Inday TrendingInday Trending
Kilala ang Sikat na Vlogger na Ito sa Kaniyang mga Nakakatawang Gawain; Isang Pangyayari ang Magbibigay sa Kaniya ng Leksyon

Kilala ang Sikat na Vlogger na Ito sa Kaniyang mga Nakakatawang Gawain; Isang Pangyayari ang Magbibigay sa Kaniya ng Leksyon

Trending na naman ang kaniyang likhang video sa Youtube. Parati na lamang ganito at talaga namang usap-usapan ito palagi sa social media. Nakapagbibigay kasi siya ng saya lalo na’t ang lahat ng tao ay nasa bahay lamang. At sa tuwing nakakabasa siya ng mga kumento ng mga manonood niya, lalo siyang ginaganahang gumawa pa ng mga kalokohan.

Muli niyang pinatawag ang kaniyang mga kasamahan at may naplano na naman silang kalokohan na pwede nilang gawin. Sa pagkakataong ito, lolokohin nila ang isa sa kanilang mga kasama sa bahay. Ang taong nage-edit mismo ng kaniyang mga videos.

“Ganito na nga… Kahit isa sa atin kailangan hindi natin pansinin si Mark, okay? Naiintindihan niyo ba yun?” paliwanag niya sa dalawang kasama. Hindi lamang isang araw, kundi isang linggo nilang gagawin ito. Tuwang-tuwa sila sa magiging kakalabasan ng kalokohan nilang ito.

Ang dahilan ng napakaraming manonood ni Jut ay ang katotohanan sa lahat ng kaniyang mga kalokohan. Walang scripted kundi lahat ay tunay. At sa ngayon, handa na silang gawin iyon sa kaibigan na si Mark. Tahimik kasi ito at kung hindi nila kakausapin ay hindi rin talaga sila nag-uusap. Kaya naman ngayon ay titingnan nila kung ito na nga mismo ang lalapit sa kanila.

Dumating na ang unang araw ng kanilang planadong kalokohan. Nakakalat na sa buong bahay ang mga camera lalo na sa sala at sa kwarto kung nasaan ang mga computer at kung saan din lagi silang nagsasama-sama para maglaro ng computer games at magkwentuhan.

“Naku, Jut! Parang ang boring nito pre! Si Mark pa talaga ha? Baka mamuti na mata natin wala pang reaksiyon yun kung ‘di natin papansinin!” pagrereklamo ni Makoy sa kaniyang mga kaibigan dahil natapos na ang tatlong araw subalit hindi pa rin nila napapalapit sa kanila ng kusa ang lalaking si Mark.

“Hindi yan p’re! Tiyaga lang tingnan mo. Walang taong kaya mabuhay mag-isa!” muling malakas na tawa ni Jut.

Ganoon lamang ang palagi nilang ginagawa. Nanonood ng movie. Nag-iinuman at kumakain ng silang tatlo lamang. Subalit sa tuwing lumalapit si Mark, kahit na hindi iyon nagsasalita, naghihintay lamang iyon na yayain din siya ng mga kaibigan.

Limang araw na nga ang lumipas subalit wala silang makuhang ni ha o ni ho sa kaibigang si Mark. Talaga namang napakatahimik nito! Kahit na message sa cellphone ay wala itong sinasbai sa kanila. Pero malamang ay nagtataka na iyon.

Sabado, isang araw bago matapos ang kanilang prank sa kaibigan, nakita nilang may mga pagkain na nakahain sa kusina. Nagtanungan ang tatlo at napag alaman nilang nag order ng pagkain si Mark para sa kanilang lahat. Kahit na gusto nilang magpasalamat ng personal, hindi nila magawa dahil nais nilang panindigan ang kanilang kalokohan. Dahil dito, nagpasalamat na lamang sila sa camera sa inihain na pagkain ni Mark para sa kanila.

Dumating si Mark sa kusina, naubos na nila halos ang pagkain habang masayang nagkukwentuhan. Ngunit parang isang bula lamang ang presensiya ni Mark dahil hindi pa rin siya pinapansin ng mga ito Kitang kita sa mukha nito ang kalungkutan. Subalit dahil isang araw na lang naman, bukas na nila ito isisiwalat sa kaibigan at babawi sila nang malaki rito!

Noong gabing iyon, nag-uusap muli ang tatlong magkakaibigan na sina Jut, Makoy at Louie. Naghahanda kasi sila ng isang malaking sorpresa para kay Mark. Tiyak kasing magugustuhan nito ang bagong labas na model ng isang computer. Ibinili nila iyon isang linggo na ang nakakalipas at sakto, dadating na iyon bukas ng umaga.

Parating naalis si Mark ng bandang ala-singko ng hapon at bumabalik din pagkatapos ng dalawang oras. Sa pagitang ng oras na iyon, mabilis nilang inayos ang buong bahay para sorpresahin ang kaibigan. Dumating na ang kanilang regalo, mga pagkain at inumin pati na ibang mga kaibigan pa nila. Nakaayos na ang lahat, si Mark na lang ang kulang.

Dumaan pa ang ilang oras, dalawa, tatlo, apat at lima. Subalit wala kahit na anino ni Mark ang kanilang nasilayan. Tinatawagan nila ang kaibigan ngunit naka-off ang cellphone nito. Tinawagan na nila ang lahat ng pwedeng kasama ng kanilang kaibigan ngunit wala pa rin.

Kamot ulo at buntong hininga na lamang ang kanilang magawa ng mga oras na iyon. Wala na silang alam na lugar at taong kokontakin para malaman ang kinaroroonan ng kaibigan. Nagsimula na silang mag-alala dahil dis oras na ng gabi. Malamig na ang pagkain at tunaw na ang yelo. Antok na rin sila. Doon nila naisip na baka nagpalipas lang ng gabi ang kaibigan at napagdesisyunang matulog na.

Habang nasa kama, hindi maiwasan ni Jut ang mag-alala sa kaibigan. Patuloy pa rin siya sa pagtawag dahil baka sakali, makausap niya ito at humingi ng tawad. Aakyat sana siya sa roof top ng kanilang bahay ngunit isang kakila-kilabot ang kaniyang nakita. Nakasabit sa may hagdanan paakyat ng rooftop ang ban*gkay ng kaniyang kaibigan! Malamig na ito at matigas na rin. Tinawag niya ang iba pang mga kaibigan at binasa ang sulat na iniwan ni Mark.

“Mahal ko kayo, bro. At wala kayong kasalanan. Sadyang masyado lang talaga mabigat ang buhay kaya lilisan na ako. Ingat kayo palagi. Mamimiss ko ang tawanan nating lahat…”

Hindi nila naisip na dumaranas na pala ng matinding depresyon ang kanilang kaibigan at imbes na makatulong, ay lalo lang nila itong pinalungkot. Hindi nila mapatawad ang kanilang sarili kung kaya naman nagpaalam na sila sa kanilang mga manonood na kahit kailan ay hindi na gagawa ng kalokohan sa kahit na kanino. Dahil hindi mo nga naman alam kung ano ang maaaring mangyari.

Advertisement