Naging Sunud-sunuran ang Babae Sa Pakikielam Ng Kaniyang Biyenan sa Kanilang Mag-asawa; Nang Matauhan Siya ay Malugod Niyang Hinarap ang Bagong Buhay
Hindi pa man nakakatapos ng pag-aaral si Ella sa kaniyang kursong Tourism ay agad siyang nabuntis ng kaniyang kaklase at nobyo na si Randall. Dahil mga bata pa nga at mapupusok ay wala nang nagawa ang mga magulang pa ng dalaga kung hindi masunod ang desisyon ng anak na tuluyan nang makisama sa kaniyang nobyo.
“Anak, paano na ang scholarship mo?” tanong ng ina ni Ella na si Aling Hilda.
“Ma, magpapatuloy pa rin po ako ng pag-aaral ko. Wala pong hihinto. Gagawin ko ang lahat po, ma, lalo ngayon para makatapos ng pag-aaral. Isang semestre na lang naman po ako at matatapos na ako,” tugon ng dalagana hiyang-hiya sa kaniyang mga magulang.
“Ma, pa, patawarin ninyo po ako sa nagawa ko. Pero ipinapangako ko po sa inyo na magtatapos ako at tutuparin ko pa rin po ang pangarap kong maging isang flight attendant. Ito na po ang huling sakit ng ulo na ibibigay ko sa inyo,” pangako ng dalaga.
“Huwag po kayong mag-alala. Hindi ko po pababayaan ang anak niyo. Hindi ko po siya lolokohin at gagawin ko po ang lahat upang hindi siya mahirapan,” pangako naman ni Randall sa mga magulang ng kasintahan.
Makalipas ang isang buwan ay ikinasal na ang dalawa at pinili munang makipisan sa bahay nila Randall kahit na mas gusto sana ni Ella na sa pamilya na lamang niya sila muna tumira. Ngunit bilang pagrespeto sa kaniyang asawa ay sinunod niya ito.
Una pa lamang ay hindi na ganoon kaganda ang nararadamdaman ni Ella na pakikitungo sa kaniya ng kaniyang biyenan. Ngunit wala siyang magawa dahil nakikisama lamang sila.
“Randall, hihiramin ko muna sana ang nakuha niyong pakimkim sa kasal ninyo,” sambit ng kaniyang ina na si Aling Teresa.
“Ipapaalam ko muna po kay Ella dahil siya ang humahawak ng pera,” saad ni Randall.
“Bakit siya ang humahawak? Dapat ikaw! Saka kailangang kailangan lang namin ng papa mo. Ipapangbayad ko sa nalalabing matrikula ng kapatid mo saka sa handaan sa pagtatapos niya. Isasama ko na rin ang pagtatapos n’yo ni Ella,” paliwanag ng ina.
Nang masabi ni Randall sa asawa ang balak na pangungutang ng ina ay agad ipinaliwanag ni Ella ang kaniyang saloobin.
“Pasensiya ka na, mahal, pero sa tingin ko ay hindi pwedeng ipahiram natin ang lahat ng pakimkim. Ang limangpung libong piso na iyon ay nilalaan ko sa panganganak ko sana at sa pagbukod natin,” paliwanag ni Ella.
“Babayaran daw tayo kapag nabenta na ang lupa, mahal. Pangako ‘yan ni mama,” pakiusap ni Randall.
“Puwede natin sila pahiramin ngunit hindi lahat,” wika ni Ella.
Nang malaman ito ni Aling Teresa ay nagngitngit ang kalooban nito at sinumbat sa mga ito ang pagtira nila sa bahay. Kahit na nagbibigay naman ang pamilya ni Ella ng panggastos at nakikihati sa mga bayarin para nga walang masabi ang pamilya ni Randall ay masama pa rin ang tingin ng biyenan sa kaniyang manugang.
Walang nagawa si Ella kung hindi ipahiram na lang ang lahat ng kanilang ipon sa pangakong maibabalik din kapag nabenta na ang lupa. Ngunit nakatapos na sila ng pag-aaral, nabenta na ang lupa, nakapanganak na si Ella, nakapagtrabaho at nakabukod ng bahay ay hind pa rin nababayaran ang utang na ito.
Binalewala lamang ito ni Ella sapagkat ang tinitingnan na lamang niya ay ang kaniyang asawa na dumadaan sa depresyon dahil hindi siya makahanap ng trabaho.
Napilitan si Ella na ipaalaga sa kaniyang ina ang kanilang anak. Habang si Randall ay nasa puder ng kaniyang pamilya at kung walang pasok si Ella ay saka sila nagsasama-sama sa kanilang tahanan.
