Anim na Taon na ang Lumipas Mula Nang Huling Nakita ang Ginang; Kagimbal-gimbal Pala ang Sinapit Niya
“Hoy! Glenda, kumusta na ang mama mo? Kailan ba siya uuwi mula sa Hong Kong? Masyado na siyang nawiwili roon ah,” wika ni Aleng Helen sa anak ng kaibigang si Dina.
“P-po? Wala pa kasing sinasabi si mama,” sagot naman ni Glenda.
“Anim na taon na rin kasi mula noong huli ko siyang nakita. Pakisabi sa kaniya na matanda na kami. Hindi na niya kailangang magpayaman pa ng sobra,” biro pa ni Helen. “O siya! Sige na. Paki-kumusta mo na lang ako sa mama mo ah,” anito saka tuluyang nagpaalam sa anak ng kaibigan.
“Sige po. Ingat kayo tita,” anito saka tumuloy na rin.
Matalik na kaibigan ni Helen si Dina, kaya nga nagtataka siya kung bakit hindi na ito nagparamdam pa sa lumipas na anim na taon. Ang huling uwi nito ay noong taong 2014 pa, tapos hindi man lang ito nagpaalam sa kaniya. Basta nabalitaan na lang niyang bumalik na ito sa Hong Kong.
Nakaramdam pa nga siya noon ng tampo, dahil nakalimutan man lang siyang sabihan ni si Dina. Nakikipag-chat rin siya sa kaibigan sa pamamagitan ng messenger sa Facebook, ngunit bigla-bigla na lang nag-deactivate ang bruha! Kaya heto, nangungumusta na lang siya sa pamamagitan nang nag-iisang anak nitong babae na si Glenda.
Abala si Helen sa pagdidilig sa kaniyang mga halaman nang biglang dumating ang patrol ng mga pulis at deretsong pumasok sa bahay nila Glenda. Agad namang nakiusyoso si Helen kung anong dahilan at bakit biglang ang daming pulis na bumisita sa bahay ni Glenda.
“Ma’am Glenda, may dala po kaming search warrant para payagan niyo kaming maghanap sa loob ng inyong tahanan,” wika ng senior chief police saka inutusan ang limang kasamahang pumasok sa loob ng bahay ni Glenda.
“Anong nangyayari dito, sir?” Takang wika ni Glenda at halatang biglang kinabahan sa biglaang pagdating ng anim na pulis sa bahay nito.
Ngunit imbes na sagutin siya ng pulis ay nilampasan siya nito at tinulungan ang mga kasamahang hanapin ang dapat nilang hanapin.
“Glenda, ano bang nangyayari?” Takang tanong ni Helen.
Marami na rin sa mga kapitbahay nila ang nakikiusyuso kaya ‘yong ibang pulis na naiwan sa labas ay panay naman ang pigil sa nais pumasok sa loob, maliban sa kaniya na nagpakilalang malapit sa pamilya.
Namutla na ang buong mukha ni Glenda at nakatulala na lang ito. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang naiintindihan sa nangyayari. Ano bang hinahanap ng mga pulis at talagang isang batalyon pa silang sumulong sa bahay ni Glenda, na para bang may giyerang magaganap?
“Nakita ko na!” Sigaw ng isang pulis na nasa likod bahay.
Agad namang lumapit ang isang pulis kay Glenda at pinusansan ito.
“T-teka lang sir,” pigil na Helen. “Bakit niyo ginagawa iyan? Ano po ba ang kasalanan ni Glenda?”
“Iniimbitahan po namin si Ma’am Glenda sa aming tanggapan ma’am upang ipaliwanag ang kaniyang parte. Siya po ang pangunahing suspek sa pagpa*tay sa kaniyang inang si Mrs. Dina Gorospe,” paliwanag ng pulis.
“A-ano?! Pagp*tay kay Dina?”
“Anim na taon na pong naireport sa’min ang pagkawala ni Mrs. Gorospe. Sa nakalipas na anim na taon ay ngayon lang kami nagkaroon nang lead na ang kaniyang nag-iisang anak lang pala ang pum*atay sa kaniya. Sa katunayan ay nasa likod bakuran niya ang ebindensya,” muking paliwanag ng pulis.
“Anong ebidensya?”
“Ang mismong bangkay ni Mrs. Gorospe,” anito na mas lalong nagpanghina kay Helen.
Nang wala nang tanong si Helen ay agad na nitong hinila si Glenda upang dalhin sa pulisya. Sa anim na taong pagkawala ni Dina ay hindi man lang naisip ni Helen na namayapa na ang matalik na kaibigan. Ang buong akala niya’y nagpapayaman ito sa Hong Kong.
“Dina…” umiiyak na wika ni Helen. “Hindi ko alam.”
Sa paglilitis ay napatunayan ngang si Glenda ang pum*tay sa sariling ina. Saglit lamang na naganap ang kaso at agad na napatunayang guilty ang babae.
“Bakit mo iyon nagawa sa mama mo, Glenda? Bakit sa dinami-dami ng tao sa mundo, ikaw pa mismo ang tumapos sa buhay ng taong bumuhay sa’yo?” Naiiyak na tanong ni Helen.
“Patawarin niyo po ako tita,” humihikbing wika ni Glenda. “Masyado akong makasarili sa mga panahong iyon. Nagalit ako kay mama kasi ang dami niyang bawal, naisip ko hindi naman niya ako napalaki dahil panay trabaho lang naman siya sa ibang bansa. Tapos lagi pa siyang may bawal. No’ng huling pag-uusap namin ay nais niyang itigil ko ang bisyo kong dr*ugs at hiwalayan ko ang dati kong kasintahan na si Jobert dahil bad influence daw ito sa’kin.
Nagalit ako kaya naisip kong p*atayin na lang siya para wala nang sagabal sa buhay ko. Habang tulog siya’y tinakpan ko nang unan ang mukha niya saka no’ng nanghina ay saka ko naman siya pinagsas*aksak. Napakasama kong anak tita, at wala akong laging hinihiling kung ‘di ang mapatawad ni mama kung saan man siya ngayon naroroon,” mahabang paliwanag ni Glenda.
“Sapat na siguro ang nangyari sa’yo ngayon upang bumawi ka sa mama mo, Glenda. Hiling ko rin na sana mapatawad ka na niya,” tumatangis na wika ni Helen. “Magbalik loob ka hija, habang nand’yan ka sa loob. Hindi ko masasabing kaya na kitang patawarin dahil sa ginawa mo, pero alam kong darating din ang araw na iyon.”
Si Helen na mismo ang umayos sa lamay ng kaniyang matalik na kaibigang si Dina. Isa ang kaso ni Dina sa patunay na walang sekretong maitatago sa habang panahon. Lalabas at lalabas ang katotohanan.