Inday TrendingInday Trending
Nais nang Iligaw ng Ginang ang Kanilang Aso, Nanumbalik ang Pagmamahal Niya Rito Matapos ang Isang Trahedya

Nais nang Iligaw ng Ginang ang Kanilang Aso, Nanumbalik ang Pagmamahal Niya Rito Matapos ang Isang Trahedya

“Lydia! Patahimikin mo nga ‘yang aso! Diyos ko, tahol nang tahol, nakakarindi na!” sigaw ni Aling Kora, isang umaga nang magising siya nang tumatahol nilang alaga.

“Malamang, mama, tatahol ‘yan, aso ‘yan, eh! Magulat ka kapag nagsalita ‘yan at makipagtsismisan sa’yo!” pabirong sagot ng kaniyang anak.

“Aba, pinipilosopo mo pa ako, ha? Baka gustong mong isama kita kapag niligaw ko ‘yang perwisyong aso na ‘yan!” sermon niya pa dito dahilan upang bigla itong magseryoso.

“Mama, naman, huwag mo namang iligaw si Didi. Natahol lang ‘yan kasi may nagtatakbuhang bata sa labas,” paliwanag nito sa kaniya.

“Nagtatakbuhan? Eh, kapag gabi, wala ring tigil ‘yan kakatahol! Ni hindi nga ako matulog d’yan!” sabi niya pa, bakas sa kaniyang mukha ang pagkainis.

“Hayaan mo na, mama,” pagpapakalma ng kaniyang anak saka hinimas-himas ang kaniyang likuran.

“Anong hayaan? Kapag mamayang gabi nag-ingay pa ‘yan, ililigaw ko talaga ‘yan ora mismo!” galit niya pa ring sagot, napabuntong hininga na lamang ang kaniyang anak habang patuloy siyang pinapakalma.

Dalawang taon nang biyuda ang ginang na si Kora. Sumakabilang buhay ang kaniyang asawa dahil sa pagliligtas nito sa aso nilang si Didi dahilan upang ganoon na lamang siya makaramdam ng galit dito. Mahal na mahal kasi ng kaniyang asawa ang kauna-unahan nilang aso kaya naman noong matupok ng apoy ang kanilang bahay, binalikan pa ito ng kaniyang asawa.

Matagumpay naman nitong nailabas ang naturang asong nakatali noon sa loob ng kanilang bahay ngunit bigla naman itong kinapos ng hininga dahil sa labis na usok na nalanghap. Dahil nga nawiwindang din siya sa pangyayaring iyon, hindi niya napansing bumagsak na ang kaniyang asawa at tuluyan na ngang nawalan ng buhay.

Simula noon, nanlamig na ang kaniyang pakikitungo sa naturang aso. Madalas niya pa nga itong sinisipa sa tuwing maaalala ang naturang trahedya. Sa katunayan pa nga, simula noong mawala ang kaniyang asawa, itinali na niya ito sa labas ng kanilang bahay.

Lalo pang umigting ang kaniyang galit sa naturang aso nitong mga nakaraang araw. Halos gabi-gabi na lang kasi itong walang sawang tumatahol na para bang ayaw magpatulog dahilan upang ganoon na lamang siya magpasiyang iligaw na lang ito kaysa abalahin siya nang sobra.

Noong araw din ‘yon, dahil nga maaga siyang nagising dahil sa tahol ng naturang aso, hindi niya ito pinakain. Ika niya, “Dapat sa isang katulad mong perwisyo, hindi na pinapakain! Kung pwede ka lang kainin, lulutuin na kita, eh, perwisyo ka! Wala ka nang tinulong, nang aabala ka pa!”

Pinakalma niya ang sarili sa pamamagitan ng panunuod ng mga pelikula. Panandalian niyang nalimot ang galit sa naturang aso. Ngunit nang sumapit ang hating gabi, nang matutulog na siya, bigla namang umalulong ang kanilang aso.

“Didi, naman talaga! Talagang gusto mong maligaw, ha?” panandaliang tumahimik ang aso nang sumigaw siya ngunit mayamaya, bigla na naman itong tumahol nang napakalakas.

Doon na siya nagdesisyong iligaw na nga ang naturang aso. Agad siyang lumabas ng kaniyang silid at kumuha ng flash light habang patuloy pa rin ang pagtahol ng kanilang aso. Ngunit habang pababa siya ng kanilang hagdan, nakita niyang basag ang isa nilang bintana dahilan upang bahagya na siyang kabahan. Nakarinig pa siya ng mga kaluskos sa kanilang sala dahilan upang dahan-dahan siyang bumalik ng kaniyang kwarto’t kunin ang kaniyang selpon upang tumawag ng tulong sa kanilang kapitbahay. Pinapunta niya na rin ang kaniyang anak sa kaniyang kwarto at doon sa ilalim ng kama sila nagtago.

Kitang-kita nila kung paano dahan-dahang pumasok sa kaniyang kwarto ang magnanakaw. Mabilis nitong hinalughog ang kaniyang damitan at isinilid lahat ng kaniyang mga mamahaling alahas sa bag na hawak nito. Takip bibig na lamang silang umiiyak mag-ina habang patuloy pa rin ang pagtahol ng kanilang aso na tila humihingi ng tulong.

Mayamaya pa, narinig na nilang lumabas nhmg kwarto ang naturang magnanakaw. Putok na ng baril ang kasunod nilang narinig dahilan upang mapasilip siya sa bintana ng kaniyang silid.

Doon niya nakita ang napakaraming taong nakikiisyoso at mga pulis na karga-karga ang magnanakaw na may tama ng bala sa hita. Nakita niya ring nakatingala sa kaniya ang kanilang asong tahimik siyang pinagmamasdan.

Agad siyang bumaba saka niyakap ang naturang aso. Ika niya, “Kung hindi dahil sa’yo, baka wala na kami ni Lydia. Maraming salamat, Didi,” saka niya ito mangiyakngiyak na binuhat. Doon na rin niya nalamang nanlaban pa ang magnanakaw dahilan upang paputukan na ito ng mga pulis. Nabawi niyang lahat ang mga nakuha ng magnanakaw na iyon. Ganoon na lang ang pasasalamat niya sa kaniyang mga kapitbahay na agad na tumawag ng pulis.

Simula noon, nanumbalik ang kaniyang pagmamahal sa kanilang aso. Nawala man ang kaniyang asawa dahil sa asong ito, nagawa naman nitong makabawi dahil sa pagliligtas nito sa kanila.

Madalas nating tratuhing mababa ang ating mga alaga, nawa’y lagi nating isiping sila’y parang tao rin, may pakiramdam at nagmamalasit sa atin.

Advertisement