Kinukutya ang Mag-Anak Dahil sa Sira-Sirang Bahay Kubo na Kanilang Tinitirhan; Makalipas ang Ilang Taon ay Tameme Sila sa Pinagawang Bahay ng mga Ito
“Horacio, ipaayos niyo naman ang bahay niyo. Hindi ba kayo nahihiya sa kapitbahay? Kapag umuulan ay ‘yung putik galing sa lugar ninyo ang umaagos papunta sa amin,” sambit ng isang kapitbahay.
“Oo nga! Noong isang taon ay hindi na rin tayo nanalo sa pagandahan ng baranggay kasi hindi mo man lamang ayusin ang bahay kubo niyo. Parang bahay ng aswang!” saad pa ng isang ginang.
Tikom na lamang ang bibig ng ginoo dahil sa araw-araw na lamang ay ang bahay kubo niya ang napapansin ng mga ito.
Masakit sa mata kung ituring ng mga ka-baryo nila ang nakatirik na bahay kubo na tinitirhan ng mag-asawang Mang Horacio at Aling Pasita kasama ang kanilang nag-iisang anak na si Lito. Kaisa-isa na lamang kasi sa kanilang pamayanan na nakatirik sa lupa at hindi sementado ang bahay ng pamilyang ito. Tampulan lagi ng tukso ang mag-anak dahil sa kanilang kahirapan.
“Tay, sa isang linggo daw ay may inaasahang bagyo. Kailangan ay humanap na tayo ng mga pawid na ipangtatapal sa ating bubungan at sa mga dingding. Baka kasi mabasa na naman itong loob ng bahay at magkasakit kayo ni nanay,” sambit ni Lito sa kaniyang ama.
‘Tama ka, anak, habang maaga ay paghandaan na natin!” tugon ng ama.
Habang nagtatabas ng mga kailangan ang mag-ama ay walang sawa silang pinapanood ng mga kapitbahay habang kinakantiyawan.
“Halos lahat ng bahay dito ay nakalipas na sa bahay kubo, kayo at naninirahan pa rin sa bahay kubo? Ano ba kasing ginagawa niyo Horacio at hindi niyo man lamang maipagawa ang bahay niyo. Mga wala kasing pinag-aralan kaya ganiyan na lamang ang narating niyo!” wika ng isang lalaki.
Kahit na nag-iinit na ang dugo ng binatang si Lito ay pinigilan siya ng kaniyang ama.
“Huwag na, Lito. Hindi karapat-dapat ang mga ganiyang uri ng tao upang paglaanan mo ng pansin. Ituon mo na lamang ang iyong isip sa ating ginagawa at balewalain mo na lamang ang lahat ng kaniyang sinasabi,” pangaral ng ama.
Habang pauwi sila ng bahay ay tinanong ni Lito ang kaniyang ama.
“Tatay, bakit po ba madalas na wala kayong imik kahit na palagi na lamang kayong pinagsasalitaan ng masama ng mga tao?” inis ni Lito.
“Ni ayaw nyo man lamang pong ipagtanggol ang inyong sarili. E, ano ngayon kung sa bahay kubo tayo nakatira? Hindi naman siguro nila ikakagutom ang pagtira natin sa bahay natin. At hanggang magkakasama tayo ay masaya naman ang pamilya natin!” dadag pa ng binata.
“Pabayaan mo na lamang sila, anak. Totoo namang wala akong pinag-aralan, anak. Kaya nga ginagawa namin lahat ng nanay mo para mapag-aral ka sa magandang eskwelahan at mapagtapos ka. Nang sa gayon ay hindi ka alipustahin ng kahit sino,” saad ni Mang Horacio.
“Basta, anak, pakiusap ko lamang sa’yo na kahit ano pang marinig mo at sabihin nila tungkol sa iyo, ang gusto ko lamang ay magpanggap ka na tila walang narinig at pagtunan mo ang mga bahay na tunay na mahalaga,” pangaral pa ng ama.