“Ella, baka naman pwedeng makahiram ng tatlong libo sa’yo. Kailangan lang namin sa pambayad ng kuryente,” mensahe ng byenan ni Ella.
“Hindi ho ba ay kakahiram niyo lang po sa akin ng sampung libo noong nakaraang buwan?” tugon ni Ella.
“Idagdag mo na lang doon ang utang ko. Saka malaki naman ang sahod mo, hindi naman malaking kawalan sa’yo ang halaga na iyan,” tugon muli ni Aling Teresa.
Alam ni Ella na kahit ano pa ang sabihin niya sa kaniyang biyenan ay hindi siya nito titigilan. Minsan ay napapahiram niya ito at kung hindi ay madalas din siyang makarinig ng hindi maganda. Ngunit hindi niya ito pinapatulan kahit nahihirapan na ang kaniyang kalooban. Iniisip na lamang niya na magulang pa rin ito ng kaniyang asawa.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay naapektuhan ang trabaho ni Ella sa paliparan. Kumonti na rin ang kaniyang araw ng paglipa. Kaya naisip niyang magkaroon ng kahit isang maliit na negosyo na ukayan.
Nasa trabaho si Ella nang dumating ang inorder niyang mga ukay na damit. Kaya ang byenan muna niya ang tumanggap at nagbayad nito.
“Ella, limang libo lahat ang binayaran ko kanina para sa mga dumating na pangnegosyo mo,” saad ni Aling Teresa.
“Sige po. Maraming salamat po,” tugon naman ng manugang.
Ngunit hindi na tinantanan ni Aling Teresa si Ella.
“Kailan mo ba babayaran ang limang libong piso na nakuha mo sa akin? Kaninang umaga ko pa sinabi sa’yo ‘yun, a?” galit na sita ng byenan.
“May inaasikaso lamang po ako sandali. Saka po ako pupunta ng banko,” paliwanag ni Ella.
Ngunit bigla na lamang sumabog si Aling Teresa at kung ano-ano na ang sinumbat niya kay Ella.
“Parang kakarampot na limang libong piso ay hindi mo mabayaran sa akin. Parang wala ka na ata talagang balak bayaran! Ang kapal ng mukha mo na unahin pa ‘yang iba kaysa sa sinasabi ko sa’yo! Sabihin mo na lang kasi kung wala ka talagang balak na ibigay sa akin ang inabono ko!” sigaw ng ina ng asawa niya.
“Tandaan mo kung hindi lumalagi dito ang asawa mo ay hindi ka makakapagtrabaho ng maayos! Utang na loob mo sa akin na kupkupin pa ang asawa mo at alagaan!” dagdag pa niya.
Dahil dito ay hindi na nakapagtimpi pa si Ella at maging siya ay hindi na napigilan na pagsalitaan ang matanda.
“Walang galang na po sa inyo, limang libo lamang po ang pera na ikinaiinit ng ulo ninyo sa akin, pero ung utang ninyong noon pa at mga pinapadala ko sa inyo halos buwan-buwan ay hindi niyo man lamang kinukwenta? Inilista niyo na na po ba talaga sa tubig ang lahat ng iyon at nakalimutan niyo na?” naiinis na tugon ni Ella.
“Matagal na po akong nagpapasensiya sa inyo at sa ginagawa ninyo sa akin, pero sobra na po. Para sabihin ko sa inyo, simula po nang magpakasal kami ng anak niyo ay hindi naman siya naging asawa at ama sa amin ng anak ko. Ako pa rin at mga magulang ko ang gumawa ng paraan upang kami ay mabuhay!” dagdag pa niya.
“Hindi ko na po matatagalan pa ang ugali niyo. Ibinabalik ko na po ang anak ninyo at ito ang limang libong piso na pinagngingitngit ng kalooban niyo! Huwag na huwag nyo na po kami magagambala ng anak ko!” saad ni Ella.
Doon ay natauhan na si Ella sa mahabang taon na kaniyang pinagtiis sa asawa at sa pamilya nito. Minarapat na niyang makipag hiwalay sa kaniyang mister at tuluyang umuwi muna sa bahay ng kaniyang mga magulang upang pagtuunan ang panibagong simula ng buhay nilang mag-ina.
Malulungkot man na sa hiwalayan din pala mauuwi ang kanilang relasyon ng asawa ay tinanggap na lamang niya ito dahil simula’t sapul ay hindi na siya nito nagawang maging kaagapay kay Ella. Bandang huli ay magulang pa rin ni Ella ang kaniyang naging sandigan upang harapin ang panibagong buhay.