Pasaway ang Lalaki at Ayaw Sumunod; Hiyang Hiya Siya nang Mapagtanto ang Kaniyang Pagkakamali
Mabilis ang lakad ni Adam papuntang sakayan ng tren. Lampas alas sais na kasi siya nagising. Kailangan niyang mahabol ang tren na umaalis ng alas siyete kaya naman halos tabigin niya ang mga tao umabot lang.
Sa kabutihang palad, nakaabot naman siya sa panghuling tren. Hindi nga lang siya nakaupo, pero ayos na ‘yun, ang mahalaga ay makarating siya sa opisina sa tamang oras.
Ayaw niya mapag-initan siya ng kanilang boss.
Iginala ni Adam ang paningin. Bahagya siyang napailing nang makitang marami-raming tao ang nakasuot ng face mask.
Bali-balita kasi na may kumakalat daw na nakahahawang sakit. Bukod sa nakahahawa ay nakamatat*y daw ito ay maaring magdulot ng pandemya kung hindi maagapan.
Napaismid si Adam. Hindi kasi siya naniniwala kasi siya na ang kontrobersiyal na sakit na ito ay simpleng ubo at sipon lamang, na maaring magamot ng simpleng gamot at pahinga lamang.
“Ano ba ‘yan, hindi man lang magtakip kapag umuubo!” Masungit na wika ng isang aleng may bitbit na anak sa isang matanda na umuubo sa ‘di kalayuan.
Napapahiyang napayuko naman ang matanda.
Napapailing na ipinukol na lamang ni Adam ang atensiyon sa labas.
Walang panahon si Adam para matakot o mag-alala. Masyado siyang madaming gawain sa trabaho para maghanap pa ng ibang alalahanin.
Bago lamang siya sa trabaho at mahalaga sa kaniya na makuha ang tiwala ng kaniyang boss na may kahigpitan.
Nakahinga nang maluwag si Adam nang huminto ang tren sa kaniyang istasyon sa oras na kaniyang inaasahan.
Napangiti siya nang tumingin sa kaniyang relong pambisig. Saktong alas siyete y medya, may kalahating oras pa siya para maglakad papunta sa kanilang opisina.
Sa kaniyang paglakad ay hindi niya maiwasang obserbahan ang mga kasabay at nakakasalubong.
Halos lahat ay may kaniya-kaniyang suot na face mask. Kaya naman kapansin-pansin ang mga hindi nakasuot nito. Kagaya niya.
“Mama, bakit po hindi nakasuot ng mask si kuya?” Narinig niyang tanong ng batang naglalakad sa tabi niya. Hawak hawak ito ng nanay nito.
Siya yata ang tinutukoy ng bata dahil pinukol siya ng nanay nito ng tingin na tila humihingi ng paumanhin.
Ipinagkibit naman niya ito ng balikat at nagpatuloy siya sa paglalakad.
Malayo layo pa sa gusali na kaniyang pinagtatrabahuhan ay tanaw niya na ang mahabang pila, bagay na kaniyang ipinagtaka.
Sinulyapan niyang muli ang kaniyang relong pambisig. Nakadama si Adam ng pagkadismaya nang mapansin niyang kinse minutos na lamang at alas otso na.
Hindi ako pwedeng ma-late sa trabaho.
Sa isiping iyon ay dire-diretsong naglakad si Adam palapit sa guwardiya ng gusalig mukhang nag-iinspeksiyon ng bawat pumapasok.
“Boss, ano ho ba ‘yan?” Usisa niya sa matandang guwardiya.
“Ser, utos lang ho, kailangan daw inspeksiyunin bawat pumapasok kasi may kumakalat na sakit. Nag-iingat lang ho.”
Pinigil ni Adam ang inis na nararamdaman.
“Baka ho pwedeng abswelto na ako diyan, boss? Wala naman akong sakit,” mahinahong bulong niya dito.
“Naku, ser, hindi ho pwede ‘yan, ako naman ho ang mapapagalitan. Pumila na ho kayo doon at madami ang naghihintay sa pila,” diretsong sabi ng guwardiya.
“Saka ho bumili na din ho kayo ng face mask ser, hindi ho pinapapasok ang walang face mask.” Magalang na dagdag nito.
Dahil na rin sa pangamba na hindi makarating sa opisina sa tamang oras, tuluyan nang naputol ang pagtitimpi ni Adam. Ibinuhos nito ang inis sa pobreng guwardiya.
