Itinaga sa Bato ng Binata na Gaganti sa mga Kamag-anak na Dati’y Hindi Sila Tinulungan, Hanggang sa Huli Kaya’y Kaniyang Mapanindigan?
“Samuel, baka pwede kaming makahingi nang tulong sa’yo. May sakit kasi ang pinsan mong si Jay, ilang araw na rin kaming nanatili sa Ospital at hanggang ngayon ay naroroon pa siya. Baka pwede mo naman kaming matulungan. Wala na kasi akong perang pambili ng gamot niya,” umiiyak na pakiusap ng kaniyang tiyahing si Soledad, kapatid ito ng kaniyang mama.
“Sige na, anak. Nakakaawa naman ang tiyahin mo,” naaawang sambit ng kaniyang inang si Olivia.
“Pero mang, dapat ba talagang tulungan ko pa sila? Baka nakakalimutan mo na ang ginawa nila noon sa’tin,” naiinis na wika ni Samuel.
“Anak, hayaan mo na iyon. Gano’n talaga ang buhay, kaya kalimutan mo na lang. Tutal mayroon ka namang perang maitutulong, tulungan na lang natin.”
“Pero mang, hindi pa rin mawala sa isipan ko ang ginawa nila sa’tin noon— ikaw ang nanganganib pero wala man lang silang pakialam. Tapos ngayon lalapit-lapit sila sa’tin,” naiinis pa rin niyang wika.
May malubhang karamdaman noon ang kaniyang inang si Olivia. Ayon sa doktor na sumuri rito ay pumutok nga raw ang appendix ng kaniyang mamang, kaya kailangan ng agarang operasyon. Ngunit wala pa siyang trabaho noong panahong iyon dahil estudyante pa lamang siya, kaya kinailangan niyang puntahan ang mga kapatid ng mamang niya at humingi ng tulong sa mga ito.
Kaso imbes na tulungan siya ng mga ito ay tinalikuran siya at sinabihan na lamang na umutang sa bumbay at baka matulungan siya nito.
“Naku Samuel, pasensiya ka na talaga at wala akong pera ngayon. Subukan mo kayang pumunta sa kuya naming si Ernesto,” wika ng pang-apat na kapatid ng ina.
“Samuel, alam mo naman na mas mahirap pa ang buhay namin sa daga. Tapos ako pa talaga ang naisipan mong hingan ng tulong. Pasensiya ka na hijo, walang-wala rin ako,” nahihirapang wika ng panganay na si Ernesto.
Naiintindihan niya ang panganay na kapatid ng ina na si Ernesto, dahil totoo nga namang naghihirap ito. Siyam ang anak nito at pedicab lamang ang pinagkakakitaan ng tiyuhin. Ngunit ang ibang kapatid ng ina ay medyo nakakaalwan naman sa buhay. Talagang ayaw nga lang magbigay nang tulong, gaya na lamang ng tiyahin niyang naririto ngayon sa harap nila.
“Pakisabi sa nanay mo Samuel, na may kaniya-kaniyang buhay na kami. Kahit magkakapatid pa kami ay dapat isipin niyang hindi por que magkadugo ay dapat magtulungan na. Dapat kasi noon pumili siya ng mayaman, para hindi siya parang pulubing nanlilimos ngayon nang tulong. Sabihin mo sa nanay mo na mangutang siya sa bombay, sure ‘yon na matutulungan siya,” mataray na wika ni Soledad, ang panglimang kapatid ng ina.
Kaya simula noon ay itinaga niya sa bato na kapag siya naman ang umangat sa buhay ay walang mga kamag-anak ang kaniyang tutulungan.
“Anak, hindi mo kailangang maging kagaya nila para patunayan sa sarili mong nakaganti ka na sa ginawa nila,” mahinahong paliwanag ng kaniyang ina.
“Pero ma—”
“Nagalit din ako noong nalaman kong hindi man lang nila ako tinulungan. Naisip ko rin na gantihan ang mga kapatid ko. Pero naisip ko Samuel, na mas maiging ipasa Diyos mo na lang ang lahat. Lahat ng tao ay nakakagawa ng mali at lahat nang iyon ay may balik sa’yo.
Kung gagawa ka nang mabuti sa kapwa mo, babalikan ka ng mabuti. Kapag gumawa ka nang masama, masama rin ang balik sa’yo. Isipin mo anak, mas makokonsensya sila kapag naisip nila ang ginawa nilang pagtalikod noon, tapos ngayong sila naman ang nangangailangan ay nar’yan ka at handang tumulong. Samuel, hindi kailanman nakakabuti ang pag-ganti,” mahinahong paliwanag ng ina.
“Patawarin niyo ako ma kung itinanim ko sa’king puso ang poot at galit ko sa mga kapatid mo, lalong-lalo na d’yan sa panglima mong kapatid na si Soledad.” Malungkot na wika ni Samuel.
“Nauunawaan kita, anak. Hindi mo kailangang humingi sa’kin nang tawad, dahil wala kang kasalanan sa’kin. Palayain mo na ang sarili mo sa galit na iyon at kalimutan na lang. May Diyos na laging nakatingin sa’tin Samuel, at alam kong hinding-hindi ka niya pababayaan. Huwag mong igaya ang sarili mo sa kanila,” wika ni Olivia at agad na niyakap ang anak.
Mabigat man sa loob ay sinunod niya ang payo ng ina at nagpakumbaba. Nagpaabot siya ng tulong sa mga kamag-anak na dating tumangging tulungan sila noong sila ang nangangailangan. Pero ngayo’y naniniwala na siya na hindi dapat suklian ang masamang gawain ng isa pang masamang gawain. Diyos na lamang ang bahalang humusga sa kanila.