Nang sumunod na linggo ay dumating na ang bagyo. Dahil ang bahay-kubo pala ng mag-asawa ay nakatirik sa ugat ng puno ng sampaloc ay nang mabuwal ang puno ay nadamay din na mabuwal ang kanilang bahay. Lubusan ang pasakit na naramdaman ng pamilya. Ngunit buo ang kanilang loob. Matapos ang bagyo ay agad silang bumuo ng panibagong barung-barong at doon muna pansamatalang tumira.
“Mas mainam pa ang dati n’yong bahay-kubo! Ngayon ay tila basurahan na lamang ang nakikita ko sa palagid!” pangungutya ng isang kapitbahay sa mag-asawa.
“Nasaan na ang anak niyong si Lito?” usisa ng lalaki. “Siguro ay lubusan na ang kahihiyan na kaniyang dinadala kaya hindi na siya umuuwi sa inyo, ano? Kung ako rin naman hindi na ako uuwi sa bahay na ‘yan!” dagdag pa ng isang kapitbahay habang nagtatawanan.
Makalipas ang limang taon ay nagulat ang lahat ng tuluyan nang binuwal ang bahay ng mag-asawa. Laking tuwa ng mga kapitbahay sapagkat sa wakas ay mawawalan na rin ang nakakaalibadbad na barong-barong ng mag-asawa.
Pati ang mag-asawa ay lumisan na sa lugar na iyon.
“Marahil ay binenta na ng mag-asawa ang kanilang lupa dahil na rin sa kahirapan. Aba’y ilang taon din ang kanilang tiniis sa barong-barong na iyon. Hindi ko nga alam kung paano sila nabuhay doon!” wika ng isang ginang.
Halos humaba ang leeg ng lahat ng isang araw ay bakuran na ang lupa ng mag-sawa at isang magarang bahay ang kasalukuyang itinatayo roon. Sabik ang lahat na makita kung sino ang kanilang bagong kapitbahay.
Inabot din ng kalahating taon bago matapos ng tuluyan ang magarang bahay na yari sa bato at may marikit na disenyo. Isang magarang sasakyan ang pumarada sa gate ng malaking bahay at lahat ay nagulat nang makita sina Mang Horacio, Aling Pasita at Lito na bumaba ng sasakyan.
“Paanong kayo ang may-ari ng bahay na ‘yan?” tanong ng isang kapitbahay na hindi makapaniwala.
“Habang abala kayo sa pangungutya sa buhay ng aking mga magulang ay nag-ipon sila nang nag-ipon at tiniis ang bahay na tinitirhan nila noon upang makapagtapos ako ng pag-aaral. Ako, bilang anak ay ginawa ko ang lahat upang makatapos ako ng pag-aaral sa isang prestihiyosong unibersidad at saka ako nagtrabaho sa ibang bansa. Hindi nyo nakita ang sakripisyo ng aking mga magulang dahil ang panlabas na anyo lamang ng bahay namin ang inyong natatanaw,” saad ni Lito.
“Ngayon ay hindi na nila kailangan pang magtiis sapagkat maibibigay ko na sa kanila ang buhay na nais nila. Maari na silang magpahinga at hindi na magtrabaho pa kahit kailanman dahil ako na ang bahala sa kanila,” sambit ng binata.
“Wala ngang pinag-aralan ang mga magulang ko ngunit ito ang naging daan upang pagsikapan nila na makapagtapos ako ng pag-aaral at kung ibaba niyo sila ay parang kayo na ang pinakamagagaling sa mundo. Ngayon, sino sa inyo ang mukhang walang pinag-aralan?” paglalabas ng hinanakit ni Lito sa mga kapitbahay.
Natameme ang lahat sa tinuran ng binata. Naisip nila ang kanilang mga buhay at mga anak na mga hindi man lamang nagawang magsipagtapos sa pag-aaral. Hiyang-hiya sila sa mag-anak dahil sa kanilang pagtrato sa mga ito.
Ngayon ay masagana na ang buhay ng mag-anak at kahit kailan ay hindi na sila nagawang kutyain ng kahit sino pa man.