Walang Pakialam ang Binata sa Kaniyang Pag-aaral, Nadurog ang Kaniyang Puso sa Nasaksihang Sitwasyon ng Ama
“Anak naman! Ano bang problema mo talaga, ha? Pangatlong beses na akong pinapatawag sa eskwelahan mo dahil sa kalokohang ginagawa mo!” ‘ika ni Mang Willy, isang umaga nang madatnan niyang naghahanda na sa pagpasok ang kaniyang anak.
“Edi ‘wag ka pumunta. Wala naman ‘yon, tinatakot lang ako ng mga guro doon. Akala naman nila matatakot ako sa kanila,” sagot ni Ruben saka nag-ayos ng buhok sa salamin.
“Aba, dapat kang matakot sa kanila, Ruben! Sila ang magpapasiya kung makakapagtapos ka ba o hindi!” sermon ng kaniyang ama dahilan upang mapabuntong hininga siya.
“Wala akong pakialam kung makapagtapos ako o hindi,” pabalang niyang sagot saka isinukbit ang bag sa kaniyang braso.
“Ruben, naman! Ayaw kitang matulad sa akin kaya ginagawa ko ang lahat upang makapagtapos ka’t makahanap ng magandang trabaho. Tulungan mo naman ang sarili mo,” mahinahong ika ng kaniyang ama, bakas sa mukha nito ang kagustuhang tumino na siya.
“Bahala na, alis na’ko,” matipid niyang sagot saka tuluyan nang lumabas ng kanilang bahay.
Numero unong basagulero kung tawagin ang binatang si Ruben sa kanilang eskwelahan. Halos buwan-buwan kasi, kung hindi siya nasasangkot sa away, nananakit naman siya ng mga estudyanteng walang laban dahilan upang palaging ipatawag ang kaniyang ama upang kausapin at disiplinahin siya.
Ngunit imbis na matuto at itigil ang hindi magandang gawaing iyon, mas lalo lang niyang ginagawa ang nais niya sa buhay. Sa katunayan nga, tatlong taon na siyang umuulit sa ikatatlong taon sa hayskul dahil sa kalokohang kaniyang ginagawa.
Labis lang talagang nagmamakaawa ang kaniyang ama sa mga guro sa naturang paaralan upang huwag siyang tanggalin bilang estudyante doon.
Kaya ganoon na lamang nadidismaya sa kaniya ito. Bukod kasi sa palagi itong lumuluhod sa harap ng kaniyang mga guro upang magmakaawa, ito lang ang mag-isang tumataguyod sa kaniya. Sapat lang ang kita nito bilang isang serbidor sa isang restawran upang ipangbayad ng kaniyang mga proyekto, uniporme at iba pang pangangailangan niya sa paaralan.
Ngunit kahit alam niya ang lahat ng pagsasakripisyo ng ama, wala pa rin siyang tinag sa paggawa ng hindi magagandang bagay.
Noong araw na ‘yon, pagkapasok niya sa paaralan, nakasalubong niya ang kaniyang mga tropa, may dala-dalang kahoy at tila may masama na namang binabalak ang mga ito.
“Ano, Ruben, sasama ka ba sa amin? Balita ko nasumbong ka na naman no’ng kinukuhanan mo ng baon, ha?” ika ng isa sa kaniyang mga tropa.
“Oo nga, eh, nakakainis, isip bata masyado,” inis niyang sagot.
“Tirahin na natin? Abangan natin doon sa kabilang kanto, doon nadaan ‘yon tuwing napasok, eh,” sambit pa ng isa, agad-agad naman siyang sumang-ayon dahil sa pagkainis na nararamdaman.
Sumama nga siya sa kaniyang mga tropa ngunit habang naghihintay sila sa naturang kantong ‘yon, nakita niya ang kaniyang ama sa isang bahay na hindi kalayuan dahilan upang bahagya siyang magtago. Tila nag-deliver ito ng mga pagkain doon. Pinagmamasdan niya lang ang kaniyang ama na magiliw na nakikipag-usap sa ginang na may-ari ng bahay ngunit mayamaya, nagulat na lamang siyang biglang hinagis ng ginang ang mga pagkain sa kaniyang ama at nagsimula nang umalingawngaw ang bunganga nito.
“Gano’n ka ba ka-t*nga? Bakit kulang-kulang ‘to? O baka naman kinukupit mo lang! Lutong pagkain ang in-order ko, bakit may gulat at prutas dito?” malakas na sigaw nito. Kitang-kita niya kung paano pinupulot ng kaniyang ama ang mga pagkaing nasayang na tiyak, babayaran nito.
Doon tila nadurog ang kaniyang puso. Ika niya, “Ganito ba araw-araw ginagawa ng papa ko? Tama nga siya, lahat ginagawa niya para sa akin. Tapakan man ang pagkatao niya, basta matugunan niya lang lahat ng pangangailangan ko, ayos lang sa kaniya,” saka siya mangiyakngiyak na tumakbo patungo sa kaniyang ama’t tinulungan ito magpulot.
“O, hindi ba’t may klase ka ngayon?” gulat na tanong ng kaniyang ama.
“Meron nga po, sa ingay ng bunganga no’ng ginang, narinig ko sa silid aralan namin,” biro niya dahilan upang mapalitan ng ngiti ang malungkot na mukha ng kaniyang ama, “Papa, anong gusto mong maging trabaho ko kapag nakapagtapos ako?” tanong niya na lalo pang nakapagpabuhay dito.
“Abogado, kaya mo?” sambit nito.
“Napakadali naman no’n!” magiliw niyang ika dahilan upang humalakhak sa tawa ang kaniyang ama.
Simula noong araw na iyon, nagbago ang binatang si Ruben. Ang dating numero unong basagulero, naging numero uno na sa klase. Nagawa na niya ring itigil ang pang-aalipusta sa iba at tumutok na lang sa pag-aaral dahilan upang makapagtapos na siya ng hayskul.
Napilitan na rin siyang pumasok sa isang trabaho habang nag-aaral sa isang unibersidad upang makatulong sa kaniyang ama.
Ilang taon pa ang lumipas, matagumpay nga siyang nakapagtapos at naging isang ganap na abogado.
Ganoon na lamang ang tuwa ng kaniyang ama sa kaniyang tagumpay. Halos ilang araw itong umiyak dahil sa tuwa noong malaman nitong naabot niya ang nais nitong trabaho para sa kaniya.
Lahat talaga gagawin ng mga magulang para sa kaniyang anak. Matapakan man ang pagkatao nila, iindahin nila lahat ‘yon para sa kinabukasan nating mga anak.