Inday TrendingInday Trending
Ginamit ng Ina ang Karamdaman ng Anak Upang Makahingi Siya ng Simpatya at Tulong sa Iba; Matindi Pala ang Balik Nito sa Kaniyang Kapalaran

Ginamit ng Ina ang Karamdaman ng Anak Upang Makahingi Siya ng Simpatya at Tulong sa Iba; Matindi Pala ang Balik Nito sa Kaniyang Kapalaran

“Ano ngayon ang gagawin mo sa bata, Lucy?” tanong ng inang si Aling Linda sa kaniyang dalagang anak habang nagliligpit sila ng gamit ng anak sa isang pampublikong ospital.

“Saan mo hahagilapin ang ama niyang bata na ‘yan? Sabi ko sa’yo hindi mapagkakatiwalaan ‘yang si Jojo. Paano mo ngayong bubuhayin ‘yang anak mo?” dagdag na tanong pa ng ina.

Kakapanganak lamang kasi ni Lucy sa kaniyang panganay na anak. Sa kalagitnaan ng panganganak niya ay hindi na niya mahagilap ang nakabuntis sa kaniyang si Jojo. Ang sabi ng iba ay pumunta na raw ito ng probinsya upang magtago. Pero higit pa doon ang problema ng dalaga sapagkat may karamdaman ang kaniyang anak. Ipinanganak ito na may problema sa puso.

Hindi makaimik si Lucy. Sa totoo lang kasi ay hindi niya alam ang isasagot sa ina sa patuloy na pagdaldal ng kaniyang ina.

Nang makauwi ang mga-iina sa kanilang tahanan ay matindi ang pagtitig ni Lucy sa kaniyang anak. Hindi kasi ito ang pinangarap niyang buhay. Ang akala niya kasi ay kapag nagbuntis siya ay magiging sapat na ito para hindi siya iwan ng kaniyang kasintahang si Jojo. Ngunit nagkamali siya. Ngayon ay mas mabigat na problema pa ang kaniyang kinakaharap.

“Paano mo bubuhayin ang batang ‘yan, Lucy?” tanong na naman ng ina.

“Ano ho ba ang gusto niyong isagot ko? Gusto niyo po ba na ipamigay ko siya? Tantanan niyo muna ako sa kakatanong, ‘nay. Kasi kahit ako ay hindi ko alam ang gagawin. Sa tingin n’yo ba ay ginusto ko ang batang ito?!” pabalang na sagot ni Lucy sa ina.

“Kung kasi pag-aaral ang inatupag mo at hindi paglandi ay sana’y nakatapos ka na. Dapat ay may maganda ka nang trabaho. Nakakalibot ka na sa ibang bansa! At higit sa lahat ay nakakatulong ka sa pamilyang ito! Ngayon, isang pabigat pa ang dinala mo sa pamamahay natin,” inis na sambit ng ina.

Dahil sa kaniyang kinakaharap ay napag-isipan ni Lucy na gagawin ang lahat para mawala sa landas niya ang batang kaniyang iniluwal. Isang araw ay binalak niyang iwan na lamang ito sa isang simbahan. Ngunit hindi niya magawa dahil maraming makakakita sa kaniya.

Binalak din niyang ipaampon ito sa iba o kaya naman ay iwan sa bahay ampunan ngunit hindi nagtatagumpay ang kaniyang mga plano. Hanggang isang araw ay dumaan siya sa bahay ng isang kaibigan upang maglabas ng sama ng loob.

“Alam mo, pwede mo namang iwan sa nanay mo ‘yan at magtrabaho ka. Maganda ka pa naman at parang hindi nanganak,” saad ni Carmela. “Gusto mo ipasok kita sa bar na pinagtatrabahuhan ko?” dagdag pa nito.

“Sayang din ‘tong anak mo, e ‘no. Maganda pero sakitin. Kailangan mo talaga kumayod para suportahan ang batang ‘yan kung hindi baka may mangyaring masama sa kaniya. Sagutin mo ‘yan!” pahayag ni Carmela.

“May naisip ako, Lucy! Marami akong nakikita sa social media ngayon na humihingi ng tulong sa mga tao. Konting paawa lang, konting malungkot na istorya ay kakagat na ang mga tao,” sulsol nito.

Dito nabuhayan ng loob si Lucy. Bakit nga ba hindi niya gawin ang iminungkahi ng kaniyang kaibigan. Kaya pag-uwi sa bahay ay agad niyang kinuhaan ng litrato ang anak at saka gumawa ng isang matinding istorya. Hindi nga siya nagkamali at pumukaw ito sa maraming tao.

Dahil dito ay maraming gustong tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagpapadala ng pera o mga kagamitan at gamot. Malaking tulong ito sa kaniyang anak ngunit higit pa dito ang nakita ni Lucy. Ginamit niya ang anak ng sa gayon ay hindi na siya magtrabaho at kumubra na lamang ng pera sa mga taong gustong tumulong. Ang tanging kailan lamang niyang gawin ay kunan ito ng litrato at i-post sa social media.

Mula noon ay hindi na niya kailangan pang maghirap para suportahan ang anak. Buhay dalaga muli si Lucy. Nabibili na nito ang kaniyang mga gusto — bagong damit, kolorete sa mukha at kung anu-ano pa.

Ang akala ni Lucy ay tuluy-tuloy lamang ang kaniyang ganitong buhay. Ngunit isang kapitbahay ang nagsiwalat ng tunay na ginagawa ng inang ito. Agad na kumalat sa social media ang masamang ginawa ni Lucy at lahat ng tao ay nakaramdam ng galit sa dalaga.

Pilit mang pagtakpan ito ni Lucy ay wala na siyang magawa pa. Ang malala pa dito ay dumating ang araw na kailangan na talaga niyang dalhin sa ospital ang kaniyang anak sapagkat inaatake ito ng sakit. Ngunit dahil sa pagkabulagsak niya sa pera ay wala man lamang siyang naipon.

Kahit anong hingi niya ng tulong kahit kanino ay wala ng naniniwala sa kaniya. Sa kasamahaang palad ay nasawi ang ang kaniyang kawawang anak sa mismong bisig niya. Hindi siya makapaniwala na sa huling pagkakataon ay may mararamdaman siyang kakaiba sa bata.

“Alam kong huli na ang lahat. Hindi ko nagawang alagaan ka at mas masama pa ay ginamit lang kita. Akala ko ay wala kang halaga sa akin, anak. Pero bakit ngayon ay tila ginugupo ako ng kalungkutan. Ayaw pala kitang mawala!” iyak ni Lucy.

Ngunit huli na ang lahat. Wala nang buhay ang kawawang bata dahil sa sarili niyang kapabayaan. Buong buhay niyang pagbabayaran ang ginawa niya sa kaniyang anak dahil simula noon ay tila nawalan na siya ng bait sa sarili at unti-unti siyang inuubos ng kaniyang konsensya.

Advertisement