Inday TrendingInday Trending
Makina na Lamang ang Bumubuhay sa Kaniyang Asawa; Ginawa ng Ginang ang Lahat Upang Hindi Siya Isuko

Makina na Lamang ang Bumubuhay sa Kaniyang Asawa; Ginawa ng Ginang ang Lahat Upang Hindi Siya Isuko

Malaki ang pagtutol ng mga magulang ni Jerome sa pagpapakasal nito sa kaniyang kasintahang si Flor. Mabilis kasi ang lahat ng pangyayari at ang nais ng mga magulang g binata ay ikasal si Jerome sa anak ng isang prominenteng negosyante sa kanilang lugar. Ngunit kahit ano pang pagtutol ang gawin nila ay buo na ang loob ng binata na pakasalan si Flor.

“Ayokong masira ka sa pamilya mo, Jerome. Kung hindi nila ibibigay ang basbas sa atin ay mabuti pang h’wag na lang natin ituloy ang kasal,” saad ni Flor.

“Wala akong pakialam sa sasabihin nila sa akin. Ayos lamang sa akin kahit na itakawil nila ako. Masaya ako sa’yo, Flor at ikaw ang nais kong makasama habang buhay. Ipaglalaban ko ang nararamdaman ko para sa iyo,” sambit ni Jerome.

Kahit na labag sa pamilya ng binata ay tinuloy nila ang pagpapakasal. Nang mabalitaan ito ng ina ni Jerome ay lubusan ang hinagpis at galit nito. Agad niyang kinompronta si Flor.

“Wala kang kwentang babae, Alam mong walang mapapala sa iyo ang anak ko. Mas magandang buhay sana ang mayroon siya kung iba ang napangasawa niya. Pero pinagpilitan mo pa rin ang gusto mo! Tingnan natin kung saan kayo pupulutin. Maghihiwalay rin kayo!” sambit ng ginang.

Pilit na namuhay ng simple at mapayapa ang mag-asawa. Hindi man nakakariwasa sa buhay ay pilit nilang itinataguyod ang kanilang relasyon sa paghahanda ng pagbuo ng sarili nilang pamilya.

Nagpatuloy sa pagtatrabaho si Flor sa pabrika habang si Jerome naman ay ahente ng lupa. Malakas kung kumita itong si Jerome kaya madali silang makaipon.

“Malapit na tayong makaipon, mahal. Mabibili na rin natin ang lupang gusto natin at mapapatayuan na rin natin ng bahay. Gusto ko ‘yung malaking malaki para sa marami nating anak!” nagagalak na wika ng mister.

“Naku, kahit maliit lang, mahal. Basta sama-sama tayo ay ayos na sa akin,” tugon ni Flor.

Hindi magkamayaw ang dalawa sa ligaya na hatid ng kanilang pagsasama. Ngunit lahat ng ito ay napawi nang isang araw ay nakatanggap na lamang si Flor ng isang masamang balita.

Humahangos siyang nagtungo sa ospital upang puntahan ang asawa.

“Ano pong nangyari sa asawa ko? Nasaan po siya?” umiiyak nitong sambit sa mga doktor.

“Misis, kritikal po ang lagay ng asawa niyo. Malakas po ang pagkakabundol sa kaniya ng sasakyan. Hindi natin alam kung kakayanin pa niyang lumaban. Sa ngayon po ay dito muna kayo at ginagawa na po natin ang lahat upang isalba ang buhay niya,” saad ng doktor.

Halos gumuho ang mundo ni Flor nang marinig ito. Makalipas ang ilang oras nang operasyon ay maaari na niyang makita ang asawa ngunit sa labas lamang ng silid. Habang sinisilip niya sa salamin ang asawa ay hindi niya lubusan na sa isang iglap lamang ay babawiin ang lahat ng kaligayahan nila. Lubusan ang pagdadasal ni Flor na sana ay magising na ito nang tuluyan.

‘Misis, comatose po ang asawa ninyo. Kailangan po ng malaking halaga para po maipagpatuloy natin ang mga makinang sumusuporta na mapanatili ang kaniyang buhay. Tatapatin na namin kayo, misis, maliit ang tiyansa na mabuhay pa ang asawa nyo,” saad ng doktor.

“Hindi naman kayo Diyos,” hindi matanggap ni Flor ang narinig sa doktor. “Tanging ang Diyos lamang ang makakakapagsabi, dok, kung gaano pa ang ilalagi ng asawa ko sa mundong ito. Hanggang lumalaban siya ay ilalaban ko ang buhay niya!” pagtangis ng ginang.