“Papasukin mo ako! Male-late na ako! Ano bang kalokohan ‘to?” Galit na sigaw ni Adam.
Bagamat nagulat, mahinahon pa rin ang sagot ng guwardiya sa galit na galit na empleyado.
“Ser, may sinusunod nga lang ho tayong batas na galing sa mga nakatataas. Gusto lang po namin masiguro na lahat ay ligtas mula sa sakit na nakahahawa,” paliwanag nito.
Maririnig naman ang mga bulungan ng mga empleyadong nakapila rin.
“Ano ba ‘yan, pasaway!” Wika ng isang may edad na babae.
“Lalo lang tumatagal dahil sa mga hindi sumusunod e!” Inis namang komento ng isang dalaga.
Lalong nagpuyos sa galit si Adam. Akmang kukwelyuhan ang guwardiya nang isang malakas na boses ang narinig mula sa lalaking palabas ng gusali.
“Anong kaguluhan ‘to?” Kunot noong tanong ng lalaki sa nagulat na guwardiya.
“Naku, Mr. Lopez, pasensiya na ho, may isa ho kasing empleyado na nagpupumilit pumasok nang hindi nagpapa-inspeksiyon,” nahihiyang ulat nito. Kilala ng guwardiya ang lalaki. Isa si Mr. Lopez sa mga boss ng kompanyang nag-oopisina sa gusaling iyon.
“Sir!” Nanlalaki ang mata ni Adam nang makilala ang kaniyang boss na kausap ang guwardiyang kanina lang ay sinusungitan niya.
Mas lalo siyang kinabahan nang makita niya ang dismayadong sulyap na iginawad sa kaniya ng boss.
Lumabas ito at agad siyang hinarap. Sinenyasan siya nitong bahagyang lumayo sa mga nakapila.
“Sir, pasensiya na ho at late ako–”
“Bakit hindi ka sumusunod sa protocol ng building?” Putol nito sa kaniya.
“Sir, kasi ho–”
“‘Wag kang makasarili, Adam, hindi sayo umiikot ang mundo. Sundin mo kung ano ang sinasabi ng guwardiya dahil ginagawa niya lang ang trabaho niya,” direkta nitong pangaral.
Napayuko naman sa hiya ang binata. Gusto niya magpasikat sa boss niya, ngunit heto siya’t pinapagalitan nito bago pa man magsimula ang araw.
Bago pa siya makasagot ay tumalikod na ito. Saglit siyang natulala habang pinoproseso ang nangyari.
Bumalik siya sa kasaluyan nang marinig ang boses nanay na kasalukuyang kinakausap ang dalawa nitong anak.
Tila sa gilid na iyon naninirahan ang mag-anak.
“O, ‘wag niyong tatanggalin ito ha? Proteksiyon niyo ito mula sa sakit,” wika ng nanay habang kinakabit sa mga bata ang face mask.
Minasdan niya ito. Marusing ang face mask, na tila gawa lamang sa tagpi-tagping tela.
Mas lalo namang napahiya si Adam. Napagtanto ang pagkakamali. Masyado siyang naging makasarili, hindi niya inisip ang mga tao sa paligid niya.
May mga tao pala na mas maaring mahirapan kung sakaling mahawa ang mga ito ng sakit. Ang mga walang tirahan at masisilungan.
Sa ‘di kalayuan ay may botika, kung kaya’t dali-dali siyang bumili ng face mask.
Paalis na siya nang may sumagi sa isip.
Bago bumalik sa gusali na pinagtatrabuhan, lumapit siya sa mag-anak na nakatira sa gilid.
“‘Nay, para ho sa inyo ng mga bata.” Inabot niya dito ang isang supot.
Nanlaki ang mata nito nang usisain ang laman ng supot at makita ang isang kahon ng face mask at mga bitamina para rito at sa mga bata.
“Para ho pampalakas ng resistensya,” dagdag pa ni Adam.
Tuwang-tuwa naman ang matanda. “Naku, hijo! Maraming salamat! Malaking tulong ito sa amin,” mangiyak-ngiyak ito nang pasalamatan ang binata.
May ngiti naman sa labi na naglakad papalayo ang binata.
Humingi siya ng paumanhin sa kinagalitang guwardiya at sa kaniyang boss. Naintindihan naman siya ng mga ito.
Mula ng araw na iyon, mas naging responsableng mamamayan si Adam na hindi lamang sarili ang iniisip kundi ang ikabubuti ng mas nakararami.