Inday TrendingInday Trending
Hindi Nag-Dalawang Isip ang Dalaga na Tulungan ang Isang Matanda; Ito Pala ang Magpapabago ng Buhay Niya

Hindi Nag-Dalawang Isip ang Dalaga na Tulungan ang Isang Matanda; Ito Pala ang Magpapabago ng Buhay Niya

Pagod na ipinikit ni Aica ang kaniyang mga mata nang umandar ang sasakyan niyang jeep. Linggo kasi at mas maraming tao ngayon sa mall.

Nagtatrabaho siya bilang isang serbidora sa isang sikat na fast food.

Napapapitlag si Aica nang marinig ang malakas na sigaw ng driver. “Quiapo! Quiapo! May bababa ba ng Quiapo?”

“Meron ho, manong!” Malakas na sigaw ng nagulat na si Aica bago nagmamadaling bumaba ng jeep.

Mag-aalas nuwebe na ngunit marami pa din ang tao nang bumaba si Aica sa simbahan upang magsindi ng kandila.

Nagtirik siya ng tatlong kandila at saglit siyang pumikit upang umusal ng panalangin.

Diyos ko, tulungan niyo ho ang pamilya ko, pipi niyang dalangin. Naramdaman niya ang paghapdi ng mata nang pigilan ang pagtulo ng kaniyang luha. Ayaw niyang umagaw ng atensiyon.

Saglit niyang minasdan ang natutunaw na kandila bago nagpasyang umuwi.

  • Dahil pagod, mabagal ang paglakad ni Aica.

    Naagaw ang atensiyon ni Aica nang may paos na boses ang kaniyang narinig sa ‘di kalayuan.

    “Tulungan niyo ako! Maawa na kayo sa akin!”

    Isang may kaliitang matandang babae ang nalingunan ni Aica.

    Marungis ang matandang babae na may kaliitan. Wala itong sapin sa paa, at madumi ang kasuotan nito. Lumakad si Aica palapit sa kaawa-awang matanda.

    Nang makalapit sa Aica, naamoy niya ang masangsang na amoy ng matanda. Iyon siguro ang dahilan kaya kahit na madami ang nakikiusyoso, walang ni isa mang lumapit upang tumulong sa matanda.

    May mga kumukuha ng litrato, may mga nagbubulungan na tila nakikisimpatya, ngunit may iilan din na tila tinutuligsa ang matanda.

    “Naku, modus na nila ‘yan para maka-delihensiya.” Narinig niya pang bulong ng isang babaeng karga karga ang anak nito.

    Nakaramdam si Aica nang hindi maipaliwanag na awa sa matanda. Nakikita niya kasi ang kaniyang lola sa matanda. Kaya naman bagamat pagod na at gusto nang makapagpahinga, hindi napigilan ni Aica na lapitan ang matanda.

    “‘Nay, ano ho bang kailangan niyo?” Marahang tanong ni Aica sa matanda.

    “Gutom na gutom na ako. Hindi pa ako kumakain,” umiiyak na sumbong ng matanda.

    Bahagyang nag-isip si Aica. Sa totoo lang ay hindi pa din siya kumakain. At kailangan niyang magtipid dahil halos paubos na ang pera sa pitaka niya.

    Bahala na, mas kailangan naman ni nanay, sa isip isip ni Aica bago inakay ang matanda papunta sa isang karinderya.

    “‘Nay, saan ho ba kayo nakatira?” Usisa ni Aica sa matanda na hindi magkandaugaga sa pagsubo ng pagkain.

    Huminto ang matanda sa pagkain. “S-sa malaking bahay!”

    “Saang malaking bahay, ‘nay? Para maihatid ko kayo sa bahay niyo.” Mahinahong tanong ni Aica.

    “H-hindi ko alam.” Suminghot ang matanda. Maya-maya ay narinig niya ang mahinang paghikbi nito.

    Nataranta naman si Aica. “‘W-wag ho kayong umiyak, ‘nay! Hahanapin natin ang pamilya niyo!”

    Huminahon naman ang matanda. Nagpatuloy sa pagkain.

    Bumuntung hininga si Aika. Malalim na ang gabi. Hindi niya alam kung saan dadalhin ang matanda. Dumagdag pa ang kumakalam niyang sikmura.

    Problemadong ibinaling ni Aika ang atensiyon sa nakabukas na TV. Nanlaki ang mata nang makita sa balita ang matanda na nasa harapan niya na maganang kumakain!

    Hinahanap pala ito ng pamilya nito. Nakahinga nang maluwag si Aika. Hindi na siya mag-aalala sa matanda.

    Dali dali niyang isinulat ang numero na ipinakita sa TV. Tinawagan niya ang numero at sinabi ang lokasyon nila ng matanda.

    “‘Nay, tapusin niyo na ho ang pagkain niyo at tahan tayo.” Nakangiting wika niya sa matanda.

    Hindi alintanmay sorpresa ako sa inyo.” Nakangiting balita niya sa matanda.

    “Sorpresa?” May kislap ang mata ng matanda.

    Wala pang kalahating oras ay nagulat siya nang tatlong magagarang sasakyan ang sunod sunod na pumarada sa tapat ng maliit na karinderya.

    Humahangos na pumasok sa loob ang isang lalaking may edad na.

    “‘Nay!” Agad itong lumapit na sa matandang kaharap niya. Mahigpit nitong niyakap ang matanda, di alintana ang maruming suot na g matanda – bagay na ikinangiti ni Aica.

    Makikita sa matanda ang matinding tuwa. Nagpapapalakpak itong sumigaw, “Ang anak ko!”

    Lumapit naman sa kanila ang isang sopistikadang babae na sa tingin niya ay kaedad niya.

