Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Pandemiya ay Online na ang Pagtuturo ng mga Klase; Isang Guro ang Maghahatid ng Kaalaman sa mga Batang Kapos Palad

Dahil sa Pandemiya ay Online na ang Pagtuturo ng mga Klase; Isang Guro ang Maghahatid ng Kaalaman sa mga Batang Kapos Palad

Maagang gumigising si Kulas upang hindi siya tanghaliin sa daan. Dahil medyo malayo rin ang kaniyang pupuntahan ngayong araw na ito. Isang guro ng elementarya si Kulas at lahat ng tao ay apektado sa nagaganap na pandemya.

Dahil rin sa pandemya kaya nakapag-desisyon ang DEP-ED na gawin na lamang online ang lahat ng klase. Ngunit ang inaalala ni Kulas ay ang kaniyang mga estudyanteng galing pa sa malalayong bundok at walang pambili ng selpon o laptop. Problema rin sa lugar nila ang mahinang signal.

“Aalis na po ako ma,” paalam ni Kulas sa ina.

“Sige na, anak. Mag-iingat ka,” anito at agad na ring umalis si Kulas gamit ang kaniyang motorsiklo.

Hindi pa masyadong asensado ang lugar ng Zamboanga Del Sur, may mga iilang lugar pa rin ang medyo napag-iwanan ng mga pagbabago. May mga lugar pa rin na mahirap. Gaya na lang ng mahirap sa signal, kaya paano makakapag-aral ang mga bata kung sa gano’ng paraan pa lang ay mahirap na para sa mga ito. Kaya si Kulas na lang mismo ang gagawa nang paraan.

Mula Pagadian City ay kailangan pa niyang bumiyahe ng ilang oras upang marating ang Barangay Kumalarang. Sa may simbahan, doon naghihintay ang iilang bata, estudyante man niya o hindi.

“Hi Sir Kulas,” masayang bati ng mga batang mukhang kanina pa naghihintay sa kaniya.

“Hello,” masiglang balik bati naman niya. “Pasensiya na kayo at medyo natagalan si sir. Handa na ba kayo sa leksyon natin ngayon?”

“Opo,” sabay-sabay na wika naman ng mga ito.

Guro si Kulas ng mga Grade 3 students, ngunit sa ngayon ay halo-halo ang kaniyang tinuturuan. Mayroong mga halos nasa edad anim na taon pa lang, may iba namang mukhang nasa grade six na at ang iba ay nasa walong taon. Ngunit hindi na niya iyon alintana, dahil ang mahalaga sa kaniya ay ang maturuan ang mga ito.

“Grace, tandaan mo ah na ganito ang paggamit ng lapis,” kausap ni Kulas sa anim na taong si Grace.

“Opo teacher,” masunuring wika naman ni Grace saka ginaya ang kaniyang ginagawa.

‘Yong iba naman ay mabili na lamang ang ginagawang pagsunod, gaya ni Ronel na ang alam niya’y nasa grade four na at si Bea na mag-grade six na sana ngayong pasukan. Ang iba naman ay mag-grade one pa lang sana kung natuloy ang klase.

“Sir, maaari niyo po bang ituro sa’kin kung paano ito basahin?” Hinging tulong naman ni Samantha na ang alam niya’y maggi-grade three na sana.

“Sige,” agad naman niyang itinuro sa bata ang nais nitong malaman.

Tiyagaan lang talaga. Mahirap dahil iba’t-ibang bata ang kaniyang tuturuan. May ibang marunong nang magsulat, may iba naman na nahihirapan pang magbasa at ang iba naman ay kailangan pa talaga nang gabay niya.

“Sir Kulas, thank you po talaga sa ginagawa niyong pagtuturo sa mga bata. Alam ko pong nahihirapan kayong turuan sila at saka wala pa po kayong sinasahod sa serbisyong ginagawa ninyo,” kausap sa kaniya ng isa sa mga madre sa simbahan.

“Naku po, walang anuman. Propesyon ko po ang magturo, may sasahurin man ako o wala. Ito po ang napili kong trabaho, kaya dapat lang na gawin ko ito mababayaran man ako o hindi,” nakangiting wika ni Kulas.

“Pero alam ko pong galing pa kayo sa Pagadian at malayo iyon rito. Nagpapasalamat kaming lahat sa inyo dahil kayo lang ang matiyagang nagpupunta rito upang turuan sila,” wika ni Mother Sabel. “Naiisip din namin no’ng hindi ka pa nagboluntaryo, kung paano na lang ang mga bata sa’ming Barangay kung pati ang eskwelahan ay nagsarado na. Para kang isang anghel na bumaba sa langit upang alisin ang aming alalahanin, Sir Kulas.”

“Salamat po kung gano’n ang inyong tingin Mother Sabel, para sa’kin po ay walang halaga ang makakabili sa mga mag-aaral na may alam. Ang tanging kayamanan sa mundo na hinding-hindi maaagaw ng iba ay ang edukasyon lamang. Aminado rin po akong nakakapagod ang biyahe, pero sa tuwing nakikita ko silang natututo ay napapalis na po ang pagod ko.” Puno nang emosyong wika Kulas.

“Sa bawat araw na natututo sila, sapat na po iyon para masabi ko sa’king sarili na may napuntahan rin ang aking pagiging guro,” nakangiting dugtong pa ni Kulas.

Sa panahong ganito na may pandemya, napaka-importante nang salitang; Kusang loob. Pagpupugay sa mga gurong gaya ni Kulas!

Advertisement