Nabalitaan ng pamilya ni Jerome ang nangyari at ang lahat ng ito ay isinisisi nila kay Flor. Minalas daw si Jerome sapagkat siya ang napangasawa.

“Kung nais mong madugtungan ang buhay ng asawa mo ay iwan mo na siya. Kami na ang bahala sa kaniya,” sambit ng ina ng ginoo.

“Ngunit hindi ko magagawa ‘yan! Mahal ako ng asawa ko at alam kong lalaban siya kung alam niyang nasa tabi niya ako,” wika ni Flor. “Kung ayaw nyo pong tulungan ang anak niyo ay ako na po ang gagawa ng lahat ng paraan upang dugtungan ang buhay niya,” dagdag pa nito.

Inilaan ni Flor ang lahat ng kanilang ipon upang ipampagamot sa kaniyang asawa. Doble kayod ang kaniyang ginawa. Bukod sa pagtatrabaho sa pabrika ay nagbebenta na rin siya ng kung anu-ano. Sinubukan na rin niyang maging ahente ng sabon. Lahat ng maaaring pagkakitaan ay pinasok ng ginang nang sa gayon ay hindi mahinto ang pantustos para sa buhay ng kaniyang asawa.

“Mahal, kahit mahirapan ako, hindi ako titigil na ilaban ang buhay mo. Kaya parang awa mo na, bilisan mo ng bumalik sa akin. Hindi ko makakaya na nakikita kang nahihirapan,” bulong nito sa nakaratay na asawa.

“Wala nang silbi ang ginagawa mo, Flor. Lalo mo lang pinagtatagal ang paghihirap ng anak ko. Ang sabi ng mga doktor ay maliit na ang tyansa na magising siya. Kaya kung ako sayo ay putulin mo na ang paghihirap ng anak ko!” sambit ng ina ni Jerome.

Ngunit hindi makakapayag si Flor sa gustong mangyari ng ina ng asawa.

“Lilisan ang asawa ko kung kailan nais siyang lumisan ng Diyos. Alam kong lumalaban siya! Hindi niya ako iiwan. At dahil doon ay ilalaban ko siya kahit hanggang huling hininga ko pa!” palabang sagot ni Flor.

Patuloy sa pagbabanat ng buto si Flor. Halos hindi na ito magkandaugaga sa dami at bigat ng kaniyang mga gawain. Hanggang isang araw ay nakatanggap na lamang ito ng tawag mula sa ospital.

Humangahos muli siyang nagtungo sa ospital.

“Dok, ano pong nangyari sa asawa ko? Nasaan po siya?” natataranta nitong sambit.

“Misis, tila mirakulo ang nangyari. Nagkaroon na siya ng malay at unti-unti na ring bumubuti ang kaniyang kalagayan. Nasa silid na po siya at maaari niyo na siyang makita,” masayang tugon ng doktor.

Nangangatog si Flor habang binabagtas niya ang daan patungo sa silid ng asawa. Nang makapasok siya ay hindi na niya naiwasan pa ang pagpatak ng kaniyang luha nang makita na may malay na ito at wala na ang makinang sumusuporta sa kaniya.

Napaluhod na lamang siya sa harap ng asawa.

“Alam kong babalik ka sa akin. Alam kong lalaban ka! Mahal na mahal kita, Jerome! Salamat sa Diyos at ibinalik ka niya sa akin!” patuloy sa pag-iyak ang ginang.

“Pinalakas ako ng tiwala mo at pagmamahal mo, Flor. Maraming salamat at hindi mo ako sinukuan. Mula pa noon alam ko nang ikaw ang babae para sa akin. Maraming salamat sa Diyos dahil binigyan pa niya ako ng pangalawang buhay upang mas matagal ka pang makasama!” sambit ng mister.

Isang mahigpit na yakap ang tumapos sa pangungulila ng dalawa sa isa’t isa.

Nang mabalitaan ng pamilya ni Jerome ang nangyari ay hindi sila makapaniwala. Hindi nila alam kung anong mukha ang ihaharap kay Flor dahil sa kahihiyan ng kanilang ginawa at pinagsasabi rito.

Humingi sila ng tawad sa ginang at nagsimula muli ng bagong buhay. Mula noon ay natanggap na nila si Flor bilang asawa ni Jerome.

Advertisement