    “Ikaw ba si Aica Sarmiento na tumawag kanina?” May mahinhing ngiti sa labi nito.

    “Oo, ikaw ba yung nakausap ko kanina?” Tanong niya sa babae.

    Tinapik nito ang balikat niya. “Maraming salamat sa pagtulong mo sa nanay namin. Mag-iisang linggo na siyang nawawala. Alalang alala kami akala namin kung napaano na siya. May dementia kasi si Mama. Isang araw nakalabas siya sa bahay nang hindi namin namamalayan. Mula noon hindi na siya nakauwi.”

    Tumango tango si Aica. “Kaya pala hindi niya alam kung saan kayo nakatira. Walang anuman. Masaya ako na makakauwi na si nanay sa inyo.”

    Ngumiti ang babae. Maya maya ang inabot sa kaniya ang isang makapal na sobreng buti.

    Napakunot noo siya. “Para saan ‘to?”

    “Iyan ang reward money nang makakapagturo kung nasaan ang mama namin. Hindi mo ba nakita kanina sa balita?”

    Matigas ang naging pagtanggi ni Aica. “Naku, hindi na! Ang mahalaga lang sa akin ay makauwi na si nanay sa pamilya niya.”

    Ilang beses pang sumubok ang babae na ibigay sa kaniya ang pera subalit hindi ito nagtagumpay. “Iuwi niyo na si nanay. Matagal tagal din siyang hindi nakapagpahinga nang maayos.” Taboy niya sa babae.

    Sasakay na ang mag-anak sa sasakyan ng bumaling sa kaniya ang babae. Hinawakan nito ang kaniyang kamay habang matiim na ang titig sa kaniya.

    “Hija… pagpapalain ka ng Diyos. Ibibigay Niya ang hinihiling ng puso mo.” Matalinghaga nitong sabi.

    Naramdaman niya ang mahina nitong pagpisil sa kaniyang palad.

    Isang taos pusong pasasalamat ang muling ipinaabot sa kaniya ng mag-anak bago tuluyang lumisan ang mga ito.

    Madaling araw na nang makauwi si Aica. Sinalubong siya ng nakabusangot na tagapag alaga ng kaniyang lola n si Aling Miring.

    Abot abot naman ang paghingi ng pasensiya ni Aica sa babae.

    “Napakaliit na nga ng pa-sweldo ganito pa!” Napapikit si Aica sa pagkadismaya n ang marinig ang pasaring ng babae.

    Minasdan niya ang kaniyang lola na mahimbing na natutulog. Saglit lamang ay nakaramdam siya nang kapayapaan.

    Mahal na mahal niya ang kaniyang lola kaya naman kahit halos makuba na siya pagta-trabaho ay hindi niya alintana dahil gusto niya matustusan ang gastusin sa gamot ng kaniyang lola.

    Ito ang nagpalaki sa kaniya. Ang nag-iisa niyang kasangga sa buhay.

    Ang lola niya din ang dahilan kaya niya tinulungan ang matanda kanina. Hindi niya maatim na mangyari ito sa lola niya at walang tumulong dito.

    “Gagaan din ang buhay natin, lola…” Hinalikan niya sa noo ang natutulog na matanda.

    Minuto lamang ang nakalipas ay mahimbing na natutulog na si Aica sa tabi ng kaniyang lola.

    Makalipas ang isang buwan, nagulat si Aica nang isang abogado ang bumisita sa kanilang bahay.

    “Nandito ho ako dahil kay Donya Helena Marquez…” Pagsisimula ng abogado.

    Napaisip si Aica. Kilala niya ang tinutukoy nito. Ang matanda na tinulungan niya makauwi sa pamilya nito.

    “Bakit ho, Sir? May nangyari ho ba?” Takang tanong ni Aica.

    “Ikinalulungkot kong ibalita na pumanaw na siya.” Wika ng abogado.

    Nakadama ng matinding lungkot si Aica. Napalapit din ang loob niya sa matanda kahit papaano.

    “At nag-iwan siya ng malaking parte ng kaniyang ari-arian sa iyong pangalan.” Pagpapatuloy ng abogado.

    Nanlaki ang mata ni Aica sa narinig. Kumabog ang kaniyang dibdib nang maalala ang sinabi ng matanda bago sila maghiwalay.

    “Ibibigay Niya ang hinihiling ng puso mo.”

    Tulala pa din si Aica nang ilapag ng abogado ang sobre na naglalaman ng isang liham nula sa matanda.

    Mabilis itong binuksan ni Aica upang makita ang nilalaman ng sulat.

    Aica,

    Busilak ang iyong puso. Tanggapin mo ang aking taos pusong pasasalamat. Salamat at nakasama ko ang aking mahal sa buhay sa mga nalalabi kong araw dahil sa tulong mo. Gamitin mo ang naiwan ko para ipagamot ang lola mo.

    Nanay Helena

    Tuluyan nang tumulo ang luha ni Aica. Hindi inaasahan ang biyaya na dumating sa kaniya.

    Nang gabing iyon, isang panalangin ang inalay ni Aica para sa pumanaw na matanda.

    Maraming salamat, Nanay Helena. Tanggapin mo din ang taos puso kong pasasalamat.

    Dahil sa malaking kayamanan naiwan ng matanda kay Aica, naipagamot ni Aica ang kaniyang lola at nabigyan niya ang kaniyang lola ng mas magandang buhay.

    Bilang pag-alala sa pumanaw na si Nanay Helen, nagpatayo ng isang bahay ampunan si Aica na kumukupkop sa mga matatandang nagpapalaboy-laboy sa lansangan at walang masilungan.

    Sigurado si Aica na kung nasaan man si Nanay Helena, masayang masaya ito para sa kaniya.

    Advertisement