Inday TrendingInday Trending
Nagtrabaho sa Ibang Bansa ang Lalaki; Pag-uwi Niya ay may Ibang Pamilya na ang Kaniyang Asawa

Nagtrabaho sa Ibang Bansa ang Lalaki; Pag-uwi Niya ay may Ibang Pamilya na ang Kaniyang Asawa

Limang taon nang dyanitor si Fred sa pinapasukang kumpanya ngunit kahit anong sipag niya ay hindi pa rin umuunlad ang buhay ng kaniyang pamilya. Kaya mas minabuti na lamang niyang magbitiw sa trabaho.

“Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Fred?” tanong ng asawang si Lita.

“Ilang taon na rin akong dyanitor, Lita. Hanggang ngayon ay nangungupahan pa rin tayo sa masikip na bahay na ito,” tugon ng ginoo.

“Saka habang lumalaki kasi ang mga bata ay lalong lumalaki rin ang kanilang pangangailangan. Natatakot ako na baka hindi ko na maibigay ang lahat ng iyon sa pagiging dyanitor lang,” dagdag pa ng mister.

“Saan naman tayo kukuha ng pera na kakailanganin para sa pag-a-abroad mo?” sambit ng misis.

“Mangungutang muna ako sa mga kapatid ko. Babayaran ko na lang buwan-buwan kada sahod. Hayaan mo gagawin ko ang lahat doon para kumita ng malaki at may maipadala dito sa inyo. Hindi ako hihinto hanggang hindi ko kayo nabibiyan ng magandang buhay,” pangako ni Fred.

Hindi naglaon ay lumipad nga si Fred patungong ibang bansa upang magtrabaho. Sa Korea ay naging isang trabahador siya sa pabrika. Kapag wala siyang pasok ay umeekstra pa siya sa paglilinis ng restawran at sa construction. Hindi na halos nagpapahinga si Fred para lamang triple ang maipadala niya sa kaniyang pamilya. Nais din kasi niyang matapos agad ang kanilang pagkakautang kaya lahat ng pagtitipid ay kaniyang ginagawa.

“Natanggap mo ba ang padala ko, Lita?” wika ni Fred sa asawa. “Buong sahod ko ‘yan. Umkestra kasi ako dito saka bumili na rin ako ng pagkain ko sa loob ng dalawang linggo. Pagkakasyahin ko na lang ito,” dagdag pa niya.

“Oo, Fred. Nakabayad na rin ako sa pagkakautang natin sa mga kapatid mo. Sa wakas ay tapos na,” sambit ng ginang.

‘Baka naman, Fred, puwede akong bumili ng bagong telepono? Gusto ko rin kasi na makausap ka ng maayos,” lambing ni Lita.

Agad na pumayag si Fred at ipapadala niya ito sa susunod na sahod.

Lingid sa kaalaman ni Fred ay kung saan-saan lamang napupunta ang pera na kaniyang pinaghihirapan. Simula kasi ng umalis siya ay naengganyo ng mga kaibigan itong si Lita na magbuhay ng marangya. Tutal naman daw kasi ay walang patid ang pagpapadala ng kaniyang asawa ay ano ba namang magsugal sila.

Dito na umikot ang mundo ni Lita. Abala rin siya sa pagpapatunay sa kaniyang mga kumare na nakakariwasa na sila sa kanilang buhay. Hindi niya ininda ang lahat ng paghihirap ng kaniyang asawa.

“Fred, may binebentang lupa’t bahay malapit dito. Puwede daw magpaunang bayad muna. Ipapadala ko sa iyo ang mga litrato. Nagustuhan ko kasi ang bahay. Para hindi na rin tayo mangupahan pa,” wika ni Lita.

“Tama ka, Lita. Sige gagawan ko ‘yan ng paraan.” sambit ng asawa.

Lalo pang nag-umigting ang gana ni Fred na magtrabaho ngayon na may ipinupundar na silang sariling bahay at lupa. Dahil sa kaniyang sipag at tiyaga ay nakita ng kumpanya ang kaniyang dedikasyon kaya tinaasan ang kaniyang ranggo at kaniyang sahod. Ngunit kahit ganoon pa man ay patuloy pa rin siya sa pag-ekstra sa trabaho.

Nang makaipon ng sapat ay nais niyang umuwi ng Pilipinas upang supresahin ang kaniyang mag-anak.

“Tiyak ako magugulat sila at lubusan silang matutuwa. Pupunta kami ng mall para bumili ng bagong mga muwebles sa bahay,” sambit niya sa kaniyang sarili.

Ngunit siya ang nagulat nang kumatok siya sa bahay na kaniyang inaakalang nabili nilang mag-asawa.

“Sino po sila?” sambit ng ginang na nakatira doon.

“Nandyan po ba ang asawa kong si Lita?” tanong ni Fred.

“Lita? Wala akong kilalang Lita. Ah, baka sila ung dating nakatira dito? Kakalipat lang namin noong nakaraang buwan,” pahayag ng babae.

Ngunit hindi maaaring magkamali si Fred dahil alam niyang wala pang isang linggo simula nang lumipat ang kaniyang pamilya sa bahay na ito. Lubusan siyang nagugulumihanan. Kaya dumiretso siya agad sa dati nilang inuupahang bahay. Doon ay natanaw niya ang kaniyang asawang si Lita ngunit nang kaniyang tangkang lapitan ay bigla na lamang may isang lalaking lumabas sa pinto at niyakap ang asawa.

Masayang naglalambingan ang dalawa habang si Fred ay nakatanaw mula sa ‘di kalayuan. Nagulat na lamang sila ng maaninagan ang ginoo. Hindi alam ni Lita kung paano ipapaliwanag sa kaniyang asawa ang nangyari.

“Hindi ko alam kung ano ang dapat itawag ko sa iyo. Pero habang nagpapakahirap pala ako sa ibang bansa ay ito ang inaatupag mo. Saan mo dinala ang perang pinapadala ko?!” galit na sambit ni Fred.

“Hayaan mong magpaliwanag ako, Fred. Babae lang ako at nangangailangan! Noong umalis ka kailangan ko ng masasandalan lalo sa panahon na malungkot ako!” paliwanag ni Lita.

“Malungkot ka? Nangangailangan ka? Ano ang iniisip mong ginagawa ko sa ibang bansa, Lita? Nagbabakasyon? Nagpapasarap? Hindi mo alam ang hirap na pinagdadaanan ko doon pero hindi ko ininda ang lahat ng iyon para lang mabigyan ko kayo ng maayos na buhay!” gigil na wika ng ginoo.

Nagpumilit si Fred na pumasok ng kanilang bahay upang kunin ang dalawa niyang anak. Agad niya itong isinama sa kaniyang mga magulang.

“Simula ngayon wala ka nang karapatan sa mga bata. Hindi ka mabuting ehemplo sa kanila. Magkikita tayo sa korte. Sa kulungan kayo dapat magsama!” sambit ni Fred.

Tuluyang sinampahan ni Fred ng kaso ang dating asawa at ang kinakasama nito. Pinanigan naman siya ng korte sa kustodiya ng mga bata. Naiwan ang mga bata sa pangangalaga ng mga magulang ni Fred habang siya ay mabigat ang loob na bumalik ng ibang bansa upang muling magtrabaho.

Kahit na mapait ang sinapit ng kaniyang buhay may-asawa ay pilit siyang bumangon para sa kapakanan ng kaniyang anak at upang mabigyan niya ang mga ito ng magandang buhay.

Advertisement