng lalaki sa simula ngunit iilan lamang sa kanila ang tapat,” paalala muli ng kaibigan.

Ngunit kahit anong sabihin ni Lorraine ay tila hindi nakikinig itong si May. Maligayang maligaya siya sa atensyon na kaniyang tinatamasa. Ang tingin niya kay Lorraine ay naiinggit lamang ito sapagkat mas madami na ang nakakapansin sa kagandahan niya at hindi na napapansin si Lorriane.

Isang araw habang pauwi si May ay may isang lalaking tila sumusunod sa kaniya. Kahit bilisan niya ang lakad ay hindi na niyang nagawa pang makawala sa lalaking ito. Hanggang sa tuluyan na siyang hinablot.

“Mapangpa-asa kang babae ka! Akala mo kung sino kang maganda. Ang dapat sa’yo ay turuan ng leksyon!” wika ng galit na lalaki.

Pilit na inaninagan ni May ang mukha ng nasabing lalaki at laking gulat niya ng makita si Nathan.

“Akala mo ay hindi ko alam na nais mo lamang akong paglaruan? Akala mo siguro ay basta-basta mo na lamang ako malilinlang at maloloko, May! Huwag ako. Matagal na kitang binalaan!” galit na galit ang kaniyang manliligaw.

Maya-maya ay may inilabas itong bote na agad niyang binuksan. Dali-dali niya itong ibinuhos sa mukha ni May mabuti na lamang ay kahit paano’y nakaiwas siya ngunit may parte pa rin ng kaniyang mukha ang nalapnos mula sa asido na ibinuhos sa kaniya ni Nathan.

Sigaw nang sigaw si May sa hapdi na kaniyang nararamdaman. Mabuti na lamang ay mayroong dumaang pulis at agad na nahuli si Nathan bago pa ito makatakas. Nadala naman kaagad si May sa ospital at nabigyan ng agarang gamutan.

Hindi alam ni May ang kaniyang mararamdaman. Nang tignan niya sa salamin ang kaniyang mukha ay lubusan ang kaniyang pagsisisi dahil hindi siya nakinig sa kaniyang kaibigan at mas pinakinggan niya ang bulong ng damdamin na uhaw na uhaw sa atensyon.

Wala nang nagawa pa si May kung hindi patuloy na umiyak at pangarapin na sana ay isang araw ay magising na lamang siya at ang lahat ng ito ay isang masamang panaginip lamang.

Advertisement